Isa ako sa mga nagrereklamo, hindi lang para sa akin, kundi para na rin sa mga hindi makaambag ng pangangailangan sa bansa natin. Isa ako sa mga walang maiambag, dahil papaano? Gayong kasama rin ako sa mga nangangailangan. Kasama rin sila sa mga nangangailangan. Paano ka makakapagbigay ng tulong pinansyal, o ng kung ano mang donasyon, kung sa simula pa lang naman ay wala ka na?
Hindi ako pulubi. Nakatira ako sa isang munti ngunit maaliwalas na pamamahay. Hindi ako palaboy. Nakakakain ako ng higit sa tatlong beses sa isang araw, may pamilyang kasama, at may paaralang pinapasukan. Hindi ako napapabilang sa mga nasa laylayan. Ang aking mga magulang ay may trabaho, may sapat akong damit na maisusuot sa araw-araw. Kung tutuusin ay masasabing napapabilang ako sa mga privileged ng bansang 'to, dahil hindi ako katulad sa tatlong nabanggit ko. Ngunit, sa kabila ng lahat, hindi ko pa rin kayang mag-ambag tulad ng mga nakakaangat sa buhay nating mga kababayan. Kung ganoong hindi ko na kaya, papaano pa ang mga nabanggit ko? Kung ganoong ang isang simpleng mamamayang tulad ko ay nangangailangan rin, ano pa ba ang nasa ilalim ko?
Ano kaya ang hinaing ng mga nasa ilalim? Ano kaya ang nais nilang isatinig? Ano kaya ang nasa mga isipan nila?
Ah, wala tayong marinig. Kung meron man, nababalewala lang rin. Sino nga ba sila sa lipunang ito? Ni hindi nga nila kayang makapag-ambag sa ating bayan? Ano ba ang halaga ng kanilang mga salita, kung sila ang tinatapakan ng mga makapangyarihan nasa taas upang makatungtong at maabot ang kumikinang na diyamante?
Sa panahong ito, sabi nila ay, "magkaisa, sumunod." Madaling sabihin, madaling gawin, madaling ibato sa mga taong 'sumusuway' rito. Ngunit, hindi lahat nakakatanggap ng pribilehiyong mayroon tayo. Hindi lahat suwerte sa buhay. Hindi lahat nakapaghanda sa nangyayari. Hindi tayo pare-parehas ng sitwasyon.