Rosas ng Busaw
"Agnes, asan na 'yung halaman na hiningi mo roon kay Lydia? Hindi ko na nakikita a."
"Hindi ko na gusto mare, kaya ayun! At binunot ko na."
"Ganun ba? Maganda ang kulay ng mga rosas na iyon, pulang pula. Hindi na nga lang naalagaan ni Lydia simula nung nagkasakit siya."
Rinig ko mula sa aking kinatatayuan ang pag-uusap ng aming mga kapitbahay.
Ang mga rosas na iyon ang pinakapaborito ng aking ina. Subalit hindi na naalagaan simula ng malaman namin ang pagbubuntis ni Mama. Nagkaroon ng maraming komplikasyon kaya pabalik-balik sila sa ospital.
Nang sabihin ni Aling Agnes na aalagaan niya ang mga rosas, pinahintulutan ito ni Papa. Ipinangako rin kasi ng babae na magbibigay siya kapag naparami niya ito.
Nang minsang mapadaan ako sa kanilang bahay, nakita kong nakatanim ang mga iyon sa itim na paso. May tatlong pulang rosas ang kapansin-pansing namumukadkad sa mga iyon. Malaki ang mga iyon at tila dugo ang kulay.
Pagkauwi ko ng araw ding yon, naroon na sa aming tahanan ang aking mga magulang. Mas maayos na ang itsura ng aking ina, hindi na ito masyadong maputla at hindi na matamlay ang kanyang mga mata.
Ang sabi raw ng mga doktor, kailangan na lang ipagpatuloy ni Mama ang pag-inom niya ng niresetang gamot dahil mahira rin ang kapit ng bata sa kanyang sinapupunan, at mas mabuti kung minsan ay naaarawan siya.
Bago ako pumasok ng eskwela kaninang umaga, napansin kong nakatanaw si Aling Agnes sa akin. Hindi ko na lang pinansin at nagpatuloy sa lakad.
Kataka-takang binunot nito ang mga rosas gayong maganda naman ang tubo nito. Nakakalungkot rin na ang mga rosas na inalagaan ng aking ina ay hindi na talaga maisasalba pa.
Nagpatuloy ako sa paglalakad pauwi. Ang pinto ng aming tahanan ay mistulang nakakandado kaya kinuha ko ang susi na itinago namin sa halamanan.
Nang mabuksan ko ang pintuan ay siyang paglabas ni Auntie Nessa sa kanilang bahay. Hawak nito ang kanyang abaniko at nakapamaywang.
"Hija, kamusta ang mama mo?"
"Ang mama ko po?"
"Oo! Ang sabi ng Papa mo'y nagsusuka raw ng dugo. Isinugod nila sa ospital kasama si Kapitan. Akala ko nga'y kasama ka nila."
"Kagagaling ko ho sa eskwela, Auntie."
"Hindi kaya nakulam ang mama mo, hija?"
"Sino naman ho ang mangkukulam sa mama ko, Auntie?"
"Naku, e nagsusuka ng dugo. Ganun ang nangyayari kadalasan sa mga nakukulam."
"Imposible ho iyon. Tatawagan ko na lang po si Papa, Auntie."
Pumasok ako sa loob ng aming tahanan, at nagsimulang magpipipindot sa telepono. Tinawagan ko si Papa at nagtanong kung anong nangyayari.
Maayos na maayos ang aking ina nang umalis ako kaninang umaga. Pero nang tumanghali raw ay nagsimula na itong manghina. Nagsusuka rin daw ito ng tubig. Baka raw dahil lang sa pagbubuntis pero nang maglao'y dugo na raw ang isinusuka niya. Doon na kinabahan si Papa at agad na isinugod siya sa ospital. Kasalukuyan itong ineeksamin ng mga doktor at tiyak na hindi na sila makakauwi.
Balak kong pumunta sa ospital at magdala nang pagkain para sa kanila kaya nang matapos ang tawag ay nagsimula na akong magluto. Nakapaghanda na rin ako ng ilang gamit.
Ngunit nanghina ako sa nakita pagbukas ko ng aming pintuan. Nagkalat ang lupa at basag na paso sa aming terasa. Tanging ang mga rosas lamang ang hiningi ng kapitbahay, kaya imposible ring ang ibang halaman ang nagkalat dahil nasa kani-kanilang puwesto ang mga ito.
Humakbang ako at nakitang mga tangkay ng rosas ang nagkalat. Walang bulaklak ng rosas, at tanging tuyong tinik. Kinalma ko ang sarili dahil maaaring may mga batang naglalaro at ako ang natyempuhan nilang paglaruan.
Tumunog ang telepono ko kaya ibinaba ko muna ang ilang hawak. Nang pindutin ko ito'y siya ring paglabas muli ni Auntie Nessa.
Kinuha ko ang pagkakataon na iyon at nagtanong, "Nakita niyo po ba kung sinong may gawa nito, Auntie?"
Nagtatakang lumapit ito sa aming tahanan. Kunot-noo at nakapamaywang na tinignan nito ang mga kalat.
"Rosas to a?" Pumulot ito ng isang tangkay at sinuri. "Ang mama mo lang ang may rosas dito sa atin. Hindi ba inaalagaan ni Agnes ng mga ito?!"
"Hindi ko ho alam. Sandali po at may text si Papa, Auntie."
Wala na ang mama mo. Hindi maipaliwanag ng mga doktor kung anong nangyari, anak.
Napaupo ako sa nabasa at naluluhang tumingin sa tiyahin.
"Wala na raw si Mama, Auntie."
Napahagulgol ako matapos sabihin ang mga salitang iyon. Mabilis naman itong napayakap sa akin at tila hindi rin makapaniwala sa narinig.
"Umupo ka muna't ikukuha kita ng tubig." Tinawag nito sandali ang mga anak para ayusin ang terasa at nang bumalik ay may dalang baso ng tubig.
Natapos ang gabing iyon na puro iyak at hikbi ang maririnig sa aming tahanan.
"Hindi kaya kinulam si Aling Lydia, mare?"
"Anong taon na, naniniwala ka pa rin sa kulam?"
"E diba nga? Nagsusuka raw ng dugo nung isugod sa ospital?"
"Hindi kaya nagutom na naman si Aling Agnes?"
"Ano bang sinasabi mo dyan?"
Nilingon ko ang mga kababaihang nagtsitsimisan. Ngayon ang pangatlong araw ng burol ni Mama.
Ang sabi-sabi'y kinain daw ng busaw ang dugo ni Mama, kaya siya tuluyang binawian ng buhay.
"Hija, ang sabi'y kinain raw ni Agnes ang mga rosas ng mama mo. Hindi kaya 'yun nga ang dahilan ng pagkawala ng mama mo?" Tanong iyon ng isang kamag-anak namin.
Hindi ako naniniwala sa mga busaw at kulam, pero mahirap baguhin ang akala ng karamihan.
Kinain raw ni Aling Agnes ang mga rosas ni Mama. Ang mga rosas ni Mama. Ang mga oras ni Mama. Kinain daw nito si Mama.
Siya raw ay isang busaw.