Estudyante, Gwardya, at Guro
Pilyang Estudyante
Biyernes ng umaga ay madaling naglalakad si Matilda. "Bumalik ka dito!", boses ng matandang babae ang kanyang narinig. Paglingon nya ay isang madreng matangkad na may dalang pamatpat.
Diretso ang tingin ng madre sa mata ni Matilda. "Paano ka nakalabas?" Tanong ng matanda. Hindi ito maintindihan ng bata kung kaya't naglakad syang muli at sinundan sya ng matanda kung kaya't binilisan nya ang paglakad.
Si Matilda ay isa sa mga tipikal na pilya at palabarkada na estudyante ng lumang paaralang pambabae na pinatatakbo ng mga madre. Tamad mag-aral kung kaya't tuwing may eksam ay lagi itong nangongopya.
Pagdating ng susunod na Biyernes ay mayroong pagsusulit at dating gawi ay malayang nakakopya si Matilda at ang kanyang mga kabigan ng sagot sa eksam.
Pagtapos ng pagsusulit ay nakita nyang naka-abang at nakatingin sa kanya ang madreng mahilig manita. "Hala, nakita yata ako na nangongopya." Sabay lihis ng daan papalayo sa madre.
Nasanay si Matilda na tuwing Biyernes ay sinisita sya ng madreng may pamatpat kung kaya't alam na nya kung saang lugar ang dapat nyang iwasan upang hindi nya ito makasalubong.
Biyernes na namang muli. Naisipan ng barkada na sumubok manigarilyo at patago nila itong ginawa sa isang sulok ng eskwelahan.
Nang nag-agaw dilim na ang langit ay kinailangan na nyang umuwi. Ngunit sa kailangan nyang daanan kung saan madalas naka-abang ang madre. Tama ang kanyang hinala, nakatayo na namang muli ang matanda malapit sa teacher's office habang pinapalo-palo ang patpat sa palad.
"Good evening po, sister." Bati ni Matilda. Itinaas ng matanda ang kanyang pamatpat at pinalo sa balikat ng babae. "Matigas ang ulo mo! Sumunod ka sa akin sa teacher's office kung ayaw mong bumagsak!" banta ng madre.
Natakot si Matilda nang marinig nyang ibabagsak sya ng madre kung kaya't sumunod na lamang ito sa kanya.
Pagpasok ng pinto ay pinaupo sya. Ipinalapat ang dalawang kamay sa mesa. Muling itinaas ng madre ang pamatpat at mabilis na pinalo sa kanyang kamay ng ilang ulit. Sa sakit ay inalis bigla ni Matilda ang kamay. "Ibalik mo ang kamay mo kung ayaw mong mapatalsik!"
Sinunod naman ito ng bata at muling pinalo ang mga kamay. Nagsimulang mamula ang mga daliri ni Matilda at muling inalis habang umiiyak.
Pinandilatan sya ng mata ng madre. Hindi inaakala ni Matilda na ganito kahigpit magdisiplina ang matanda. "Tumahimik ka! Nabasag mo ang imahe ng Birhen! Mapaparusahan ka!" Sigaw ng galit na madre.
"Anong pong sinasabi nyo?" Pagtatakang tanong ng bata habang patuloy sa pag-iyak. Mahigpit na hinawakan ng matanda ang kanyang braso. Hinila ng malakas at pilit syang kinaladkad sa may lumang aparador.
"Pumasok ka sa loob hanggat hindi mo napagdudusahan ang kasalanan mo!" Sigaw nya. Inaalis ni Matilda ang kamay ng madre sa braso habang umiiyak ngunit napakahigpit ng kapit nito. Hanggang sa hinila ng matanda ang buhok ng estudyante at pilit na pinapasok ang ulo sa aparador.
Hindi nakawala ang bata sa mga kamay ng madre at kinandado ang aparador habang nasa loob si Matilda. Kinalampag ng bata ang pinto habang gumagawa ng ingay at nang mapagod ay huminto ng sandali.
Madilim at masikip sa loob. Humihikbi ang bata. Biglang nakarinig ng bulong si Matilda sa kanyang tenga. "Wag ka maingay, magagalit si sister Lusing." Nanindig ang mga balahibo sa leeg ng bata. Nagtataka kung saan manggagaling ang boses sapagkat napakasikip na ng lugar. Nagsisigaw si Matilda at kinalampag ang kanyang harapan.
BINABASA MO ANG
Kababalaghan sa Eskwelahan
HorrorTatlong kwentong kababalaghan sa loob ng paaralan. 1) Pilyang Estudyante 2) Guwardiyang hindi naniniwala sa multo 3) Matapang na guro