KABANATA 19: "Ang maharlika at ang mangangaso"

268 25 0
                                    



PAPAAKYAT na ang haring araw, simula ng panibagong umaga na kahaharapin ng mga mamamayan ng Lunti. Mula noong sakupin ito ng mga bandido ilang taon na ang nakalilipas, hindi na ganoon kasigla ang naging buhay ng mga manggagawa bunga ng pang-aalila sa kanila.

Napanatili ng maharlikang si Laurel ang katiwasayan ng buong nayon, ngunit nasa ilalim pa rin sila ng pangkat ni Gilas. Nagtatrabaho ang mga manggagawa hindi lamang sa pamilya nila, kung 'di para na rin sa mga naturingang mananakop.

Hindi mawala-wala ang kilabot na hatid ng mga naglalakihang alamus na pagala-gala sa paligid ng Lunti, subalit hindi na ito ikinagugulat ng mga mamamayan sapagkat nakasanayan na rin nila ang presensya nito.


“Sayang ang iyong kagandahan, binibini. Ginawa ka lamang tagasilbi rito.”


Saglit na natigilan ang binibining si Mayumi nang marinig ang sinabi ng isa sa mga bandidong nagbabantay sa nayon. Kasalukuyan siyang nagwawalis sa bakuran ng tahanan ni Laurel. Kasama niya ang ilan pa sa mga tagasilbi.

Sa halip na pansinin ay nagpatuloy lamang siya sa kaniyang gawain. Hindi ito ang unang beses na mayroong napapadaan na mga bandido at sinusubukang hulihin ang kaniyang atensyon.

Sa paglipas ng mga taon ay lalong lumilitaw ang angking karikitan ni Mayumi at hindi iyon maipagkakaila kahit pa napakasimple na lamang ng kaniyang ayos. Ito ang dahilan kung bakit napapalingon sa kaniya ang sino mang lalake, kahit ang mga bandido.


“Ang sungit mo naman. Batiin mo lamang kami o hindi kaya ay tapunan ng tingin kahit saglit.”

“Oo nga naman, Mayumi,” wika ng isa pa.


Napansin ni Luningning ang pangungulit ng dalawang lalake kaya napagpasyahan nitong lumapit sa kaibigan na itinuturing na nito bilang isang kapatid, lalo't matagal na itong nangungulila sa nakababatang kapatid na nawala sa kanila.


“Hayaan mo na lamang siya,” bulong nito kay Mayumi saka siya hinila upang mailayo sa mga bandido.

“O sandali lang, maayos kaming nakikipag-usap tapos tatalikuran n'yo lamang kami?” pagrereklamo ng isang lalake.

“Ganyan ka ba talaga makitungo sa ibang tao, ha, Luningning?”

Napahinto ang dalaga at bumuntonghininga bago hinarap ang mga ito. “Hindi naman sa gano'n, mga ginoo, ngunit sa nakikita ninyo ay abala kami sa aming mga gawain,” tugon nito na bahagya pang yumuko.

Tulad ni Luningning ay bahagya ring tumungo si Mayumi at kinausap ang mga bandido, “Siyang tunay. Isa pa, wala kaming panahon na makipagkuwentuhan sa inyo. Halika na, Ate Ningning.”

Dumilim ang awra ng isa sa mga lalake at binulyawan sila, “Aba, sumusobra naman yata ang kawalang-galang mo sa amin, alipin. Tandaan ninyo na naninilbihan na rin kayo sa aming pangkat!”


Ang isa nama'y hindi rin nakapagpigil at hinawakan sa balikat si Mayumi, na siyang kinagulat nila. Bakas ang pangamba sa kaniyang mga mata, maging ang ibang alipin ay nababahala na rin. Nang mamataan sila ni Rahuyo ay hindi na ito nagdalawang-isip na lumapit sa kanila.


“Bitiwan mo siya, bandido,” anito nang makalapit kaya napalingon sina Luningning at tila lumiwanag ang mga mukha.

“Ikaw pala, Ginoong Rahuyo,” wika ng lalake saka unti-unting pinakawalan si Mayumi.

“Ano't ginugulo ninyo ang mga binibini?”

Bahagya itong natawa at napakamot sa ulo. “Hindi namin sila ginugulo, sa katunayan ay nakikipag-usap kami nang maayos ngunit minamasama nila ito.”

Embracing The WindTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon