"Ito Na Ang Huling Beses Na Isusulat Kita"
Ito na ang huling beses
Na magsasayang ako ng papel at tinta,
Na bubuo ako ng mga tugmang salita,
Na maglalakbay ang diwa ko
Patungo sa mga pangarap na sabay nating binuo.
Ito na ang huling beses
Na makikita mo ang sarili mo sa mga papel na puno ng papuri sa'yo.
Na ilalapat ko ang pangalan mo at ang kwento nating tatlo.
Oo, tatlo.
Ang kwento nating tatlo.
Kung paanong nakikita mo lang ako sa tuwing hindi ka niya nakikita.
Kung paanong naaalala mo lang ako sa tuwing binabalewala ka niya.
Kung paanong lalapitan mo lang ako sa tuwing itinataboy ka niya.
Kung paanong ikinukwento kita at ikinukwento mo siya.
Kaibigan.
Isa lang akong hamak na kaibigan.
Pero bakit ganon?
Hindi ko na maramdaman na isa akong kaibigan, na isa kang kaibigan.
Nakakapagod ka palang maging kaibigan.
Nakakapagod ka palang mahalin.
Mali,
Nakakapagod palang magmahal sa isang kaibigan.
Siguro panahon na para ako naman.
Sarili ko naman ang isusulat ko.
'Yong kwento ko naman ang ikukwento ko.
Ito na ang huling beses
Na isusulat kita.
#nightthoughts