(Short Story)

52 1 0
                                    

NOONG mga bata pa kaming magkakapatid, madalas naming kulitin ang tatay namin na kuwentuhan kami ng tungkol sa mga katatakutan. Marami kasi siyang nalalamang kuwento tungkol sa mga multo, laman-lupa, aswang, tikbalang at iba-ibang kuwentong-bayan. 

Madalas mangyari iyon tuwing may brown-out at gabi at hindi pa kami dalawin ng antok. Mag-uumpukan na kami noon sa sala, unahan kaming tatlong magkakapatid sa pagtabi sa tatay namin. Sa tanglaw ng nag-iisang kandila, tanging anag-ag lamang ng mukha at seryosong tinig ng aming ama ang buhay sa munti naming kamalayan.

May isang karanasan siyang ikinuwento sa amin na hanggang ngayon, nagdudulot pa rin sa akin ng magkahalong kilabot at lungkot kapag naalala ko.

Pitong taon pa lamang daw ang tatay ko noon. Sa Mindoro pa sila nakatira noon. At pangingisda ang hanapbuhay ng tatay niya (bale si lolo ‘yun) nang mga panahong iyon...

ISANG gabing maliwanag ang buwan ay inilusong nila ang kanilang bangka. Masama ang pakiramdam niya pero sumama pa rin siyang mangisda sa tatay niya.

“Hintayin mo na lang kaya ako sa aplaya, Rudy,” tatawa-tawang sabi ng tatay niya. “Magpahinga ka muna sa mga kubol doon. Mukhang magkakatrangkaso ka. Panay na ang ubo’t bahin mo, e. Nagagambala tuloy ‘yung mga isda.”

“Kaya ‘nyo po bang mag-isa, ‘Tay?” sa pagitan ng pagsinghot at pagbahin ay nasabi niya.

Para ngang sa tatrangkasuhin ang pakiramdam niya. Giniginaw siya pero mainit naman ang katawan niya. Mabuti na nga lamang at naka-jacket siya at sombrero. Kahit papaano’y nababawasan niyon ang nararmadaman niyang lamig.

“Oo naman,” sagot ng tatay niya. “Ihahatid na ita sa aplaya. Tapos, e dine lang ako sa malapit mangingisda para tanaw mo ako. Babalik ako pagkaraan ng isang oras.”

Pumayag na rin siya. Tama ang tatay niya. Wala silang mahuhuling isda kapag naroroon siya sa bangka at nag-iingay. Napakasensitibo pa naman ng mga isda pagdating sa mga ingay. Kaunting kaluskos ay nagagambala ang mga ito.

Kahit papaano’y kinabahan siya nang sumasagwan na papalayo ang ama. Mag-isa lamang siya sa aplaya at napakadilim doon. Hindi sapat ang sikat ng buwan para pagliwanagin ang lugar.

May kalayuan ang kinaroroonan ng mga kubol kaya pinili niyang magtungo na lamang at hintayin ang ama sa mga naglalakihang puno ng niyog na kalapit ng dalampasigan.

Ang gulat niya nang pagsapit sa lilim niyon ay matagpuang may nauna na sa kanya roon.

Batang babae. Nakatalungko at nakatago ang mukha nito sa mga tuhod. Mahaba ang buhok nito at nakaputing damit-pantulog na abot hanggang paa.

Naramdaman nito marahil na may nagmamasid ditto, nag-angat ito ng tingin. Sa tulong ng liwanag ng buwan, nakilala niya ang batang babae.

Si Lisa, ang kaklase niya. Sa kabilang baryo ito nakatira. At ilang araw na rin itong hindi pumapasok sa klase nila.

“Lisa, anong ginagawa mo rito?” tanong niya nang lumapit dito. Kahit nagtataka kung anong ginagawa nito sa ganoong kadilim na lugar sa kalaliman ng gabi ay natuwa pa rin siya dahil may kasama na siya.

“Naglalaro,” wika nitong dumampot ng buhangin at saka isinaboy pabalik sa lupa.

“Mag-isa ka lang? Gabi na, a. Baka hinahanap ka na ni Manang Aida,” banggit niya sa nanay nito na kakilala rin ng tatay niya. “Mapapagalitan ka niyan.”

“Hindi,” kahit nakangiti ay parang malungkot ang anyo nito. Maputla ang itsura nito at walang kakislap-kislap ang mga mata. “Maraming bisita sa bahay. Hindi na mapapansin ng Nanay na wala ako.”

Lalong sumigid ang lamig na nadarama niya nang maupo sa tabi ng kaklase. Kahit giniginaw ay hinubad niya ang suot na jacket at inabot dito. “O. Maginaw.”

“Salamat.” Isinuot naman iyon ni Lisa.

“Bakit nga pala absent ka ng tatlong araw?”

“Nagkasakit ako. Pero bukas, papasok na ako.”

Hindi niya alam kung ano pa ang mga napag-usapan nila. Basta namalayan na lamang niya na papalapit na ang bangka ng tatay niya sa dalampasigan.

“Ayan na pala ang tatay,” wika niya nang tumayo. “Halika, salubungin natin siya at ihahatid ka na namin sa bahay—“

Natigilan siya sa pagsasalita. Ramdam niya ang mahigpit na kapit ni Lisa sa kanyang braso. 

Pakiramdam niya’y ang lamig-lamig ng kamay nito.

“Ibigay mo ito kay nanay,” binuksan nito ang isang palad at tumambad doon ang isang gintong kuwintas. Waring kumislap iyon sa kadiliman. Inilagay nito iyon sa palad niya. “Pakisabi, hindi ko sinasadya.”

“Pero sasamahan ka na naming umuwi—“ saglit niyang nilinga ang ama na ngayo’y itinutulak na ang bangka paahon ng dalampasigan. Pagtingin niya kay Lisa, wala na ito. Nagpalinga-linga siya. Saan na nagpunta ang kaklase? Litong tinakbo niya ang kinaroroonan ng ama.

“Malas, wala akong huli,” iiling-iling na wika ng tatay niya. “O, asan na ang jacket mo? Bakit ‘di mo suot? Lalo kang magkakasakit niyan.”

“Ipinahiram ko po kay Lisa, ‘Tay. Kasama ko po siya kanina dito, e.”

“Sinong Lisa?” usisa ng tatay niya. “’Yung taga-Ibayo na anak ni Aida?” 

“Opo. Kaso, umalis na siya. Naiwan po niya itong kuwintas niya. Sa nanay po yata niya ito.”

“Kuu, gabing-gabi na’y gumagala pa ang batang iyon,” napapalatak ang kanyang ama. “O, e, tenang ibalik ‘yan. Baka mahalaga sa kanila ‘yan. Masilip na rin natin tuloy kung nakauwi na siya.”

MALIWANAG na maliwanag sa bahay nina Lisa pagdating nila. At totoo nga ang sabi nito na marami ngang tao roon.

“Mukhang may handaan kina Aida, a,” sabi ng tatay niya.

Inabutan nilang naghahatid ng bisita si Aling Aida sa tarangkahan. Halatang nagulat ito pagkakita sa kanila. Gayunpama’y nagpilit itong ngumiti.

“Mabuti’t nakadalaw kayo. Ni hindi nga ako nakapag-abiso sa eskuwela—“ natigilan ang matandang babae nang makita ang kuwintas na nakasuot sa kanyang leeg.

“S-saan mo nakita ito?” nangangatal ang boses na anito nang nagmamadaling alisin iyon sa leeg niya. Maging ang mga kamay nito ay nanginginig rin.

“Naiwan ‘yan ng anak mo dito kay Rudy,” ang tatay niya ang sumagot. “Teka, ‘yung anak mo ba’y nandiyan na, ha? Gabing-gabi na’y naabutan pa raw nitong si Rudy na naglalaro sa aplaya. Nakauwi na ba diyan, ha?”

“Manang Aida, sabi po ni Lisa, hindi daw po niya sinasadya,” naalala niyang banggitin ang pinasasabi ng kaklase.

Bigla na lamang nag-iiyak si Aling Aida. Humahagulgol na dinala sila nito sa itaas ng bahay, kung saan sa gitna niyo’y nakalatag ang isang kabaong. Sa ibabaw niyon ay nakapatong ang larawan ni Lisa.

“Napagalitan ko siya,” umiiyak pa ring sabi ni Aling Aida nang hintakot silang magkatinginang mag-ama. “Habang naglalaro siya sa aplaya ay naiwala niya itong kuwintas. Pamana pa ito ng lola niya kaya napakahalaga sa amin. Nang gabi ring iyon, bumalik siya sa aplaya para hanapin ito. Hanggang sa abutan na siya ng malakas na ulan sa paghahanap, pero hindi pa rin niya nakita. Pagkatapos ay ilang araw siyang nilagnat at nanghina. Isinugod namin siya sa ospital pero huli na. Pneumonia raw sabi ng mga duktor.”

Hindi rin sila nagtagal at nagpaalam na rin silang mag-ama kay Aling Aida. Habang naglalakad pauwi ay wala silang kibuang mag-ama pero bawat madidilim na sulok ay panay ang tingin niya. Maging sa pagtulog ay tumabi muna siya ng higa sa mga nakatatandang kapatid. Natatakot kasi siya na baka muling magpakita si Lisa.

Kinabukasan, natuloy ang trangkaso niya. Hindi na siya nakasama sa pangingisda sa tatay niya. Pagbalik ng tatay niya, dala-dala na nito ang kanyang jacket. Nakita raw iyon na nakasampay sa ugat ng mga puno ng niyog sa aplaya.

Simula noon, hindi na siya sumama sa tatay niya na mangisda sa gabi.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Feb 25, 2015 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Ang PakiusapTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon