Simula

6 0 0
                                    

Tunog ng basag na mga plato at bote. Ito ang laging gumigising sa akin sa umaga tuwing umuuwing lasing si Papa. Simula noong iniwan kami ni Mama, puro panginginom na lamang ang ginagawa niya. Ni hindi niya ako kayang mapag-aral, kaya't ako ang kumakayod para sa sarili ko. Minsan nga'y sa akin pa niya kinukuha ang pambili niya ng alak. Hindi ko naman kayang hindi-an dahil bukod sa panakaw niya itong kinukuha sa akin, kapag naman sumagot ako ay paniguradong bugbog ang aabutin ko. Kung minsan nga'y kahit hindi ako kumikibo, basta't umuwi siyang mainit ang ulo, paniguradong pasa nanaman ang aabutin ng balat ko.


Nakasanayan ko na. Ito ang dahilan kung bakit lagi akong nakasuot ng cardigan, para matakpan lahat ang bakas ng mga sugat at pasa na nakukuha ko galing sa kanya. Ni hindi ko na rin iniisip na maglaban, bukod sa mas lalo lamang siyang lalala, ay wala na din naman akong maramdaman na kahit ano, namamanhid na lamang ang buong pagkatao ko. Iniisip ko na lamang na kapag nakapagtapos ako ng pag-aaral, aalis ako sa bahay na ito, at matatapos na din ang lahat. Nasa kolehiyo na din naman ako ngayong taon na ito, apat na taon na lamang ang pagtitiis ko sa pamamahay na ito.


"Bakit mo tinapon ang mga inumin ko?!" Galit na galit na tanong sa akin ni Papa paglabas ko ng aking silid.


"Wala ho akong pinapakielaman sa mga inumin ninyo" sagot ko. Wala din naman talaga akong pinakielaman, malamang ay wala na naman ito sa tamang wisyo, at sa akin sinisisi ang naubos niyang alak kagabi.


Isang sampal ang inabot ko galing kay Papa.


"Sinungaling kang babae ka! Nasaan ang pera mo?! Ibigay mo sa akin ang pera mo!"


Wala akong ibang magawa kundi ibigay na lamang sakanya ang isang linggong baon ko. Kung magpupumilit pa ako ay baka masira niya pa ang uniporme at bag ko, paniguradong mas malaki ang magagastos ko doon kung sakaling masira.


Pagkaabot ko ng pera ay binitawan na ako ni Papa. Hindi na din ako umiimik at lumabas na ako ng bahay na parang walang nangyari.


Kaya ko namang magtiis na maglakad muna sa ngayon papuntang paaralan, at kung pagdating naman sa pagkain ay nakakakuha ako ng libreng merienda at minsan ay allowance kapalit ng pag-aayos at pagbabantay sa library. Siguro'y maghahanap na lamang ako ng part time job mamaya pagkatapos ng klase upang may mapagkukunan ako ng pangtustos ko sa mga susunod pa na araw. Magandang rason na din siguro ito para hindi ako agad makauwi ng bahay, upang hindi kami magpang-abot ni Papa.


Mahigit bente minutos din na lakad at takbo ang nakalipas bago ako nakarating sa paaralan. Hindi pa naman ako late sa unang subject namin ngayong araw, bagkus ay maaga pa nga ako. Nakasanayan ko na din pumasok ng maaga dahil inaasahan ko na din naman na lagi kaming magkakaroon ng kumprontasyon ni Papa.


Dahil maaga pa, paniguradong sarado pa ang aming silid-aralan. Minabuti ko na lamang pumunta sa aking patagong tambayan dito sa paaralan. Sa pinakalikurang bahagi ng aming paaralan kung saan naroroon ang mga stock room, mayroon akong tinatambayan na dalawang magkadikit na puno ng mangga. Dito sa lugar na ito ako nakakakuha ng kapayapaan. Walang estudyanteng napapadpad dito dahil masyadong malayo sa mga silid-aralan kaya't dito ako madalas tuwing free time ko, payapa at tahimik.


Hindi nga lang ngayon, habang palapit ako ay may naaninag akong isang tao na nakahiga sa isang sanga ng puno. Natutulog yata. Nakasuot ito ng kulay puting jersey na tanda ng mga atleta dito sa paaralan. Basketball player siguro. Hindi ko naman maaninag ang mukha dahil nakatakip ang kanyang braso dito.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Apr 06, 2021 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Wish upon a StarTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon