KABANATA 30: "Mga hinanakit"

302 22 0
                                    



“AKO ang nakapaslang sa iyong ina.”

“Ulitin mo nga ang sinabi mo,” malamig nitong tugon.

“Ako ang nakapaslang sa iyong—” Hindi natapos ni Alab ang nais sabihin nang sumalubong sa kaniya ang kamao ng bandido.

“Kidlat!” bulalas ni Liwayway.

Kinagulat din ito ni Makisig. “Kuya Alab!”

“Anong kasinungalingan 'yan? Wag mong pagtatakpan ang iyong ama at mga kapanalig!”

“Hindi ko siya pinagtatakpan, nagsasabi ako ng totoo! Ang pana na inilaan ko sana sa iyong ama noong panahong iyon ay sinalag ng iyong ina. H-hindi ko iyon sinasadya.”

“Sinungaling ka!” Bitbit ang sandata ay akmang susugurin niyang muli ang manlilipad ngunit pumagitna si Liwayway.

“Kidlat, huminahon ka, pakiusap,” pagmamakaawa nito.

Hindi nawala ang malamig at nagngangalit nitong mga titig. “Tumabi ka, Liway, baka madamay ka pa.”

Hindi nagpatinag ang dalaga. “Hindi ako aalis hanggang hindi mo ibinababa 'yang sandata mo. Bakit 'di mo muna pakinggan ang mga sasabihin niya?”

Sumali sa usapan si Makisig, “Siyang tunay, tinitiyak ko na may paliwanag iyon. Huwag mong idaan sa init ng ulo ang lahat.”

Ang matatalim niyang titig ay nalipat rito. “Manahimik ka, mangangaso. Wala akong panahon sa mga katulad mo. Isa ka pa, kinamumuhian ko rin ang lahi ninyo.”

Nagpanting ang tainga nito sa narinig. “Wag kang mag-alala, parehas naman tayong kinasusuklaman ang isa't isa.”

Ang kaninang nananahimik lamang na si Mayumi ay lumapit na rin upang awatin sila. “Kisig, tama na. Ano ba kayo? Bakit ganito katindi ang galit ninyo sa isa't isa? Hindi ba maaaring magkasundo naman kayo sa pagkakataong ito?”

“Mukhang malabo pa iyan, Yumi. Mula noon ay wala nang tunay na kapayapaan sa ating lupain hanggang may mga taong naghahasik ng lagim,” pagpaparinig nito.

“Huwag kang magmalinis dahil buhat noon ay nadungisan na rin ng dugo ng mga napaslang ng lahi mo ang iyong sandata!” bulyaw ni Kidlat.

“Lapastangan ka!”


Hindi na nakapagpigil pa ang dalawang binatang nagpupuyos sa galit. Sinugod nila ang isa't isa at nagsalpukan ang kanilang mga sandata. Napaatras ang ilang nasa paligid nila upang makaiwas sa kapahamakan.

Sinubukan silang awatin ng iba ngunit hindi sila nagpatinag. Nang kapuwa nila nabitawan ang kanilang sandata ay isinantabi na nila ito upang labanan muli ang isa't isa hanggang sa nagpagulong-gulong sila sa lupa habang nagpapalitan ng suntok.


Nang hindi pa rin huminto ay sapilitan nang hinila ni Alab si Makisig, na agad rin namang hinawakan ni Mayumi. “Tama na, Kisig!”


Bago pa man malapitan ni Liwayway si Kidlat ay napulot na nitong muli ang itak kaya mabilisan ding kinuha ni Makisig ang kaniyang sibat at ngayo'y nagtatagisan sila ng titig. Kapuwa na sila hinihingal at tagaktak ang mga pawis.


“Ano ba kayo? Tama na!” sigaw ni Liwayway habang nagpipigil na lumuha.

Maging si Alab ay pumagitna upang pigilan sila na muling magsalpukan. “Tumigil na kayo!”

“Manahimik ka, lapastangang manlilipad!” bulyaw niya kay Alab at ang matalim niyang sandata ay nakatutok na rin sa tagapangalaga.

Sa halip na umiwas ay humakbang ito papalapit sa kaniya nang may mapanghamong tingin. “Ano pa ang hinihintay mo?”

Embracing The WindTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon