Ang Huling Sayaw
@zorrostories"Kailangan kita, ngayon at kailanman. Kailangan mong malaman na ikaw lamang, ang tangi kong minamahal, ang lagi kong dinarasal, ang nais ko sana'y makapiling kang muli..."
"Marvin, ano ba? ayusin mo nga. Isayaw mo naman akong mabuti. Please lang talaga." pabulyaw na sabi sa akin ni Therese.
Nag-eensayo kami ngayon ni Therese nang isasayaw namin para sa Socialite Ballad Dancing na gaganapin sa darating na Sabado. Sa katunayan, tatlong araw na lang ang natitira sa amin.
"Aayusin ko na Therese, wag ka nang magalit. Please? Ngiti na." pasuyo kong sinabi. Di man siya ngumiti, ang mahalaga medyo gumaan ang sensasyon sa paligid.
Ang sitwasyon kasi ay tatlong taon na kaming magkaklase ni Therese, nagsimula kaming maging magkaibigan noong 1st year high school pa lang kami at 3rd year high school na kami ngayon. Meron akong ibang nararamdaman para kay Therese, espesyal siya para sa akin. Tuwing nakikita ko siya, ayos na ang araw ko kahit na lagi niya akong sinisita at binubulyawan sa kahit anu-anong bagay na lang. Para paikliin ang aking kwento, mahal ko si Therese, tapos!
"Hooooy. Marvin naman. Wala ka ba sa sarili mo ngayon? Alam mo kung ganyan ka nang ganyan, mas mabuti na maghanap na lang ako ng ibang kapareho sa sayaw. Bahala ka nga." agad naman siyang nag-walk out. Ayaw kong umalis siya. Gusto kong makasama siyang sumayaw. Ito na yung pagkakataon para maipagtapat ko na sa kanya ang damdamin ko para sa kanya.
- - - - - - -
Biyernes na pero di pa rin ako pinapansin ni Therese. Tuwing nilalapitan ko siya ay kusa siyang lumalayo. Ilang beses na rin akong humingi nang tawad pero binabalewala lang niya. Pero kahit ganoon ay patuloy pa rin akong nag-eensayo nang isasayaw namin, nagbabasakali na kahit papaano ay maisasayaw ko siya sa SBD party ng paaralan. Dumating pa nga sa punto na kahit ate ko ay kinukulit ko na turuan akong sumayaw. Ganoon ko siya kamahal.
"Therese, galit ka pa ba? Sorry na o."
"Ewan ko sayo Marvin."
"Therese naman e. Sorry na. Gagawin at gagawin ko ang lahat para maging magaling sumayaw para makapagsayaw tayo ng ayon sa pangarap at gusto mo. Sige na, sayaw na tayo. Bukas na yung SBD e."
"Maghanap ka na ng iba mong kasayaw. Iyon ay kung may makakatiis sayo."
"Therese?"
"Bahala ka nga Marvin. Ang kulit mo. Lahat na lang ng bagay na di maganda itinapon na sayo. Di ka magaling kumanta, magsulat, magsalita sa harap, maggitara, tapos pati pagsayaw pa Marvin. Ano ba ang kaya mo? Wala naman e."
"Therese, nag-ensayo na ako. Siguradong di na ako papalpak ngayon. Please, pagbigyan mo na ako. Please."
"Bahala ka nga. Maghanap ka nang mauuto mo sa paensa-ensayo mong 'yan."
"Pero Therese, totoong nag-ensa-" di ko na naituloy ang pagpapaliwanag ko dahil agad siyang umalis.
Kahit nasasaktan ako sa mga sinasabi niya, ayaw kong tumagos sa akin ang mga salitang iyon. Totoo naman iyon lahat e. Di ako marunong o magaling sa kahit anong bagay, pero sinusubukan at sinisubukan ko para makita ni Therese na totoo at seryoso akong kinakaya ang lahat ng bagay na gusto niyang mangyari.
[Balik Tanaw:
"Wow! Marvin, ang galing talaga ni Paul mag-drawing. Parang totoo talaga. Sana naman Marvin, marunong ka rin magdrawing tapos yung pinakamagandang maido-drawing mo ay ibibigay mo sa akin."Nung sinabi yun ni Therese, 2nd year high school kami noon, ay dalawang araw akong halos dalawang oras lang ang tulog dahil sa pagdo-drawing ko. Maya-mayang tapon ng papel ang ginagawa ko kapag nakikita kong hindi maganda ang drawing. Pero noong makakita na ako ng pinaghirapan kong drawing at nagandahan naman ako ay agad ko itong inihanda tapos ibinigay kay Therese.
"Ano ito Marvin? Basura?"
"Drawing ko yan Therese. Ginuhit ko talaga yan para sayo."
"Marvin, maganda ba ito sa paningin mo?"
"Oo naman. Drawing with passion yan e."
"Marvin, sana nagbigay ka ng drawing, hindi basura. Naku naman." agad niyang itinapon ang drawing na iyon sa may canal.]
- - - - - - -
Sabado na. Medyo napaaga ang gising ko at agad na pinatugtog yung aming isasayaw ni Therese. Talagang nagbabasakali pa rin akong kahit papaano ay maisayaw ko siya.
"Kailangan kita, ngayon at kailanman. Kailangan mong malaman na ikaw lamang, ang tangi kong minamahal, ang lagi kong dinarasal, ang nais ko sana'y makapiling kang muli..."
Sinabayan pa ako ni ate at tinuruan ng mga rush tips para sa magandang kalalabasan ng sayaw.
Nagbihis ako dahil gusto kong pumunta ng maaga at pagkatapos kapag nakita ko na siya ay aalalayan ko papunta doon sa venue. Dala ko yung sketch ni ate na mga dapat na galaw sa sayaw dahil medyo di ko pa kabisado yung iba.
Habang papunta na ako ng venue.
PEEEEEEP! PEEEEEEEEEEEEEEEEEEEEEEEEEEEEEEP!
- - - - - - -
Mabigat pa ang katawan ko, sobrang hina at yung mga mata ko ay pilit na sumasara at wala nang response masyado pero pinilit kong imulat ang mga ito at gumalaw.
Nalaman kong 5 araw na akong coma, di na ako makapagsalita, putol na ang isa kong paa dahil bumanga ang sinasakyan kong kotse sa isang 12 wheeler truck.
Narinig ko rin na patuloy ang pagkalat ng impeksyon sa buo kong katawan. Pilit kong binuksan ang mga palad ko na tila matagal nang nakasara at pagbukas ay nahulog ang isang lukot ng papel.
Maya-maya ay may kumatok sa pinto. Pagbukas ay si Therese ang bumungad bigla siyang pumunta sa tabi ko. Di ako makapagsalita kaya ungol lang nang ungol ang lumalabas sa bibig ko. Gusto ko siyang yakapin pero di ko magawa dahil di ako makabangon dahil sobrang bigat ng katawan ko. Gusto kong umiyak pero di lumalabas ang luha sa mga mata ko. Gusto kong sumigaw at kamustahin siya ngunit hanggang sa isip ko na lang ang mga gustong sabihin ng bibig ko.
Biglang tumugtog doon sa isang maliit na radyo sa tabi ko na nilagay at pinaandar ng kapatid kong lalaki.
"Kailangan kita, ngayon at kailanman. Kailangan mong malaman na ikaw lamang, ang tangi kong minamahal, ang lagi kong dinarasal, ang nais ko sana'y makapiling kang muli..."Napatingin sa akin si Therese na lumuluha na. Gusto kong bumangon, punasan ang mga luha niya at sumayaw. Pero malabo at imposible na.
Laking gulat ko nang niyakap ako ni Therese at pinilit na binangon. Nakikita kong nabibigtan siya pero parang di niya ito inalintana. Inalalayan niya akong makatayo sa nag-iisa kong paa at sinayaw.
Sinayaw niya ako sa saliw ng musikang gusto kong isayaw namin. Gusto kong ako ang magdala nang sayaw na matagal ko ring inensayo para sa araw na ito, ang araw na maisasayaw ko rin siya.
Karga karga niya akong sinasayaw, masaya ako sa oras na yun. Sobrang saya, di ko kayang ipalaiwanag ng biglang sumikip ang dibdib ko at tila hinahabol ko na ang hininga ko. Yakap yakap pa rin ako ni Therese at ang kanta namin ay tila di natatapos habang sa pakiramdam ko ay natatapos na ang paghinga ko...
"Kailangan kita, ngayon at kailanman. Kailangan mong malaman na ikaw lamang, ang tangi kong minamahal, ang lagi kong dinarasal, ang nais ko sana'y makapiling kang muli..."
Humangin nang malakas, at dahil nakabukas ang binata na malapit sa higaan ko ay nararamdaman ko ito. Pinipilit kong dumilat at buong lakas kong yumakap kay Therese, tila naramdaman niya ito at niyakap ako ng mahigpit. Hanggang sa...
"Mahal kita Marvin..."
Bumigay na ang mga mata ko at tila tutumba na ako. Wala na akong makita, wala na akong marinig ang tanging alam ko lang ay masaya ang una at huli kong sayaw.