Paano nga ba tayo nagsimula? Sa araw-araw na palitan ng mensahe. Sa bawat paghintay ko sa pag-uwi mo. Sa bawat "pagtago" para hanapin mo 'ko. Naalala ko, tatlo tayo noon. Nagbibiruan. Nagkukulitan. Kasama na sa mga biro ang pagpapalitan ng matatamis na mensahe. Akala ko, hanggang doon lang iyon. Ngunit sa bawat paglipas ng araw, ang biro sa isa, seryoso naman sa'yo. Ang biro mo rin sa isa, seryoso na rin saakin. Hindi ko inakala na magmamahal ako sa isang kagaya ko, hindi ko rin inakala na iisa na pala ang nararamdaman natin. Binalak ko na iwanan ka dahil takot ako sa rejection, matapos ng pag-amin ko sa'yo. Oo, MAHAL NGA KITA ngunit iiwan kita, hindi ko alam kung matatanggap mo ang pagmamahal na iniaalay ko.
Hindi ko inaasahan na kahit hindi ka sigurado sinabi mo parin ang mga katagang ito: "Hindi ko alam kung ano nga ba tayo, hindi ko rin sigurado kung ano ang nararamdaman ko, isa lang ang alam ko, ayoko na iwan mo 'ko at iyon ang sinisigaw ng isip at puso ko."
Nang mabasa ko ang mensahe mo kinaumagahan at ang mga kataga ngang iyon ang iyong sinambit, naisip ko, may pag-asa rin ako siguro sa'yo.
Naging malaya ako sa nararamdaman ko, ipinakita ko sa'yo na totoo ito. Hindi ako magsasawang iparamdam sa'yo na ang mahal kitang talaga.
Dumating na rin ang pagkakataon na hinihintay ko, isang hapon habang tayo'y magkausap, sinabi ko ito: "Mahal kita."
Ilang minuto ang lumipas, naghintay, nag-abang. Hanggang sa isang mensahe ang nanggaling sa'yo. Maikli lamang ang iyong sagot. Maikli ngunit makahulugan. Maikli ngunit iyon ang inaasam-asam na marinig sa'yo. Hindi na biro. Hindi na tayo tatlo. Napangiti ako sa mga salitang ito.
"Mahal din kita."
♡♡♡
08.10.11