Prologue
Kahit ilang beses nang pinuno ng hangin ni Annalor ang kanyang dibdib, hindi man lang iyon nagluwag. Naroroon pa rin ang kaba. At habang papalapit sa kanyang destinasyon, may palagay siyang unti-unting nauuwi ang kaba sa dagundong."Dave," mahinang usal ni Annalor. Pumikit siya at umusal ng maikling panalangin. Wala siyang ibang hinahangad maliban sa gumaling ang kanyang asawa. At umaasa siyang isang malaking bagay ang presensiya niya.
Parang tinatambol ang kanyang dibdib. Mula sa dagat, tanaw ang puting istruktura ng Villa Almonte. Imposibleng hindi iyon makita dahil berdeng mga puno ang nasa paligid na parang kumikinang pa sa sinag ng araw.
Umugong ang paghanga ng mga kasakay ni Annalor sa ferryboat. Exclusive iyon sa mga turistang dumarayo sa Paraiso Almonte. Nilingon niya ang mga ito.
Lahat ay halatang maykaya at excited na makarating sa island resort. Inihanda na ng ilan ang mga dalang camera. Mayroon pang isa na hi-tech ang dala; hindi maikakailang professional dahil alam kung paano i-adjust ang zoom lens. Siguradong ang Villa Almonte ang subject na kukunan.
May ilang sandaling pansamantalang nakalimutan ni Annalor ang emosyong hatid ng pagdating niya sa resort. Humalili roon ang inggit sa siguradong kilos ng babaeng photographer. That was a hobby na minsan niyang pinangarap. At nanatiling hanggang sa pangarap na lang.
Muli niyang itinuon ang tingin sa pupuntahan. Matayog na matayog ang pagkakatayo ng villa. 'Sintayog ng pamilya ni Dave, sa loob-loob niya. At kahit ang paniniwala niya ay manhid na siya sa sakit na nararamdaman, nakadama pa rin siya ng kirot.
Nang huminto ang ferryboat, parang huminto na rin ang tibok ng puso ni Annalor. Hindi agad niya naigalaw ang mga paa. Biglang parang gusto niyang huwag nang bumaba at sumama na lang uli pabalik sa pantalang pinanggalingan.
"Miss Annalor." Boses iyon ng isang empleyado ng resort na naka-summer shorts at T-shirt na may logo ng Paraiso Almonte. "Ako po si Jeboy. Nasaan po ang bagahe ninyo?"
Ang tauhan ng ferryboat ang nag-abot ng bagahe niya kay Jeboy. Ang alam ni Annalor, pare-pareho lang ang mga ito na suwelduhan ng mga Almonte. Tipid siyang napangiti. Isa rin siyang Almonte pero ni isa man sa mga ito ay wala sigurong nakakaalam ng totoo.
"Nasaan si Mr. Jaime?" magalang niyang tanong. Gumising sa kanyang kamalayan ang malamig at hanggang binting tubig-dagat na binabaan niya. At kung hindi sa maagap na pag-alalay ni Jeboy, mababasa siya ng mga guest na naghaharutan sa tubig at parang gusto nang maligo agad.
"Nasa opisina po. Hinihintay nga kayo. Dito ho ang daan." Iginiya siya ni Jeboy sa isang gilid.
May panghihinayang na sinulyapan ni Annalor ang entrance ng Villa Almonte. Magarbo ang ayos ng entrance. Inisip na lang niyang magkakaroon din siya ng pagkakataon para makita iyon nang husto. Mas importanteng magkausap sila ni Mr. Dionisio Jaime.
Si Mr. Dionisio Jaime ang assistant manager ng Paraiso Almonte. Mula nang magkasakit si Dave, si Mr. Jaime ang naging pansamantalang officer-in-charge. Hindi nakikialam ang pamilya ni Dave sa pamamalakad ng resort. Ni hindi nga pumupunta sa Palawan kung wala rin lang importanteng dahilan.
Sa Quezon province nakabase ang pamilya ni Dave. Isang malawak na hacienda ang pag-aari ng mga ito, at iyon ang pinagtutuunan ng atensiyon at hindi ang resort na mukhang si Dave lang ang may gusto.
"Iwan mo na kami," utos ni Mr. Jaime kay Jeboy. May-edad na ang lalaki. Nasa pinto ito ng private office at halatang nag-aabang sa kanila.
"Paano po itong bagahe ni Miss Annalor?"
BINABASA MO ANG
For Better, For Worse, Till Death Do Us Part (Wedding Vows)
RomanceFor Better, For Worse Puno ng pag-aalinlangan ang puso ni Annalor pero determinado siyang mamalagi sa Paraiso Almonte para kay Dave. At para na rin sa kanya. "You are invading my privacy. Hindi na allowed ang guests sa lugar na ito." Parang dagundon...