Kabanata 1: Ang simula

22.8K 603 64
                                    

"Huwaaaaaag!", sindak na sindak na sigaw ni Domeng habang hinihila ng mga lalaking humahalakhak. Ang balat ng mga ito ay kulay pulang tila nasunog sa apoy. Dumadagundong ang tawanan sa loob ng nagliliwanag na kapaligiran mula sa naglalagablab na dagat dagatang apoy na may mainit na singaw. Kasabay ng nakaka pangilabot na tilian ng mga kaluluwang nasa loob ng bawat lagusang may dumadaing sa tindi ng paghihirap na inaabot.

"Isa na namang kaluluwa ang mapaglalaruan natin! Talagang mahusay si pinunong Alister sa pagkalap ng mga bago nating gagawing kasapi!", humahalakhak na sabi ng isang diablong agad na sumalubong sa mga kagaya niya.

Walang nagawa ang pagsisisi ni Domeng at paghingi ng kapatawaran sa Diyos na Haring Dakila sapagkat..., huli na ang lahat.

Unang Kabanata...

"Hindi ka pa ba kakain, Ismael? Kailangang malamanan ang sikmura mo bago ka uminom ng gamot.", nakangiting tanong ni Josefina sa asawa.

"Hindi pa ako nagugutom, Josefina.", walang ganang sagot ng lalaking nakapanungaw sa bintana at nakatanaw sa malayo.

"Paborito mo ang niluto ko at tiyak kong magugustuhan mo ang lasa nun.", nakangiti pa ring sabi ng ginang, pinasisigla nito ang tinig.

"Wala akong ganang kumain, Josefina. Kahit anong ihain mo sa akin ay parang walang lasa. Ang mapait at nakakasukang lasa ng gamot na iniinom ko ang nalalasahan ko. Ultimo ang dighay ko at utot ay amoy gamot na rin. Nakakasawa na!", punung puno nang hinanakit ang tinig ng lalaki nang muling magsalita.

Tila piniga naman ang puso ng ginang sa nakikitang lungkot ng kabiyak. Lumapit ito at mula sa likuran ay yumakap sa lalaking buong puso niyang minamahal.

"Huwag kang mawalan ng pag asa, Ismael. May awa ang Diyos, hindi Niya tayo bibiguin sa ating hinihiling. Hindi ka Niya pababayaan. Maririnig rin Niya ang mga panalangin natin.", sabi ni Josefina sa asawang tila nawawalan na ng pag asa.

Kinagat pa nito ang pang ibabang labi at bahagyang tumingala upang mapigil ang pagpatak ng luha.

Si Josefina ay animnapu't limang taong gulang na samantalang si Ismael ay pitungpung taong gulang naman. Matagal na silang nagsasama subalit hindi nabiyayaan ng kahit isang anak. Pareho silang ulilang lumaki sa kalsada at naging sandigan ang bawat isa. Hanggang sa matutunang mahalin ang isa't isa at magdesisyong magpakasal.

Inaagaw na ng dilim ang liwanag sa langit nang tingalain ni Ismael ang mga ulap. Mag a alas sais pa lang ng hapon ay pakalat na ang dilim. Nang lumabas ang asawa niya sa kanilang silid ay nakaramdam din siya ng habag para dito. Alam niyang nahihirapan na ito sa pag aalaga sa kanya subalit ni minsan ay hindi niya narinig na dumaing. Hindi ito nanghihinawang alagaan siya. Maging ang pagmamarakulyo niya at madalas na pagsusungit ay inuunawa at napag papasensyahan nito. Matiyaga at mapagmahal pa rin itong asawa sa kanya.

Nakaramdam ng hiya at awa si Ismael nang maisip ang tinitiis ng asawa para sa kanya. Kaya naipasya niyang lumabas na ng silid at pagbigyan ito sa pag aayang kumain.

Patayo na siya nang mapatingin sa madilim na bahagi ng kalsada. Pumipisik pisik ang ilaw sa posteng naroon. Balewalang tatalikod na sana si Ismael nang may umagaw ng kanyang pansin. Muli siyang tumingin sa may posteng ang ilaw ay patay sindi.

Napakunot ang noo niya nang matanawan ang isang hubog tao. Pinasingkit pa niya ang mata upang aninagin mabuti ang tila taong nakatayo sa tabi ng poste. Kinuha niya ang salamin sa mata na nakapatong sa ibabaw ng mesa at isinuot. Pagkatapos ay muling tumanaw sa kalsada. Natanaw niya ang isang lalaking matangkad at may manipis na pangangatawan. Nakatayo ito sa tabi ng poste na ang ilaw ay patuloy sa pagpisik.

Nanlaki ang ulo ni Ismael nang makitang tila nakatingin ito sa kanya!

May kalayuan ang kinaroronan ng lalaki subalit pakiramdam niya ay nasa malapit lamang ito. Kitang kita niya sa pagitan nang pagpatay sindi ng ilaw sa poste ang pagkislap ng mga mata nito!

"Ismael...", tawag ni Josefina.

Nagulat si Ismael at napalingon. Malakas ang pagkabog ng dibdib sa tila takot na naramdaman. Pakiramdam niya ay nangalisag ang lahat ng balahibo niya sa batok at tila nagsusumbong na nagsalita.

"May lalaking nakatayo dun sa may ...", hindi na naituloy ni Ismael ang sasabihin at naumid na ang dila nang makitang wala na ang lalaki sa tabi ng poste.

"Sinong lalake ba ang sinasabi mo?", tanong ng ginang sabay sunod nang paningin sa tinitignan ng asawang bahagya pang nakanganga.

"O eh ala namang tao sa kalsada ah. Baka isa sa mga kapitbahay natin na napadaan lang diyan.", sabi ng ginang nang wala namang makita.

"Ininit ko na ang ulam natin, halika nang kumain.", nakangiting aya ng ginang sabay hawak sa braso ng asawa.

Ipinilig ni Ismael ang ulo at bahagyang kinusot ang mga mata sa ilalim ng salaming suot. Muli itong tumingin sa labas ng bintana. Nailing na lamang ito at natawa sa sarili nang makitang wala namang tao sa kalsada.

Lihim na nangingiti sa kanina lang ay takot na nadama. Nang maingat at bahagya siyang hilahin ni Josefina ay nagpatianod na siya at sinabayan na ang asawa sa paghakbang.

"Marahil ay namalik-mata nga lamang ako dahil sa lipas gutom. Kung anu-ano kasi ang naiisip ko.", nasabi ni Ismael sa nakangiting may bahay na agad na tumango.

At magkaakbay nang naglakad palabas ng silid ang mag asawa.

Para sayo,

Ngayon pa lang ay nais na kitang pasalamatan sa muling pagtangkilik ng gawa kong ito. Sana ay masamahan mo akong muli sa pagsubaybay sa bawat kabanata hanggang sa dulo... (pliiiis)... hehe

Maraming Salamat! (*^__^*)

Bakanteng Nitso 2Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon