Minsan kong hiniling sa Buwan na samahan muna ako sa pag-iisa,
Saksihan muna niya ang ingay sa aking puso,
Panuorin akong tumangis, huwag munang mawala ang kaniyang liwanag — huwag muna siyang umalis.
Kahit hindi niya ako makausap, o kahit hindi matapik itong aking likuran,
Sapat ang kabilugan, kasama ng mga bituwin upang aking pagmasdan—malayo ngunit nagpapagaan.
Mailabas lang ang sakit, maging magaan lang kahit saglit.
Kahit isang oras, o kalahating minuto ay hihiramin ko—
tumigil lang sa kirot itong aking puso.
Lahat naman ay kinayang ibigay sa'yo,
Ngunit kay lupit ng mundo, upang maramdaman kong hindi ako buo.
Na hindi ako sumapat,
Na hinanap ang kulang,
At ang mga bagay na hindi ko mapunan— hindi naman sinasadya kung hanggang dito lang.
At anong bigat sa pakiramdam, kapag piniling tumahimik,
Ngunit ang ingay sa puso ay nababatid.
Punong-puno ng "bakit",
At palaging walang kasagutan sa aking isip.
—Ibinulong ko sa Buwan, na sana mabilis nalang mawala ang sakit,
Upang hindi na madurog pa nang paulit-ulit.
“Ngunit liwanag lamang ang kaya nitong ibigay, at hindi ang lunas sa sakit”.