(2)Pero kasi, narinig kita. Sinabi mo, gusto mo lang naman ng atensiyon, kasi baka sa susunod o makalawa, malaman na lang namin na wala na kaming tatay. Mahirap, pero nagpasya ako na samahan ka at sulitin na nandiyan ka kahit na parang sinasabi ko noon na mamamatay ka kaysa naman ipagpilitan ko pa iyong sarili ko na baka sa huli, magulat na nga ako na wala ka na. Iyon Papa, doon ako tumigil muna sa pagsusulat at sinubukan ko talagang maging mabuting anak kahit lagi ako iyong pinag-iinitan mo, hehe. Kahit na ba masakit iyong history nating mag-ama, sinulit naman natin iyong mga panahong nandito ka pa, 'di ba? Kaya Papa, nagpapasalamat talaga ako kasi natanggap ko noong Christmas' Eve iyong regalong hindi ko inaasahang matatanggap ko noong Pasko, last 2020 – iyong pagpapatawad – na higit pa sa mga handa ng iba noong walang-wala tayo.
Salamat, 'pa. Salamat sa lahat ng sakripisyo mo sa 'min ni Mama at nila Ate, sa aming lahat ng pamilya mo. Sorry rin, kasi lumaki akong lutang, hindi marunong mag'po at opo' sa mga magulang, at iyong sinasabi mong delikadong makasama in life and death situation; pero kahit na gano'n, sinabi mo pa rin na mahal na mahal mo 'ko, tinanggap mo pa rin ako kahit na noong pinapanganak pa lang ako ni Mama, ayaw mo na kasi mahirap nga para sa kaniya. Sorry talaga, Papa. Kasi, hindi ko nakita lahat ng pagmamahal ni'yo, iyong inakala kong walang-wala ako kaya naghanap ako noon sa mga kaibigan.
Gayunpaman, hindi ko man maipapangako, pero determinado ako 'pang ipagpatuloy iyong pagsusulat ko. Kahit hindi man ito iyong permanente kong trabaho, masaya ako rito, 'pa. At sana, proud ka sa 'kin kasi nagpalaki ka ng mga anak na kasing tatag mo, at may paninindigan sa lahat ng ginagawa niya.