FIVE

16 2 0
                                    

“Honest mistake mo pagmumukha mo! Muntik na akong mamatay sa gutom hayop ka!” Kinwelyuhan ko ang lalaki at sinuntok ko ulit pero hindi siya lumaban. Inawat na lang ako ng lalaking nagtitinda ng isaw at hinatak ang t-shirt ko.

“Kilala ko ‘yang si Dindin. Mabait ‘yan,” pagtatanggol ng isaw vendor.

“Eh kahit naman mabait ka, makakagawa ka pa rin ng masama. So hindi n‘yo ako makukumbisi na dahil sa mabait siya eh patatawarin ko siya. Sa presinto siya kamo magpaliwanag dahil ipakukulong ko siya,” angil ko.

Umiling-iling lang ang lalaking tinawag na Dindin. Saglit pa ay nagpunta siya sa cottage na malapit. Sinundan ko pa nga siya dahil baka tumakas.

“Oh ayan! Check mo pa!” Binato niya sa'kin ang bag ko. Aba! Nag-alala ako na baka mabasag ang phone ko, buti na lang at nasalo ko iyon.

Mabilis kong binuksan ang zipper ng bag at inisa-isa ko ang bawat bulsa. Hassle dahil malaki iyon at maraming laman. Nakahinga rin ako nang maluwag at nakumpirma na wala namang nawala. Iyong wallet ko naman, kumpleto pa ang perang nakasuksok, naroon pa rin ang ID at kaisa-isang credit card na patagong binigay ni mama.

“Eh kung hindi ka ba naman gago, anong pumasok sa utak mo para kunin ang hindi sa'yo? Nagpa-prank ka ba?” paangil kong tanong. Hindi na ako mag-aabalang magpasalamat sa mokong na Dindin. Dapat lang naman na ibalik niya kung ano ang kinuha niya.

“Mag-usap muna tayo bro,” mahinahon niyang pakiusap.

Napaismid na lang ako. “Bakit pa? Kalimutan na lang natin na nangyari ito. Hindi kita isusumbong sa mga pulis. Sana hindi na ito maulit. Saka hindi tayo close para tawagin mo akong ‘bro.’

Tinalikuran ko siya pati ‘yong isaw vendor kasabay ng pagsukbit ko ng bag. I have no idea kung saan pupunta, basta ang mahalaga nakuha ko na ang bag ko.

About 9PM, nanginginig na ako sa lamig. Wala akong matuluyan. Fully booked na rin ang hotels malapit sa beach. Kaya wala akong choice kundi bumalik sa cottage kung saan nakapwesto yung isaw vendor.

“Oh... Bumalik ka, wala kang matuluyan ano? Turista ka? Wala kang kasama?” sunod-sunod na tanong ng vendor. Tinanguan ko siya.

“Doon ka na lang sa amin. Walang bayad,” agad niyang offer sa akin. He's truly concerned to me though I am still foreign to this place. O sadyang hospitable ang mga tao dito, hindi gaya sa amin na kanya-kanya o walang pakialamanan.

“Sige ho, kahit nakakahiya.” Alanganin pa ang ngiti ko.







***






Dinala ako ni isaw vendor sa maliit na town house. May iilang kwarto pala doon at okupado dati ng male tenants, kaso pasukan daw kaya nagsiuwian muna sila sa Manila. Maganda ang townhouse, at marami-rami akong naalaman tungkol sa isaw vendor na si Mang Sid. Byudo na raw pala siya at may anak na nag-aaral din sa isang eksklusibong university, at pinagmamalaki nitong skolar ang anak niya.

“Iyong junior ko, ano yun eh, ano bang tawag sa kanya...” Kumamot-ulo pa si Mang Sid, tila nasa dulo ng dila niya ang nais niyang sabihin pero ‘di niya malaman kung ano ba ang tamang kataga.

“Ano po ba siya? Magdo-doktor?” usisa ko.

“Enhinyero, gusto niyang magtrabaho sa isang construction firm balang araw. Pero ano siya, bakla. Nakasuot pambabae, laging naka-lipstick gano'n,” magiliw na pagmamalaki ni Mang Sid.

“Ah, you mean po, she's a transwoman?”

“Ayun! Yun nga. Pero kahit gano'n, napakabait niya, nagtatrabaho habang nag-aaral. Gano'n yata sila ano? Mas creative, mas matiyaga at mas matatag.” Nangislap ang mga mata ni Mang Sid. Habang sinasabi niya iyon, halos mangiyak-ngiyak na siya. Wari'y lubusan niyang kilala ang kanyang anak at mahal na mahal ito.

Nakaramdam ako ng inggit. Sana si Mang Sid na lang ang tatay ko. Kasi kung halimbawa, sabihin ko sa kanya na ayaw kong magpulis, hindi niya ako idi-disown at susuportahan lang niya ako sa gusto kong karera sa buhay.

“Malayo ho ang mararating niya,” nakangiting sambit ko.

“Paano mo naman nasabi? Alam mo ba? Minsan nag-aalala ako pag na-imagine ko na nasa site siya ta's nakapostura siyang pambabae. Baka pagtawanan siya. Hindi naman kasi common sa site ang enhinyerong bakla.” Lumungkot ang boses ni Mang Sid. “Baka hindi siya tanggapin.”

“Natanggap n'yo siya kaya hindi malabong tanggapin din siya ng malalaking firms. I-claim na natin ito,” pagpapalakas-loob ko kay Mang Sid.

“Oo naniniwala naman ako. Salamat. Anong pangalan mo pala?”

“Ruel Calderon ‘ho.”

Nag-abutan kami ng palad. Marami-rami na pala kaming napag-usapan pero ngayon ko lang nasabi kung anong pangalan ko.

“Ang guwapo mo na, at ang guwapo pa ng pangalan mo. Baka maraming magkagusto sa'yo sa blue seaside,” nangingiting sabi ni Mang Sid. Saka lang muling nanumbalik sa akin ang dahilan kung bakit ako naparito. Right, yung tungkol sa blue seaside. Ano bang mayro'n sa lugar na iyon?

“Ah. Mang Sid, curious lang po ako, anong mayro'n doon sa seaside?”

“Marami. Mga bagay na may kabuluhan, tapos pag gabi puro kasiyahan. Kaso tahimik yata ngayon, walang event. Pero kaninang hapon mayro'n,” sabi ni Mang Sid.

“Bukas po kaya, puwedeng ituro ninyo sa akin kung saan iyon?”

“Oo naman. Sa ngayon, pagod ka na kaya matulog ka na doon sa kwarto sa itaas, yung white ang pinto.”

Tumalima ako at umakyat agad. Mabilis akong sumalampak sa papag na may nakasapin namang kutson. Napahinga ako nang malalim.

Yes, this is such a tiring day. Para akong nag-roller coaster.

Napapikit na lang din ako dala ng antok.










***






Pakiwari ko'y hindi ako makakilos nang maayos dahil sa pagsikip ng higaan. Pakurap-kurap kong sinilip ang wrist watch ko na glow in the dark, alas tres pa lang ng madaling araw. Kinusot ko ang mga mata ko. Pakiwari ko kasi, hindi ako nag-iisa sa papag.

Kinapa ko ang gilid at napaigtad ako sa gulat. Nahawakan ko ang dibdib ng isang lalaki. Paano ko nalaman? Eh wala itong pang-itaas!

Mabilis kong binuksan ang switch ng lamp shade sa gilid.

Pucha!

Si Dindin iyon! Payapang natutulog habang tumutulo ang laway. At pansamantalang napako ang mga mata ko sa kanya, aba! Ang mokong na ito, gwapo naman pala.

Ewan, baka naiinggit lang ako sa features ng mukha niya. Kung ikukumpara ko naman sa mukha ko, mas defined ang jawline niya at mas makapal din ang pilik-mata. Gwapo nga siya, mukhang mabait at mukhang hindi magnanakaw.

Pero iwinaksi ko agad ang paghangang iyon, buong lakas ko siyang sinipa hangga't sa mahulog siya sa higaan.

Blue Seaside (Boys Love) [FINISHED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon