”Kitain mo ako sa dulo ng Kazanlak”
Lantaran kong sinabi noon na ayoko na—na tapos na ako sa’yo.
Na bakit ko pa mamahalin ang babaeng naging dahilan ng pagkabasag ko?
Ngunit sa gabi ng katahimikan, sa gitna ng magulong mundo,
Napagtanto ko na lamang—binabasa ko pa rin ang librong paborito mo
Naalala ko pa kung paanong umabot sa tenga ang ngiti mo
Habang buong sigasig mong ikinukuwento kung gaano mo ito kamahal.
Ni hindi nga bahagi ng mundo ko ang ganitong klaseng babasahin,
Ngunit nagulat na lamang ako—nasa kalagitnaan na ako ng mga pahina, at saksi ang langit sa 'kin
Anong ginawa mo?
Bakit kahit hindi nasimulan ang istorya,
ako pa rin ang nakatali sa pahina
na ikaw ang bida?
Bakit sa dami ng librong maaari kong basahin,
ikaw pa rin ang linyang nakaukit sa akin?
Ngunit bakit nga ba tila naiwan ang puso ko sa unang kabanata ng libro?
Anong mahika ang iniwan mo’t hindi ko magawang isulat para lagyan ng tuldok at isara na ito?
Dala mo sa iyong pag-alis ang pusong namamanata—
Na ikaw na nga ang babaeng nagpaamo sa akin, ng buo, ng tama.
Hindi ko na kailangang balikan ang unang kabanata.
Ngunit tila nasukat mo na kung gaano kalalim
ang kaya kong indahin.
At ngayon, alam ko na—
hindi lahat ng istoryang ako mismo ang nagsulat,
ay kailangan kong tapusin.