Tahimik ang buong paligid, walang ibang tunog na maririnig kundi ang malakas na pagpagaspas ng mga mahahabang damo, ang mga dahon ng matandang puno na matatag na nakatayo sa aking harapan at ang langit-ngit ng lubid. Malamig ang hanging umiihip mula hilagang silangan na sa tuwing dadapo at manunuot ay nakakatuyot sa aking balat na nakadadagdag pa sa nakakapangilabot na imahen sa aking harapan.
Hindi pa rin ako makapaniwala sa aking nakikita. Hindi ko alam kung ano ang tamang emosyon na aking dapat madama. Nais kong sumigaw, nais kong tumakbo o di kaya naman ay ipikit ang aking mga mata ngunit lahat ng iyon ay naging imposible, mga simpleng gawain na ngayon ay hindi ko na magawa sapagkat ang aking katawan ay tuluyan nang naghina at nanlulumo.
Ilang minuto na akong nakatingalngal, tahimik ngunit naguguluhan.
"Bakit . . ."
Sambit ko sa mahinang tinig sa unang pagkakataon.
"Bakit . . . "
Nagsusumamo at mahinang tinig na puno ng hindi maipaliwanag na emosyon.
Sinubukan ko muling igalaw ang aking katawan.
kamay,
paa,
Ang buo kong katawan ay hindi ko na madama. Sinubukan kong lumapit kahit na nag dadalawang isip ako ngunit nabigo at tuluyan nang napaluhod sa damuhan. Malamig ang mga damo at ang buong katawan ko.
Nakatitig pa din ako sa nakapangingilabot na imahen nang makaramdam ako ng konting pagdodomina sa aking katawan. Iniyuko ko ang aking ulo at tumitig sa aking mga kamay.
Ang mga kamay ko, ang mga kamay ng isang mahinang tao, mga kamay na malinis noon ngunit narumihan na. Naaalala ko pa ang kanyang tinig nang sabihin niyang ang mga kamay ko ay malinis at puno ng pag aaruga.
Ang dating malinis, ngayon ay narumhan na. habang patuloy akong nakatitig sa aking mga kamay ay tuluyan nang kumawala ang naipong emosyon na kaninay' pumupuno sa aking puso. at sa wakas, sa ilalim ng maliwanag na buwan at kaulapan sa paligid nito tumulo na ang malakas na ulan na nagbura sa duming bumalot sa aking mga kamay.
Wala nang bakas, ngunit hindi na mabubura ang katotohanan. At sa katahimikan ng paligid, namutawi ang isang sigaw na nananaghoy at bumasag sa kaliwanagan ng gabi.

BINABASA MO ANG
Heaven & Earth
General Fiction"When everything stood strong . . . . . . there will always be a downfall . . . "