KABANATA IV

8 3 0
                                    

“MAHAL NA Reyna Selena, bakit kayo nagpapasok ng tagalabas sa palasyo? Isang maitim na kapangyarihan ang nagmumula sa sanggol na dala-dala niya. Baka magdulot ito ng panganib sa mga mamamayan ng kaharian,” mahabang litaniya ng pinuno ng mga cornixus na nakalaban ko kanina.

“Ayos lamang, Demito. Nakita ko ang kanilang pagdating sa kaharian sa pamamagitan ng aking bolang kristal. Alam ko rin kung bakit siya naparito. Nais niya lamang mapagaling ang kaniyang kapatid mula sa isang sumpa,” kalmadong sambit ng batang reyna sa kaniyang alagad.

Napakahinahon niya kung magsalita. Hindi rin ako makapaniwala noong una na siya ang reyna ng mga mangkukulam. Ang reynang 333 taon nang nakaupo sa trono. Hindi ko aakalaing isa pala itong bata. O baka hindi lamang siya tumatanda lumipas man ang mahabang panahon kaya napanatili niya ang kaniyang kabataan?

“Ngunit mahal na—”

“Wala ka bang tiwala sa akin, Demito?” tanong ng reyna sa cornixus na si Demito ngunit walang anumang bahid ng pagkainis sa kaniyang tinig. Kalmado at banayad ang kaniyang pagkakatanong.

“H-hindi naman po sa gano’n, Mahal na Reyna. Kung iyan po ang inyong desisyon, nandito lamang po ako para kayo’y suportahan,” hayag ni Demito at medyo nautal pa kanina.

“Mabuti naman. Iwan mo muna kami, Demito.”

Agad namang tumalima ang kawal. Yumuko siya sa reyna habang nakalagay ang kanang kamay nito sa dibdib.

“Dea, hindi ba?”

“O-opo, Reyna Selena. Dea Southheil po ang buo kong pangalan,” pagpapakilala ko sa kaniya.

“Ikaw ang anak nina Trux at Alexandria Southheil at galing ka sa angkan kung saan ipinagkaloob ang Luna— ang isa sa dalawang pinakamalakas na sandatang pinag-aagawan ng mga angkan ng mangkukulam noon pa mang sinaunang panahon. At alam kong nasa iyo ang agimat na ito,” bunyag sa akin ng reyna. Tiningnan niya ako na para bang tumatagos ang kaniyang paningin sa aking kasuotan.

Napahawak ako sa aking kuwintas. “Isa ka rin ba sa gustong—”

“Hindi. Nagkakamali ka,” putol niya sa aking sasabihin na naging dahilan para ikalma ko ang aking sarili.

“Wala akong balak na kunin ito mula sa’yo. Mayroon din akong sariling sandata. Gaya nga ng sabi ko, ang Luna ay isa sa dalawang pinakamalakas na sandata ng ating lahi. Ang isa ay nasa aking pangangalaga dati.  Ito ay ang Blood Dagger o kilala sa tawag na Rossa.”

“Dati? Ibig bang sabihin ay nawala ito sa inyong pangangalaga?”

Lumungkot ang ekspresiyon sa kaniyang mukha at saka malalim na napabuntonghininga.

“Oo. Ninakaw ito sa akin ng isang mapagpanggap na kaibigan. Isinumpa niya akong bumalik sa pagkabata at habang bumabata ang aking hitsura at katawan, nababawasan ang antas ng aking kapangyarihan. At kapag naubos ang aking mana at mahika, ako’y habambuhay nang mahihimlay. Gustuhin ko mang bawiin ang aking sandata ngunit hindi ko magagawa. Kapag gumawa ako ng aksiyon laban sa taong iyon, ang buong kaharian ay malalagay sa panganib. Mas importante ang buhay ng mga mamamayan kaysa ang aking Rossa,” mahabang salaysay ng reyna sa akin.

Hindi ko maiwasang hindi malungkot dahil sa kaniyang sinabi. Kung gayon ay isang sumpa ang kaniyang pagiging bata. Akala ko’y isa itong bagay na dapat kainggitan ngunit hindi pala. Teka, kung nababawasan ang antas ng kaniyang kapangyarihan sa bawat araw na lumilipas, ibig sabihin ay sadyang napakalakas niya kung wala ang sumpang iginawad sa kaniya?

Batang-bata siya sa kaniyang hitsura ngayon ngunit napakalakas pa rin ng kapangyarihang nararamdaman ko mula sa kaniya, paano pa kaya kapag nabawi niya ang buo niyang kapangyarihan at ang kaniyang sandata?

Luna RossaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon