Chapter 3

127 9 2
                                    





Hinihingal na ibinagsak ni Macaria ang katawan ng lalaking walang malay sa papag. Hirap na hirap siyang iakyat ito sa kagubatan kung nasaan ang kumunidad nila. Masyado itong mabigat at malaki.

Halos inabot siya ng apat na oras sa paglalakad habang akay-akay ang lalaki. Kamuntikan pa itong gumulong pababa sa matarik na daan. Hindi na niya malaman kung paano niya ito nakayanang iakyat sa kagubatan.

Hindi niya magawang iwanan ang lalaki sa dalampasigan bukod sa nag-aalala siyang tangayin uli ito ng alon sa karagatan, may mga galos at sugat rin ito sa noo.

"Dayo... gising!" Niyugyog ni Macaria ang balikat ng binata. "Hoy! Gumising ka!"

Pikit na humawak sa noo nito ang lalaki saka umungol na tila nahihirapan. Natitilihang tinakbo ni Macaria ang nakabukas na bintana. Mula sa labas ay tumutugtog ang malakas at mabilis na ritmo ng tambol. Mataas ang siga sa labas ng malaking kubo kung saan ginaganap na ang vivaha.

Kailangan niyang makapunta sa pagtitipon bago may makapansing wala siya roon at maisipan puntahan ng ama dito sa kanilang kubol. Mananagot siya kapag nakita nitong may kasama siyang lalaki!

Dali-daling inalis ni Macaria ang nakatukod na kahoy sa bintana. Sumara 'yon saka niya binalikan ang lalaki at paulit-ulit na niyugyog ang balikat.

"Hoy!" Mahinang asik niya. "Dayo! Gumising ka! Gising!!!" Sa kagustuhang magising ang lalaki. Sinampal niya ito ng ubod nang lakas. "Gumising kaaaa!"

Napaatras si Macaria nang unti-unting magmulat ng mga mata ang lalaki.

"Aray." Hinipo nito ang nasaktang pisngi saka bumaling sa kaniya. "Sino ka?" Marahan nitong ibinangon ang ulo at ipinalibot ang tingin sa maliit na silid. "Nasaan ako?"

Nakipagtitigan si Macaria sa lalaking kasing itim ng gabi ang mga mata. Mas higit itong magandang lalaki kapag ganitong nakamulat ang mga mata at matiim ang pagkakatitig sa kaniya.

Kumurap si Macaria upang hamigin ang sarili.
"Paano ka napadpad sa dalampasigan? Nasaan ang mga kasama mo? At anong pakay mo rito sa isla namin?"

Tumingala ang lalaki na tila pilit inaalala at hinahanapan ng kasagutan ang mga tanong niya bago pailing-iling na sinapo ang noo. "H-Hindi ko maalala.. wala akong matandaan.."

Nag-aalalang dinaluhan ni Macaria ang lalaking tila gulong-gulo. "Pero natatandaan mo ang pangalan mo 'di ba? Kaleb.. iyon ang sinabi mo sa'kin kanina sa dalampasigan bago ka uli mawalan ng malay."

"Ang pangalang 'yon.. paulit-ulit kong naririnig.. Pero hindi ko matandaan kung saan.. kaya marahil 'yon ang nasabi ko sa'yo. But, I'm not sure if it was really my name.." muli itong humawak sa sentido.

Matamang tinitigan niya ang lalaki. Iba ang pananalita nito maging ang huling lengguwaheng ginamit ay iba. Nasisiguro niyang hindi ito galing sa mga karatig isla.

Pero paano nga ba ito napadpad sa isla nila?

Napapitlag si Macaria nang marinig ang malakas na tunog ng tambol. Natampal niya ang sariling noo! Ang Vivaha! Ngayon nga pala iyon gaganapin! Siguradong hinahanap na siya ng kaniyang ama.

Binalingan niya si Kaleb. "Kailangan kong tumungo sa malaking kubol. Ngayon ang ginaganap ang vivaha ni Haryeta ang matalik kong kaibigan."

"Vivaha?" Nagsasalubong ang kilay na tanong nito.

"Kasalan ang tawag ninyong mga dayo sa vivaha," paliwanag niya. "Kailangan ko nang umalis. Huwag kang lalabas ng silid na ito hanggang di ako bumabalik. Maliwanag?"

Mabilis na tumango ang lalaki. Lumabas si Macaria ng silid at kaagad ring bumalik hawak ang isang kamisetang puti. Inihagis niya iyon kay Kaleb.

"Gamitin mo muna ang baro ni Ama. Tutungo na ako sa vivaha." Nagmamadali nang lumabas ng silid si Macaria.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Aug 07 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Seducing The Exotic Island GirlWhere stories live. Discover now