Isang daan at dalawampung araw -- ganyan katagal ako naghintay makita at makasama ka. Mula sa unang segundo na nagtama ulit ang mga mata natin hanggang sa pagtalikod natin nung kinagabihan, hindi nawala ang kabog sa dibdib ko. Parang panaginip, parang sa utak ko lang lahat ng iyon sa nakalipas na apat na buwan. Alam ko na di ko naikubli ang mga ngiti ko dahil sa saya. Panandalian man, walang paglagyan yung galak sa puso ko. Nasilayan ko na ulit ang mga ngiti at narinig ko na muli ang tinig mo, hindi ko itatanggi na sobra ko iyon na-miss. Na-miss ko ang pagtawag mo sa pangalan ko, na-miss ko kung paano ka tumingin ng diretso sa mga mata ko habang nagkukuwento. Pero isa lang naman ang ibig sabihin ng lahat ng iyon. Isang kumpirmasyon na ikaw at ikaw pa rin. Kahit subukan kong tumingin sa ibang direksyon, bumabalik pa rin ako sa umpisa. Alam ko na di naman talaga dapat pero sa ngayon kuntento na ako na mahalin ka sa paraang alam ko. Tahimik akong hihiling na umayon sa iyo ang langit. Susuportahan ko ang magiging mga desisyon mo kahit pa ibig sabihin no'n eh malalayo ka lalo sa akin. Alam kong kaya mo. Nandito lang ako para idasal na maging tama ang direksyon na gusto mong tahakin. ᜋᜑᜎ᜔ ᜃᜒᜆ᜶