Kabanata 3: Sa krus na daan

10.4K 296 10
                                    

Hanggang sa paghahanda ng almusal kinabukasan ay walang kaimik imik si Josefina. Nananatili ang kilabot na kanyang nararamdaman. Dahil sa matinding takot ay napanaginipan pa niya nang gabing iyon ang lalaking nakita sa tapat ng kanilang bahay.

Napahinto sa ginagawa ang ginang nang muling maalala ang laman ng naging panaginip.

[Napakadilim sa lugar na kinaroon niya. Kahit saan niya ilibot ang paningin ay wala siyang maaninag na kahit ano. Ang tanging maliwanag lamang ay ang kinatatayuan niya. Liwanag na nagmumula sa nag iisang posteng nakatayo sa pinaka sulok ng krus na daan. Wala siyang anumang nararamdaman nang mga oras na yon. Takot, pangamba o kahit na ano.

Nakita niyang may paparating na dalawang liwanag na nagmumula sa headlight. Hula niya ay mula ito sa isang malaking sasakyan. Tama ang kanyang akala. Isang malaking bus nga ang dumating at huminto pa sa tapat niya. Binalewala niya lang ito. Pakiramdam niya ay hindi ang sasakyang nakahinto ang hinihintay niya. Hindi pumasok sa isip niya ang sumakay dito ni tignan kung saang lugar ang destinasyon o pinanggalingan nito. Parang wala lang sa kanya.

Nakita pa niyang may isang lakaking bumaba mula sa sasakyan at pagkatapos ay tumayo sa tabi niya na parang may hinihintay na gaya niya. Nang tignan niya ang katabi ay ngumiti ito at bahagyang yumukod na parang nagbibigay galang sa kanya. Gumanti naman siya ng matipid na ngiti at pagkatapos ay muling itinuon ang paningin sa kawalan.

"Ganyan ba kalaki ang pagmamahal mo sa iyong asawa kaya nais mo siyang gumaling?", tanong ng lalaki na parang nabasa ang laman ng kanyang isip.

"Oo, mahal na mahal ko siya. Kahit ang buhay ko ay nakahanda kong ibigay para sa kanya.", sagot naman niya sa estranghero na parang wala lang.

Nagulat siya sa nagawang pagsagot. Napabilis ang paglinga niya sa katabi. Wala siyang natatandaan na nabanggit niya sa kausap ang bagay na yon.

"Paano mong nalaman ang...", nababaghang tanong niya.

Natawa ang lalaki sa pagkagulat na rumehistro sa kanyang mukha.

"Hindi ba't iyan ang palaging laman ng iyong mga panalangin?", balik tanong ng lalaki sa kanya.

Tila napalis ang pagtataka niya sa tanong nito.Malungkot siyang sumagot.

"Oo, gusto ko siyang gumaling. Gusto ko uli siyang makitang masigla at punumpuno ng buhay. Wala na ang sakit na nagpapahirap sa kanya.", matamlay niyang sagot.

"May alam akong paraan para matupad ang gusto mong pag galing ng iyong asawa.", sabi ng lalaki.

Agad siyang napaharap sa nagsalita. Napukaw nito ang kanyang atensyon. Pakiramdam niya ay hatid nito ang pag asa sa pag galing ng asawang maysakit.

"Sabihin mo, sa paanong paraan? Paano mangyayari ang ganun? Ano ang kailangan kong gawin upang gumaling siya?", buong pananabik na tanong niya sa lalaki.

Napangiti ang lalaki nang makita ang pagnanais niyang malaman ang paraan na sinabi nito.

Pakikinggan niyang mabuti at tatandaan ang lahat ng sasabihin nito. Humanda siya, titig na titig sa mukha ng lalaki nang ibuka nito ang bibig upang magsalita.

"Kailangan mong magbaon ng isang sanggol sa pinaka sentro ng daang krus na kinatatayuan mo. At pagsapit ng ikatlong pagbi bilog ng buwan ay kailangang makuha mo ang mga buto nito at magawa mong pulbos. Pagkatapos ay ipainom mo sa iyong asawang may sakit. Sinisiguro ko sa iyo ang kanyang pag galing.", nangungumbinsing sabi sa kanya ng lalaki.

Tila binuhusan siya ng malamig na tubig sa narinig. Para na rin nitong sinabi na pumatay siya upang gumaling ang kanyang asawa. Isang bagay na hindi niya magagawa.

"Hindi! Hindi ko kayang gawin ang sinasabi mo!", sigaw niya habang umiiling. Tinalikuran niya ang kausap. Nakasapo pa ang kanyang isang kamay sa noong ginatlaan ng pawis. Panay pa rin ang kanyang pag iling.

Nang muli niyang lingunin ang lalaki upang tanungin ay wala na ito sa kinatatayuan, ganun din sa paligid. Napapikit siya ng mariin.

Upang manghilakbot lamang nang magdilat ng paningin. Wala na siya sa madilim na lugar ng kalsada.! Pamilyar na pamilyar sa kanya ang lugar na kinaroroonan.

Nakatayo na siya sa loob ng kanilang bahay!

Ilang hakbang ay ang pintuan palabas, sa likuran niya ay ang papuntang kusina, sa kanan niya ay papuntang sala at sa kaliwa naman ay papunta sa malawak nilang hardin. Ang kinatatayuan niya ay sentro ng daang krus!]

Naipilig ni Josefina ang ulo nang magbalik sa wisyo.

"Panaginip lang, masamang panaginip lang ang nangyari sa akin!", palakas loob ni Josefina sa sarili. Pagkatapos inumin ang tubig sa basong kanina pa hawak ay bahagya nang lumuwag ang kanyang dibdib. Pilit na iwinaglit ang panaginip na gumugulo sa isip.

Matapos maihanda ang almusal ay pinuntahan na niya ang asawa upang ayaing kumain. Hinubad niya ang suot na apron at inayos ang sarili. Nakabalatay sa mukha ang isang ngiti na nais niyang palaging makita ng asawang maysakit. Ayaw niyang mag isip ito at mag alala kung makikita siyang walang sigla. Ayaw na niyang dagdagan pa ang paghihirap ng asawa.

Nang buksan ni Josefina ang pintuan ng kanilang silid ay parang piniga ang kanyang puso. Nakita niyang namimilipit na naman sa tindi nang nararamdamang pananakit ng tiyan ang asawa. Maputlang maputla ang mukha nito at butil butil ang pawis sa noo.

"Oh,! Diyos ko, Ismael!", alalang alalang sigaw ni Josefina. Nagmamadali itong sinaklolohan ang asawang nagmamakaawa sa kanya.

"Hiiindi ko na kaya, Josefina. Hiraaap na hirap na ako..", umiiyak na daing ni Ismael.

"Sandali lang ako, hihingi lang ako ng tulong sa mga kapitbahay. Sandali lang ako..., babalik agad ako. Sandali lang ako, Ismael. Sandali lang ako.", natatarantang sabi ni Josefina.

Hindi mapasyahan kung lalabas na ba at iiwanan ang asawang tumatawag sa kanya o mananatili sa tabi nito at hahagurin ang bahagi ng tiyan na sumasakit. Panay ang patak ng luha ng ginang.

Isang impit na sigaw ni Ismael ang naging daan upang ipasya ni Josefina ang lumabas at humingi ng saklolo upang madala ito sa hospital.

May mga nagmagandang loob naman kay Josefina na tulungan si Ismael na mailabas ng bahay. Kahit pa nga halos masuka ang mga ito sa magkakahalong amoy ng gamot at amoy ng dumi ng tao na sumisingaw sa loob ng silid na kinaroroonan ng lalaki.

Ang hindi magandang amoy na nakasanayan na ni Josefina sa bawat araw na kasama niya ang asawang may Colorectal cancer o Colon cancer.

Bakanteng Nitso 2Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon