Sintang Pagkakaisa
ni: Kiko Manalo
Sintang Pagkakaisa!
Saan ka sumuling?
Tila naligaw ka ng iyong landasin,
Narito ang anak, iyong kandungin,
Uhaw na uhaw sa iyong pagdating!
Sintang Pagkakaisa!
Saan ka nagtungo?
Hindi ba dapat na sila ang humayo?
Maraming nilalang ang nagbabalatkayo,
Nagkukubling oso sa imbi ng mundo!
Sintang Pagkakaisa!
Bakit natapilok?
Sa daang mainam ay nakikihamok,
Bumangon ka ngayon, saka pumalaot,
Haplusin itong puso ng dito'y nanasok!
Sintang Pagkakaisa!
Gising ba ang dibdib?
O sadyang nahimbing at napasaliblib?
Laksa ng langayang maghari ang ibig,
Ikaw na nga sanang bahalang umusig!
Sintang Pagkakaisa!
Nasaan ka?
Kubkubin ngayon din nitong pagkalinga!
Yakaping mahigpit ng pag-aaruga!
Halikan mo ang puso, pati kaluluwa!
Sintang Pagkakaisa!
Ngayon ay nariyan,
Ang hiwa-hiwalay na buto't kalamnan,
Nawa ay magsilbing isang kapagkitan,
Upang mangagdugtong ang sangkalupaan!
'