Ang Jagiya ng Buhay Ko

541 18 4
                                    

Siguro maglalabing-isang taon kami no'n nang una ko siyang makilala. Pumunta sila sa bahay namin dahil nangangailangan ng tulong ang mama niya tungkol sa nilalakad na papeles sa munisipyo namin. Konsehal kasi sa bayan si Papa at kilalang matulungin.

"Hello. Sino ka?" Iyan ang mga unang salitang narinig ko mula sa kanya. Naalala kong tiningnan ko siya nang masama. Ang nasa isip ko noon, sino ba naman ang singkit na ito at ako pa ang tanungin niya ng ganoon. Sino ba ang napunta sa bahay ng may bahay?

"Ang suplada mo naman!" asik niya sa akin nang imbes na sagutin ko siya ay tiningnan ko lang siya nang masama saka dumeretso ako sa kusina.

"Iyan pala ang asawa ng Koreano? Hindi kagandahan," narinig kong unang komento ng bunsong kapatid ng papa ko habang sinisilip nila ang mama niya. Napasilip nga rin ako at naisip ko ring may katwiran ang tita ko. Maitim at medyo pango ang ilong ng mama niya. Buti na lang hindi siya nagmana rito. Matangos ang ilong niya kasi saka maputi pa siya.

Namalayan ko na lang no'n na napapatitig na ako sa kanya. Kaiba kasi siya sa mga kalaro ko. Marurusing halos ang mga kaedaran kong bata sa lugar namin, samantalang siya'y mukhang ang bangu-bango. Ang kinis ng kutis niya saka maganda pang manamit. Kung hindi ko nga nakita ang mama niya iisipin ko talagang anak-mayaman siya.

"Naku, umaasa pa iyan. Alam naman nating hindi na babalikan ng Koreano iyan," laging bukambibig ni Tita Lorena sa tuwing nagpa-follow up ng birth certificate niya sa munisipyo ang mama niya para gamitin daw sa application nito sa pagpunta sa Korea.

Na sasagutin naman ni Mama ng, "Tumahimik ka. Huwag kang bitter."

Noon ko unang narinig ang salitang iyon. Bitter. Hindi ko sukat-akalain na makaraan ang ilang taon ay magiging malaking parte siya ng bokabularyo ko.

"Libay, may ipagtatapat ako sa iyo," sabi mo noon sa akin.

Ilang taon na ba tayo noon? Sixteen? Seventeen? Siguro'y nasa ganoong edad na. I have to admit, first time kong nakaramdam ng ganoon ka excited. Dumadagundong ang puso ko. Daig pa ang tambol na binubugbog ng sampong lasing. Halos hindi rin ako makahinga sa paghihintay sa sinasabi niyang ipagtatapat sa akin. Gaya ng mga dalagita sa amin, crush na crush ko rin kasi siya. Sino naman ang hindi tatamaan sa kanya? Kamukha niya ang paborito kong Korean actor na si Ji Chang-wook.

"Anong ipagtatapat mo? Pabitin ka pa eh," naiinis kong sabi nang titigan niya lang ako at hindi na nakapagsalita. Ang nasa isip ko no'n nahihiya lamang siya sa akin.

"Libay, kasi---baka kasi---pagtatawanan mo ako?"

Napalunok ako nang ilang beses nang marinig ko iyon. Sigurado na akong may ipagtatapat nga ang best friend kong Koreano. Gusto niya rin ako! At nahihiya siyang magsabi no'n. Napangiti ako agad. Nang hawakan niya ang mga kamay ko, hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa. Pinisil ko ang mga palad niya at nginitian siya nang ubod-tamis. Naalala kong tiningnan niya ako in a weird way. Tapos napadako sa mga kamay namin ang mga tingin niya. Then, he frowned.

"Liberty," banggit niya sa buo kong pangalan. Tinatawag niya ako nang ganoon kapag may ayaw siya sa ginawa ko. Nalito tuloy ako. Bago ko pa lubusang maintindihan ang gusto niyang iparating dumaan sa gilid namin si Cheeney, ang pinsan kong kababata rin namin. Nakita ko talagang kumislap ang singkit niyang mga mata. Sinundan nito ang bawat galaw ni 'insan. Tapos tumingin siya sa mga mata ko at excited na nagsabi ng, "Dinig ko wala na si Cheeney at Mykel. May pag-asa na ako! Please---please tulungan mo ako sa pinsan mo!"

Daig ko pa noon ang binuhusan ng isang baldeng yelo. Gusto kong maglupasay sa iyak, pero nagpigil ako. Nakakahiya kasi. Hindi ako ang tipong iyakin. Ako lang naman kasi si Liberty Mariella Alejandra Punzalan. Ang babaeng burdagol.

Nagpokus ako sa salitang burdagol. Hindi ko man lubusang alam ang salitang iyon, na siyang laging kantiyaw sa akin ng isa kong Tito na kapatid ni Papa, inisip kong ibig sabihin no'n ay babaeng matapang. Sa tuwing may sinusuntok kasi ako sa barangay namin, sisigaw sa akin si Tito Lester ng, "Burdagol! Hala bira!" At tatawa ito nang malakas.

Well, minsan I felt na siguro tabatsoy ang kahulugan no'n. Medyo chubby naman kasi ako. Pero ako ang chubby na maganda. Iyan ang lagi niyang sinasabi sa akin. Naniwala naman ako sa pesteng Koreanong iyon. Chubby na maganda. Pero nang mga oras na kinilig siya kay Cheeney, inisip kong scam lang lahat iyon. Hindi talaga ako maganda sa paningin niya.

Unti-unti ko siyang iniwasan. Hanggang sa dumating ang araw na kinompronta niya ako. Bakit daw? Ano raw ba ang kasalanan niya? Naiyak siya sa harapan ko. Ayaw daw niyang mawalan ng pinakamatalik na kaibigan. Hindi raw niya kaya.

Nakahanap ako ng pagkakataon. Pakiramdam ko kasi no'n makukuha ko na ang kung ano man ang hilingin ko sa kanya. Kaya naglakas-loob akong sabihan siyang gustung-gusto ko siya at hindi bilang isang kaibigan kundi bilang ka-ibigan.

Hindi ko makakalimutan ang naging reaksiyon niya. Napanganga siya sa akin na para bagang sinabihan ko siyang aswang ako.

"No, Libay. Hindi mo ako gusto. Marahil gusto mo lamang ng kapatid na lalaki."

Pinangunutan ko siya ng noo noon. Bakit mas matalino pa siya sa akin? Ano ang alam niya sa damdamin ko? Sigurado akong mahal na mahal ko siya.

Nang sinabi ko sa kanya iyon, hindi na siya nakapagsalita. Malungkot siyang tumalikod sa akin. Iyon na ang huli naming pag-uusap hanggang sa maaprubahan ang visa nila ng mama niya at lumipad na silang pa-Korea.

Kaya ngayong bumabalik siya sa amin, hindi ko alam ang gagawin ko. Naisip kong, okay lang ba na dumalo sa pagsasalo na hinahanda ng mga kaanak niya sa kanilang mag-ina? Ano ang sasabihin ko sa kanya? Naalala pa kaya niya ako? Aba, sampong taon din ang lumipas simula nang lisanin nila ang bayan namin. Sampong mahahabang taon! At hindi na ako chubby.

Magse-senti pa sana ako sa harap ng bintana namin nang bigla na lang akong hinatak ni Tita Lorena. May tsibugan daw sa bahay ng mga Kim. Dumating daw kasi si Min-jun Kim.

"Hindi ba't best friend mo iyon noon? 'Lika na! Sayang din ang tsibog."

Dulo pa lang ng buhok niya sa batok ang nakita ko ngunit sapat na iyon para ako'y mataranta at kabahan nang todo. At no'n ko napagtantong hindi nagbago ang damdamin ko para sa kanya. Nang bigla na lamang siyang humarap sa tarangkahan nila at magkasalubong ang mga mata namin, halos lumundag na ang puso ko mula sa aking dibdib. Kaya ganoon na lamang ang tuwa ko nang makita siyang ngumiti sa amin.

"Liberty," nakangiti niyang bati saka nagmano pa kay Tita Lorena. "Kumusta ka?"

"Annyeong," pabiro kong bati. Alam ko kasing galing siyang Korea kung saan siya naglagi ng mahigit isang dekada.

He smiled at me. Nakita kong kumislap pa ang kanyang mga mata. Pakiramdam ko no'n, siguro'y napagtanto na niyang mas higit pa ako sa isang kaibigan. Daig ko pa ang nasa cloud 9 nang hilahin niya na lang ako bigla saka yakapin nang mahigpit.

"I missed you," ang sabi pa niya.

And then, all of a sudden, mula sa kawalan bigla na lang umeksena si 'insan. Kumawala siya sa yakap ko saka lumapit kay Cheeney. Inakbayan niya ito saka proud na sinabi sa amin ni Tita Lorena na, "Tita, Liberty ---ikakasal na po kami!" At pareho nilang itinaas ang kanilang palasingsingan.

Napanganga si Tita Lorena at bigla itong napasigaw sa kagalakan.

"Sinasabi ko na nga ba, eh! May nililihim ka talagang bruha ka!" sabi ni Tita kay Cheeney. Nagyakapan sila. Nahiya naman ako kung kaya maging ako'y napayakap din sa pinsan ko.

"C-congratulations!" sabi ko sa kanilang dalawa. Ngumiti pa ako. Pinilit kong magpakitang natutuwa para sa nalalapit nilang kasal. Iyon pala ang tunay na dahilan ng kanyang pag-uwi. Lingid sa kaalaman ng pamilya namin, nagkakamabutihan na pala sila, matagal na. Habang nagkakasiyahan ang mga pami-pamilya namin ako nama'y nagluluksa. Iyon marahil ang pinakamalungkot na araw ng buhay ko.

Munting Kuwento ng Pag-ibig [Mga Maiikling Kuwentong Tapos]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon