"Pinapapunta na naman ako sa eskwelahan niyo. Ilang araw ka na raw hindi pumapasok," hindi pa man ako nakakaupo sa may hapag ay ayun na ang mahinahon pero may bahid ng awtoridad na salita ni Mama. "Ano ba talaga ang balak mo sa buhay mo, Sereena? Nasa huling taon ka na sa kolehiyo."
Kauuwi ko lang eh.
Hindi ako sumagot kay Mama dahil hahaba lang ang usapan namin. Aabutin kami ng umaga kung magsasalita pa ako. Isa pa ay ayaw na ayaw kong nag-aaway sa harap ng pagkain, sadyang kabastusan sa biyaya.
"Hindi ka tumatandang paurong. Ano ba ang akala mo sa sarili mo? Menor de edad? Hindi alam ang pagkakaiba ng tama sa mali?"
"Kanino ka ba natutong magbulakbol? Sigurado naman akong hindi ako nagkulang sa pagpapaalala sayo. Lalo namang hindi marupok ang memorya mo," saka niya ako matalim na tinitigan. Sa ganoong paraan ay pinapagalitan na niya ako. Mas nakakatakot si Mama tuwing galit siya pero napapanatili ang pagiging kalmado. "Alam mo bang nag-aalala sa'yo ang mga tao dito? Siguro hindi. Dahil kung alam mo, hindi na kita kailangang pagsabihan ng ganito."
"Ma, kumakain tayo. Sa susunod na yan," singit ni Ansel. Hindi na bago iyon dahil lagi naman siyang namamagitan sa amin ni Mama. Sa akin naman ay wala na iyon. Sanayan na lang talaga.
"Tumigil ka, Ansel! Ipagtatanggol mo na naman 'yang Ate mo," doon na tumaas ang tono ng boses ni Mama at hindi kapani-paniwalang nagawa niyang basagin ang pinggan dahil lang sa pagbagsak niya ng kutsara doon.
Malalim ang naging paghinga ko dahil wala talaga ako sa mood makinig ng sermon ngayon at lalong wala ako sa mood makipagtaasan ng falsetto kay Mama. Tanging pagod at antok ang siyang nararamdaman ko bukod sa gutom. Gustuhin ko mang umalis para dumiretso sa kwarto ay kabastusan nang masyado kaya naman binilisan ko ang pagkain.
"Pinag-aaral ko kayo sa pribadong unibersidad para mag-aral at hindi para magbulakbol. Huwag niyo akong patayin sa paghahanap-buhay," nawawalan na ng pag-asang aniya. "Mahirap ang magtrabaho kaysa mag-aral. Ayusin mo 'yang mga desisyon mo," saka siya tumayo at kinuha ang basag na pinggan para itapon sa labas. "Ansel, bayaran mo na si Aling Conching pagkatapos mong kumain," utos pa ni Mama bago makalabas sa likod bahay.
Nagkatinginan naman kami ni Ansel. Masiyado siyang seryoso kaya hindi ako makatawa.
Sungit naman nito.
Isa ang pagiging seryoso ni Ansel kaya marami ang nagkakandarapang babae at mga binabae sa kaniya sa school. Gwapo talaga siya. Mula sa makakapal na kilay, sa chinitong mga mata, matangos na ilong at manipis na labi. Masiyado pang pakitang gilas ang jawline niya. Minsan ay napapaisip ako bakit wala pa siyang girlfriend hanggang ngayon. Sabagay ay mas mahal niya ang pag-aaral kaysa sa kahit na ano.
"Pabayaan mo na si Mama. Nag-aalala lang 'yon sa'yo," biglang sabi niya. "Hindi madaling maging Single Mom, Ate. Intindihin mo na lang siya."
"Okay lang. Hindi naman na ako naaapektuhan," sagot ko naman.
"Bakit kasi hindi mo na lang sabihin, Ate?"
"Ang alin?"
"You know what I'm talking about."
Talo na. Nag-English na eh.
"Kailangan ba in English din ang sagot ko?"
"Be serious, Ate. This isn't some kind of a joke."
"Fine," itinaas ko ang pareho kong kamay, nagpapatalo sa bunso kong kapatid. "Kilala mo ako, Ansel. Ayoko nang nahihirapan si Mama."
"Hindi mo nga siya pinahihirapan, pinasasama mo lang ang loob niya. Anong pinagkaiba?" at nagsimula na naman siyang maging KUYA. Kadalasan talaga ay mas mukha pa siyang panganay kaysa sa akin. Baka nga sa mga mata ni Mama ay ganoon rin.
YOU ARE READING
Divine Interventions
FantasyA story about a girl who is striving hard for her family. But then everything changed when she helped an old lady. Will she be able to go back?