Makasalanan na ba ako kung hinahangad kong sana... sana hindi na lang kayo nagkapamilya?
Dahil no’ng dumating ang maliliit ninyong bersyon, doon na rin ako naglaho sa perpektong pamilyang nilalarawan ko sa aking isipan. Ate, Kuya, si bunso pa rin ito. Hindi ako nagbago. Ako pa rin ‘yung laging nananabik na makita kayo; ‘yung batang kayo agad ang naiisip tuwing may nakakamit na sertipiko.
Pero kabaliktaran na ata ang lahat. Hindi na ako ang inyong bunso. Hindi na ako ang dahilan ng matatamis ninyong ngiti, at hindi na ako ang ipinagmamalaki ninyo sa iba. Kung hindi pa ako lilitaw sa videocall, tila hindi niyo na maaalalang may bunso pa kayong naiwan.
Masisisi niyo ba ako? Sinanay niyo akong laging nasa tabi niyo. Sinanay niyo ako na ako lang ang 'baby' sa paningin niyo. Ngayon, hindi ako makausad. Nakapako pa rin ako sa lugar kung saan niyo iniwan ang sirang bunso ninyo.
Kung ang paghahangad na sana’y hindi kayo nagkapamilya ay isang kasalanan, patawarin niyo ako. Hindi ko ninais na magkaroon ng ganitong pananaw sa inyo—pero dito niyo ako iniwan.
╥﹏╥