Hindi ako mapili basta adobo, lahat ng klase gusto ko...
Paborito ko ang adobo, para sa kin ito ay putaheng nglalaman ng buhay ko. Ang bawat sangkap nito ay may kontribusyon sa pagkatao ko.
Kabisado ko ang pagluluto ng Adobo. Kahit nakapikit kaya kong lutuin ito. Katulad ng kung pano ko kayang ikuwento ang buhay ko kasabay ng pagluluto nito.
Tara, gusto nyo bang matuto? Samahan nyo ako.
Simulan natin sa paghihiwa ng mga sangkap. Di mawawala ang bawang, ang bawang na panakot sa aswang sabi ni inay. Ang sabi nya nasa paligid lang daw sila at takot sila sa bawang kaya dapat meron nito lagi. Nariyan din ang ka-partner nitong sibuyas. Naku, nakakaiyak to pero sanay nako. Parang si inay...' masasanay ka din anak', yun ang sabi nya habang nghihiwa ng sibuyas. Iyak sya ng iyak. Hindi ko rin alam kung sa sibuyas ba sya talaga umiiyak o dahil nakita ko na umalis si itay na may dalang maleta.
Sunod ay ang paghihiwa ng karne:baboy, atay o manok. Depende sa panlasa mo. Madalas na gamit ni inay ang karneng baboy. Kung dahil ba tinatawag nya si itay ng baboy, hindi ko talaga alam.
Hihiwain ng depende sa laking gusto mo, liliit din naman ito habang pinapakuluan.
Magsimula na tayo sa pag-gigisa. Sa katamtamang laki ng kawali ay mgpapainit tayo ng mantika.Saka ilalagay ang hiniwang bawang at sibuyas. Paborito ko ang pag-gigisa. Dito ko naaalala kung paano ako ginisa ni inay sa mga tanong ng malaman nya na may nobyo na ako. Abut-abot na kurot sa singit ang naranasan ko. Kesyo di daw bako nadadala at nagiisip. Iyak lang ang sagot ko habang nakatingin sa baboy na pinakukuluan ko.
Oh, mapula na ang bawang, ang paraan ko ay sangkutsain sa mantika ang hiniwang karne. Pagkatapos ay ilalagay ko na ang suka at toyo. Bagay, magkapareha ang dalawang to. Parang kami ng nobyo kong si Aldo. Mahal na mahal ko sya abot langit. Sukdulan na handa kong suwayin ang aking ina. Dahil sa pagkakaalam ko ay di nya ko sasaktan, hindi nya ko iiwan.
Ang turo ni inay ay wag daw hahaluin ang suka para di mahilaw. Hayaan daw kumulo at maluto. Kung hindi ay magugulo ang lasa. Mapait akong napangiti.
Ang pagiibigan namin ni Aldo ay parang sukang nahilaw. Dahil may nakihalo, may nakisawsaw. Ang akala kong langit sa piling nya ay nagmistulang impyerno nang malaman ko na hindi ako ng-iisa. Parang gusto kong sabitan ng kwintas ng bawang ang malanding aswang na yun dahil sa pang gugulong ginawa nya. Pero katulad ni inay, di namin nagawang itaboy ang mga aswang sa buhay namin. Mas pinili nya ang sumama sa baboy na yun at mgpakababoy rin. At wala akong magawa kundi ang umiyak at lunurin ang sarili ko sa pighati.
Pero... hindi ako katulad ni inay. Hindi ako masasanay. Ayokong maging tulad nya na nagpapanggap, na itinatago ang sakit sa paggamit ng sibuyas bilang dahilan ng pag-iyak. Tama nang sya na lang ang nasaktan ng di lumaban. Lalaban ako para sa amin.
Hayan... kumukulo na. Malapit na itong maluto. Lagyan ng konting betsin at paminta. Matitikman ko na ang luto kong Adobo. Sayang, kung buhay pa si itay ay ipapatikim ko sana ang luto kong adobo. Para magsisi sya sa lahat ng sakit na dinulot nya sa amin. Para mapagtanto nya kung anong klase akong tao ngayon dahil sa mga pagkukulang nya.
Siguro masasabi nyang gugustuhin nya ang adobo ni inay. Ngunit gaano man nya yun asamin, gaano ko man yun asamin, wala na si inay para magpatikim. Ang masarap na adobo nya ay nasa alaala na lamang namin. Kaya dito na lang ako sa niluto kong adobo.
Hindi ako mapili basta Adobo, lahat ng klase gusto ko.
Oh hayan, luto na. Tikman na natin ang Adobo ko... Adobong Aldo..
wakas