KABANATA 1

9 0 0
                                    

FEBRUARY 11, 2021

Aisle's POV

"Kamusta po kayo? Cabeyano po.. munting tulong para sa'yo at sa pamilya mo." Inabot ng lalaking nakasalamin ang isang supot na nag-lalaman ng ilang delata sa matandang may bitbit na bata.

"Oh! Taya! Ikaw naman ang taya!" Sigaw ng batang paslit sa isang babae habang masaya silang nag-lalaro.

Inabot nang lalaki ang supot sa ginang. Tinanggap ito ng babae at mukhang mangiyak-ngiyak pa dahil sa sobrang tuwa.. sino ba naman ang hindi matutuwa kahit sa ganoong klaseng tulong lang, sa hirap ba naman ng buhay ngayon.

"Harap po kayo dito, okay, 1,2,3!" Sigaw ng isang lalaki habang may hawak na camera.

Malapit na ang halalan, kaniya-kaniyang pasikat nanaman ang mga kumakandidato. Napailing nalang ako nang makita ko ang pag-a-alcohol nung lalaki matapos makausap ang ginang.. Walang pagbabago.

"Holdaper! Habulin niyo.. ang bag ko! Jusko!" Natatarantang sigaw naman ng isang babae habang umiiyak.

Nag-kagulo nanaman sa lugar namin. Ang mga tambay na kanina lang ay nakaupo at naninigarilyo ay nag-kanya-kanyang tayo para habulin ang lalaking tinuro ng ginang. Napailing nanaman ako dahil alam kong mas malala pa sila sa holdaper na 'yon.

Walang pag-babago.. mula noon hanggang ngayon ay ito ang lugar na kinamulatan ko.

"Ate pahingi naman po ng lima, nagugutom na po kasi itong kapatid ko eh." Sabi ng isang batang halos buto't balat nalang, sa gilid niya ay isang babaeng madungis.

Sa ikatlong pag-kakataon ay napa-iling ako. Nasaan ang mga magulang nila? Talaga ngang ang lugar namin ay wala ng pag-asenso pa.

Inabutan ko siya ng sampung piso dahil maski ang sikmura ko ay kumakalam na. Trenta minutos ang nilakad ko para makarating sa bahay mula sa eskwelahang pinapasukan ko.

"Salamat po!" Masayang sabi niya saka tumakbo na palayo.

"Oh mani! mani! Balot, titsaron!" Sigaw ng isang lalaki.

Kani-kaniyang diskarte para malagyan ang kumakalam na sikmura. Ang lugar naming mahirap noon ay mas lalong humihirap pa. Ito ang kabilang parte ng mga nag-tataasang building ng Manila. Lugar na kailan man ay hindi makikita ng mga taong may mataas na katungkulan.

"Sige! Lumayas ka na! Puro talaga pambababae lang ang alam mo! Tarantado!"

Hindi ko pa nabubuksan ang kahoy na pintuan namin ay ayun na ang mga sigawan. Napahawak nalang ako sa strap ng bag ko at huminga ng malalim.

Pag-bukas ko ay nakita ko ang magulong sala ng bahay namin. Hindi ko nga matatawag na sala 'yon, dahil sa gilid ay nandoon na ang lababo at lamesa. Maliit lang ang bahay namin.

"Wala ka na talagang pag-babago Rolando! Kung sana lang ay nakinig ako sa mga magulang ko noon!" Hiyaw ni mama ang sumalubong sa akin.

Hindi na bago ang mga ganitong tagpo sa bahay namin. Si mama na galit na galit at si papa na nakainom. Away na yata ang umagahan at hapunan ng dalawang 'to.

"Ano nanaman ba ang pinagsasasabi mo Tessa? Kung sana lang ay hindi ka nakikinig sa mga chismosa nating kapit-bahay ay hindi tayo nag-kakagulo ng ganito!" Hiyaw na pabalik ng aking ama.

Tinanggal ko ang sapatos kong suot at nilagay 'yun sa sulok ng bahay namin. Wala kaming lagayan o shoe rack na tinatawag ng mga mayayaman. Appliances at mga kagamitan man sa bahay ay hindi kami kumpleto. Meroon naman kaming tv pero hayun at puro guhit naman ang mapapanood mo. May electric fan kami pero kasing ingay naman 'yun ng bunganga ni mama.

"Nandito na po ako." Sigaw ko sa kanila at dumaan sa gilid nila.
"Huling-huli ka na! At talagang isisisi mopa sa mga kapit-bahay natin ang pambababae mo?" Hindi pa din nag-patinag si mama.

Hindi sila tumigil sa bangayan nila at mukhang hindi manlang nila ako nakitang pumasok. Hinawi ko ang kurtinang nag-sisilbing pintuan ng maliit kong kuwarto. Nag-palit ako ng pambahay na damit at tinabi ang bag ko.

Dumiretso ako sa lamesa pero hayun pa din ang galit na mukhang ng nanay ko, mabuti na lang at nag-iisa lang akong anak nila. Tinanggal ko ang takip ng tupperware na noon ay lagayan ng ice cream, nahingi lang 'to ng nanay ko sa mga kapit-bahay namin, hindi namin afford ang bumili ng ice cream ano man ang brand noon.

Isang pirasong tuyo ang bumungad sa akin. Kung sa tingin niyo ay kulang pa 'yon, pero para sa akin ay jackpot na ang araw na 'to. Madalas akong umuuwing walang pag-kaing nakahain sa lamesa.

"Aisle, nandiyan ka na pala." Mukhang tapos na silang mag-away at mag-sagutan.

Nilingon ko ang may katandaan ko ng mama. 47 years old na si mama at si papa naman ay 50. 20 years old naman ako pero nasa 4th year High School pa din ako, madalas akong huminto sa pag-aaral lalo na kapag walang perang pantustos sa akin sila mama.

"Mano po." Yun na lang ang sinabi ko at saka binalik ang tingim sa tuyong nasa lamesa.

Hinila ko ang plastic na silya saka binuksan ang kalderong nangingitim na dahil sa kalumaan noon. May tutong na halos isang mangkok lang ang nandoon, sapat na para masolusyunan ang sikmura kong kanina pang tanghali kumakalam.

Hindi ko na nakuha pang kumain kaninang break time namin. 50 pesos na lang ang baon ko at kulang pa 'yun sa mga project para sa school ko, kaya minabuti ko na lang na hindi pansinin ang kumakalam kong sikmura.

"Ang tatay mo.. walang pag-babago." Nanginginig ang boses na sabi ni mama.

Alam ko na kung saan patungo ang usapang 'to. Kahit na bungangera at palaging nag-tatalo ang magulang ko, alam kong mahal ni mama si papa. Kahit nga hindi siya sigurado kung mabibigyan siya nito ng maayos na buhay ay ito pa din ang pinili niya.

"Wala na nga tayong makain.. wala na siyang maipang-tustos sa atin, nakuha pang kumuha ng kabit na dagdag palamunin niya." Mangiyak-ngiyak na sabi ni mama habang nag-huhugas ng pinggan.

Pinilit kong lumunok kahit na ang hirap. Hindi ito ang buhay na pangarap ko, wala naman sigurong tao ang pinangarap na maging mahirap. Ang dami kong kuwento na naririnig tungkol sa mga mayayaman na hindi naman masaya sa buhay, paano pa kaya ang mga katulad naming dukha?

"Kung sana lang.. kung sana lang ay nakinig ako kila mama noon at hindi.. sumama sa tatay mo para makipag-tanan!" Pasigaw na sabi niya.

Sa tuwing sinasabi niya 'yun ay nasasaktan ako. Para bang lahat ng desisyon niya na kasama kami ay pinag-sisihan niya. Na kung maibabalik lang niya ang oras ay hindi niya pipiliing makasama kami sa ganitong sitwasyon..

Kahit na ganito ang buhay namin ay hindi ako nag-sisisi na sila ang magulang ko. Kahit madalang pa nga yata sa patak ng ulan kung makausap ko si papa. Hindi manlang ako naging malapit sa kaniya. Simula nung mag-kaisip ako ay ito na ang palaging ganap sa buhay ko.

Hindi ko manlang nagawang mag-kuwento sa kaniya tungkol sa mga nang-yayari sa school ko, hindi manlang kami nag-karoon ng litrato nung nag-dalaga na ako. Madalas siyang wala at nasa sabungan o hindi kaya ay nasa inuman. Wala na nga kaming pang-tustos sa araw-araw ay nakukuha pa niyang mag-bisyo.

"Papasok na po ako." Sabi ko saka tumayo na.

Pasado alas sais na at ito lang ang oras ko para makapag-pahinga. Lunes ngayon at bukas ay may pasok pa ako. Buong sistema ko ay pagod na, ang isip ko, katawan at maski ang sikmurang hindi naman gaanong nabusog.

Sanay na akong tinutulog ang gutom, sanay na akong pumasok ng walang baon, sanay na ako sa kahirapang kinamulatan ko. Kahirapan na hindi ko alam kung kailan matatapos.

Pero kahit na ganito ang sitwasyon namin, madami pa din akong pangaap para sa pamilya ko. Na umaasa pa din ako balang-araw ay magiging maayos kami.

Pangarap ko na sana ay may dumating sa buhay namin na makakatulong para maayos ang gusot ng buhay ko. Hindi ako sigurado kung ano 'yun pero 'yun ang pangarap ko. Bawat araw na lumilipas ay isang pag-subok para saamin, pero palagi kong iniisip na mag-sasawa din ang buhay kakabigay ng problema sa amin. I'm still hoping for someone that will magically change our life.. my life.

------
♡♡♡

My Valentine's (COMPLETED)Where stories live. Discover now