Pumasok na ang dekada '90 sa kathambuhay ni Jepoy. Matagal nang lumipas ang Martial Law ngunit hindi ang mga dating pagkabagabag ng Filipino. Nangangahulugan ding hindi na pwedeng patagalin pa ito, o magagaya na ito sa isang teleserye na hindi mo na matunton ang puno't dulo. Bilang paghahanda sa pagtatapos ng aking munting akda, kailangan ko munang balikan ang mga kabanata at tiyaking walang patid o patlang sa lahat ng aking isinaysay. Lagi akong nahihirapang sulatin ang wakas. (Hindi ko alam kung ganito rin ang iba.) Gayunman, sisikapin kong mag-iwan ng marka sa isipan ng mga mambabasa ang mga 'rebelasyon' sa huling kabanata ng "Martial Law Kid". Una na akong nagpapasalamat sa inyo na walang sawang sumubaybay dito, bagamat dumaan ang panahong nainip kayo sa nabimbing mga pahina sa pana-panahong sinusumpong tayo ng pagkaunsyami at gayundin, ng katamaran. Pagbati po sa lahat ng bagong mambabasa. Sana'y nakapagdulot ako sa inyo ng kasiyahan, kakapurat man.