"Hoy, Ren!" Sigaw ni Anne sa 'di kalayuan mula sa kinatatayuan ng binata. Kasalukuyan na isinisilid ng binata sa sako ang mga naharvest niyang mangga. Nakita niya ang tumatakbong dalagita papunta sa kanya ngunit hindi niya ito pinansin at sa halip ay ipinagpatuloy lang ang ginagawa. Kailangan na kasi niya iyong matapos para hindi na siya gabihin sa pag-uwi. Medyo malayo pa kasi ang uuwian nito at baka mag-alala na naman ang kanyang ina kung gagabihin siya.
"Hoy, Ren ano ba? Ba't hindi mo na ako kinikibo diyan?" tanong agad ng dalaga sa binata nang makalapit ito.
"May trabaho pa ako, Anne. May kailangan ka ba?" hindi nakatingin sa dalaga na tanong nito.
"Hmmph! Ang sungit naman nito?" nakapameywang nitong hinarap ang binata. Tiningnan naman ni Ren ang dalaga sa puntong 'yon dahil sa narinig. Halatang anak mayaman nga ito dahil hindi sanay sa init ng araw kaya ngayon ay mamula-mula na ang pisngi nito sa tindi ng init.
"O, ano nga ang kailangan mo?" muli niyang tanong sa dalaga habang ipinagpapatuloy niya na ang kanyang ginagawa.
"Samahan mo naman ako oh?" Pakiusap ng dalaga sa kanya. Napatigil naman sa ginagawa ang binata at muli itong hinarap.
"Anne, naman. Marami pa akong trabaho." mabilis na pagdadahilan nang binata.
"Tutulungan na kita para madali kang matapos." mabilis na suhestiyon ng dalaga sa kanya.
"Naku, hindi pwede. Ayoko pang mawalan ng trabaho noh?" mabilis din na sagot nito.
"Ah, bahala ka. Basta tutulungan kita." anitong kumuha na agad ng sako at isinilid na ang mga mangga doon at hindi na nagpaawat pa kay Ren.
"Ano na naman bang kahilingan ang gusto mo?" tanong ng binata rito.
"Samahan mo ako mamaya, pagkatapos nito." aniya.
"Saan?" sumusukong sagot ng binata sa dalaga.
"Basta. Mamaya ko na lang sasabihin sa'yo pagkatapos nito." may ngiting tagumpay na sagot ng dalaga.
Hindi alam ni Ren kung ano ang nakain ngayon ng dalaga at nagmamadali ito sa pagtulong sa kanya kaya naman ay maaga silang natapos.
Ngayon ay nasa loob na siya ng mansiyon nito, sa mismong silid ng dalaga.
"Anne, sigurado akong pagagalitan ako ng Mama mo pag nakita niya akong nasa loob ng silid mo ngayon." kinakabahan na sambit ng binata.
"Just don't mind her, okay?" anito na abala sa paghahalungkat sa kanyang cabinet. Napabuga na lang ng hangin si Ren.
Wala talagang pwedeng kumontra sa spoiled brat na ito. Sa isip-isip niya.
"At saka, ba't naman siya magagalit? Sanay naman siya na makita tayong naglalaro dito kahit noong mga bata pa tayo." dagdag pa ng dalaga na may inilapag na katamtaman na box sa ibabaw ng kanyang kama.
"Mga bata pa tayo noon. Iba na ngayon,Anne." paliwanag ng binata ngunit ang hirap ngang makaintindi ng dalaga o mas tamang sabihin na ayaw lang nitong makinig.
Spoiled brat talaga. Sa isip na naman ng binata.
"Well, I don't care."sagot nito."Come here, Ren." dagdag pa ng dalaga.
"Saan ba tayo pupunta at ano ang gagawin natin?"muli niyang tanong nang makalapit sa dalaga. Nakita niyang binuksan ng dalaga ang box at may kinuha doon na damit.
"Look? Hindi ba bagay ito sa'yo?" nakangiti nitong tanong sa binata.
"No. Hindi 'yan bagay sa akin." wika niyang kinuha ang damit sa dalaga at ibinalik sa box.