LRT

4 1 0
                                    

Maihahantulad sa pagsakay sa LRT ang buhay ng isang tao,

May mga taong makakasama ka sa isang station, yun yung mga tao na panandalian mo lang makakasama sa buhay mo. May matututunan ka sakanila at ang mga aral na ito'y tuturuan ka na buksan ang palad mo para luwagan ang pagkapit at kalagan ang lubid na nagkokonekta sa inyo,


May iba na makakasama mo sa mas maraming station o sa mas mahabang panahon, bubuo ka ng mga alaala kasama sila, sa saya't pighati'y sila'y iyong makakasama. Ituturo nila sayo ang kahalagahan ng pagkakaroon ng tao sa paligid mo, yun nga lang hindi rin sila nakatakdang manatili, dahil bababa rin sila para magtungo sa daan na nais nilang tahakin, daan na malayo sa iyo. Masakit man ang kanilang paglisan ay tuturuan ka nitong pakawalan ang mga tao o bagay na hindi nakalaan para sayo,


Meron namang tao na makakasama mo hanggang sa pangalwa sa dulo ng estasyon na bababaan mo, sila yung mga tao na akala mo makakasama mo sa dulo dahil nabulag ka sa pinagsamahan niyo. Pero bababa rin sila. Dumaan lang sila dahil ituturo nila sayo ang katotohanan na hindi sa lahat ng pagkakataon hahayaan mong maging bulag ka sa katotohanan, bingi sa bawat bulungan at manhid ang pakiramdam, ang kahalagahan ng pagpapalaya't pagtanggap para makausad sa susunod na kabanata ng iyong buhay ang ituturo nila sayo,


At ang pinakamahalaga sa lahat:


May mga taong makakasama ka simula sa unang estasyon hanggang sa dulo. Sila yung mga tao na kahit gaano man kahaba ang byahe, andyan pa rin sa tabi mo. Ilan man ang bumaba'y andiyan pa rin sila't nananatiling kaagapay mo, dire-diretso man ang andar ng tren o nasisiraan man ito'y, pinipili pa rin nilang manatili at samahan ka, sa malubak at madilim na daan sila'y kapiling mo,


Sila yung mga totoong tao na nagmamahal sayo. Kahit ano ka pa, at kahit sino ka pa. Sila yung tao na TATANGGAP sa lahat ng mali at tama sayo. Gagabayan ka nila at magiging kaagapay mo sila hanggang sa magkahawak-kamay kayong makarating sa destinasyong pupuntahan mo,


At sila rin yung mga tao na maglalagay ng ngiti sa labi mo, yayakap sa mga oras na nararamdaman mong kalaban mo ang mundo, hihilahin ka patayo sa tuwing nararamdaman mong pilit kang nilulumpo ng paghihikahos at mga pagsubok, at magpaparamdam sayo na ikaw ay karapat-dapat. Karapat-dapat na samahan simula sa umpisa hanggang sa dulo at ipadama sayo ang pag-ibig na walang pagaalinlangan at buo.

LRTTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon