Ako si Darell Basilio, hindi ko alam kung bakit ako nawiwili masyado sa aking pangalan. Bakit nga ba? Lalake akong ipinanganak pero babae akong lumaki. Naniniwala akong panandalian lamang ang sa pisikal na aspeto. Mananatili akong babae sa puso at sa aking diwa.
Paborito kong pagkain ay siomai, fries at burger isama mo na rin ang brazo de mercedes pero dahil mahal ang mga ito, kornik na lang. Iyong kornik na bida o di kaya’y boy bawang na tinatago-tago ko pa sa loob ng aking bag para di makita ng mga siba kong kakilala.
Mahilig ako sa aso. Sa katunayan, may alaga akong aso ngayon, si Sigmund, isang babaeng japanese spitz, bigay ng isang taong malapit sa aking puso. Mga isang metro ang lapit. Sa aso ko lahat sinasabi ang aking mga sikreto. Malihim kaya alam kong mapagkakatiwalaan.
Ako iyong tipo ng taong hindi mo dapat sineseryoso palagi ang mga sinasabi. Kapag ako lamang ang nagsabing maganda ka, magtaka ka na. Maraming ulit kang dapat kumunsulta sa salamin bago ka maniwala. Subalit masasabi mong ako ay isang tunay na kaibigan, dahil hindi ko kailangang ipagkanulo sa kasamaan ang aking mga kasama para lamang sa pansariling interes at kapakanan lamang.
Masayahin akong tao, magiliw. Pero sa likod ng mga halakhak at ngiti ay isang anyong iba ang nakakubli. Desperadong makakuha ng wastong paghuhusga at normal na trato dahil nga ako’y iba, iba sa karamihan. Kung makikita mo man akong nag-iisa, yun ang mga sitwasyong hinahabol ako ng reyalidad na ako’y iba at kailanman ayokong manatiling iba.
- Laoag City
- JoinedJune 6, 2014
Sign up to join the largest storytelling community
or