Magha hatinggabi na ay hindi pa rin makatulog si Josefina. Nakaupo ito sa kamang higaan nilang mag asawa. Gabi gabi ay hinahagod niya ang ulo ni Ismael upang makatulog. Gusto niya ang ginagawa at hindi siya magsasawang pagsilbihan at alagaan ang nag iisang lalaking una at huli sa kanyang buhay. Nakangiti niyang pinagmamasdan ang mukha ng asawa habang natutulog. Ang mukha ng lalaking kahit nagkaroon na ng maraming gatla ay napaka kisig pa rin sa kanyang paningin.
Lalong napangiti ang ginang nang maalala ang noon ay panunuyo nito sa kanya. Hinding hindi niya makakalimutan ang napakasayang araw na iyon sa kanyang buhay.
"Mahal kita! Bakit ba ayaw mong maniwala?!", may himig pagtatampong sabi ni Ismael. Bahagya pang tumaas ang boses nito upang itago ang kabang nararamdaman.
"Alam ko namang mahal mo ako. Kaya lang, magkaiba ang pagmamahal sa kaibigan o sa kapatid at sa sinasabi mo ngayon sa akin.", paliwanag ni Josefina.
"Bakit ba marunong ka pa sa akin ganung ako ang nakakaalam ng nararamdaman ko? Bakit, sa iyo ba ang puso na nandito?", tanong ni Ismael sabay hampas ng palad sa tapat ng dibdib.
Bahagyang natawa ang dalaga sa kausap. Matagal na siyang may lihim na pagtingin sa binata kaya nang magtapat ito ng pag ibig sa kanya ay halos maglulundag siya sa sobrang tuwa. Kaya lamang ay hindi siya nakakasiguro kung ang damdamin ba na sinasabi nito ay totoo.
Natatakot siyang baka ang nararamdaman nito para sa kanya ay para sa isang kaibigan o kapatid lamang at inaakalang pag ibig. O kaya naman ay dahil sa naaawa lamang sa kanya.
Natatakot siyang baka dumating ang araw na pagsisihan lamang nito ang lahat. Natatakot siyang baka pagkatapos ay iiwanan lang siya ng binata dahil natagpuan na ang babaeng tunay na iibigin. Ayaw niyang makaramdam ito ng bigat sa dibdib kapag kinailangan na siyang iwanan. Marami ang agam agam sa kanyang isip.
Napapitlag siya nang muling magsalita ang binata.
"Ano pa ba ang dapat kong gawin para maniwala ka na mahal kita hindi bilang kaibigan lang o kapatid? Mahal kita bilang isang babae na pakakasalan at magiging ina ng isandosena kong anak!", sabi ni Ismael na nakakunot ang noo subalit nanlalamig ang mga palad.
Napanganga ang dalaga sa narinig at biglang nakaramdan nang pag init sa magkabilang pisngi. Hindi na ito nag isip at mabilis na sumagot.
"Grabe ka naman! Ano naman ang palagay mo sa akin, inahing baboy? At saka hindi natin makakaya palakihin ng maayos ang ganung kadami.", nabiglang sagot ng dalaga, huli na nang maisip na para na rin siyang pumayag na tanggapin ang idinudulog nitong pag ibig. Na para na rin niyang sinabing mahal niya rin ito.
Nangiti si Ismael sa biglang sagot ng dalaga, ngiting ngiti na tila nanunukso. Yumukod pa ito at pilit na sinisilip ang mukha ng dalagang agad na yumuko. Panay pa ang pag iwas ng tingin sa mga mata ng binatang lalong kumisig sa pagkakangiti.
Masayang masaya si Ismael. Ang muling pamumula ng pisngi ng dalagang sinusuyo ay palatandaang may pagtingin din ito sa kanya. Ang seryosong pagsagot nito sa biro niya ang nagpapatunay na gusto rin nitong maging kabiyak ng kanyang puso at maging ina ng dalawang anak na pangarap niya.
Hindi na pinalampas pa ng binata ang pagkakabuko sa damdamin ng dalaga para sa kanya. Maingat niyang hinawakan ang magkabilang pisngi ng dalaga at dahan dahang ihinarap sa kanya.
Tinitigan niya ang mga mata ng dalagang iniibig upang magbaka sakaling masalamin nito ang katapatan sa matagal na niyang gustong sabihin.
"Mahal na mahal kita, Josefina. Mula pa noon, bukas at magpakailanman.", tapat sa loob na sabi ni Ismael.
Sa nakitang katapatan sa mga mata ng binatang nakahawak sa kanyang mukha ay hindi na naitanggi pa ni Josefina ang saloobin.
"Mahal na mahal din kita, Ismael. Mula pa noon, bukas at sa habam panahon. Ikaw lang ang lalaking iibigin ko habambuhay.", ganting pangako ng dalaga.
Napuno nang galak ang puso ng binata sa tugon ni Josefina. Unti unti nitong inilapit ang mukha sa dalagang nangingilid ang luha. Titig na titig sa isa't isa. Walang katagang namutawi sa mga labing bahagyang kumikinig. Tanging mga mata lamang nila ang nag uusap. Nakakabingi ang katahimikan, maliban sa tunog na nagmumula sa mga puso nilang mabilis ang pagpintig. Gahibla na lamang ang pagitan ng kanilang mga labi.
Naipikit ni Josefina ang mga mata nang masuyong dampian ni Ismael ng masuyong halik ang kanyang labi. Hindi na niya napigilan ang mga luhang naglandas sa magkabila niyang pisngi.
Nang kumilos si Ismael at umiba ng puwesto sa pagkakahiga ay mabilis na nagbalik sa kasalukuyan ang alaala ng ginang. Nakangiting pinahid ni Josefina ang luha na hindi niya namalayang tumutulo na pala. Napahagikgik pa nang iayos ang kumot nitong bahagyang lumilis at muling tinitigan ang asawang mahinang naghihilik.
Pagkatapos ay maingat na dinampian ng halik ang pisngi nito at maingat na hinaplos. Nang masigurong himbing na uli ang tulog ng asawa ay dahan-dahan siyang tumayo at lumapit sa bintanang nakabukas.
"Ang taong ito talaga, oo. Hindi pa rin makasanayang gumamit ng bentilador. Mas gusto pa rin ang natural na hangin.", natatawang bulong ni Josefina.
Natigilan ang ginang at agad na napalis ang pagkakangiti nang may mapansin sa tawid kalsadang katapat ng kanilang bintana.
Bumilis ang pagtibok ng kanyang puso at biglang sinagilihan ng takot. Halos magtayuan ang lahat ng balahibo sa braso. Namimilog ang mga mata at ang bibig ay bahagyang napaawang!
"Oh, Diyos ko!", bulalas ng ginang.
Isang lalaki ang nakita niyang nakatayo sa tabi ng poste na nagpapatay sindi. Titig na titig ito sa gawi niya, tawid kalsada ito subalit malinaw na malinaw niyang nakita ang pagkislap ng kulay dilaw nitong mga mata. Titig pa lang nito ay sapat na upang mangalisag ang buhok niya sa ulunan.
Nang makahuma sa pagkagitla ay mabilis na isinarado ni Josefina ang bintana. Nanginginig pa ang kanyang mga kamay at maging ang mga paa ay tila unti-unting nawalan ng lakas. Halos magkanda patid-patid sa pagmamadaling paglakad at nangangalog ang mga tuhod na sumampa sa kama. Sumiksik ito nang higa sa tabi ni Ismael at nakiramdam.
"Sino kaya ang lalaking yon? Anong ginagawa niya sa tapat ng bahay namin sa ganitong dis oras ng gabi? Bakit nakatingin siya sa bintana? Ano ang kailangan niya? At bakit ganun ang kanyang mga mata? Nakakapangilabot!", magkakasunod na tanong ni Josefina sa sarili.
Paulit-ulit na nagdasal ang ginang hanggang sa makatulog.
Sa labas...
Napangisi si Alister kasabay nang pagkislap ng mga mata.
"Nasa loob ng bahay na iyan ang nangangailangan ng tulong ko! Bwahahahaha!", tuwang tuwang sigaw ng diablo.
BINABASA MO ANG
Bakanteng Nitso 2
HorreurKASUNDUAN (Josefina-Ismael)- Bakanteng Nitso book 2 "Bwahahaha!" umiekong halakhak ng hari ng kadiliman. "Magaling, aking kampon! Ipagpatuloy mo ang paghahanap ng mga kaluluwang makakasama natin dito sa impyerno! Ibigay mo ang anumang nanaisin nila...