Gumagawa ako ng mga ititinda naming matatamis na pagkain bukas para magbabalot na lang kami ni Chiny, ang kababata ko. Ayaw ko na kasing maabala pa si mama tuwing gabi. Masyado na siyang napagod magtinda at magbantay sa store. Si papa naman pagod din mula sa trabaho. Hindi naman ako makakatulong sa store kasi may pasok ako tuwing tanghali hanggang alas syete ng gabi. Sa umaga lang ulit ako nakakatulong para magbalot ng paninda.
Mag-isa lang ako rito sa pagawaan naming kubo nang dumating si Justin.
"Hi." Bati niya. Ngumiti lang ako. Tahimik siyang pumasok at naupo sa gilid, ilang hakbang ang layo mula sa akin. Hindi siya tumutulong dahil alam niyang mas gusto kong ako lang ang gumagawa tuwing ganitong oras. Nakamasid lang siya sa bawat ginagawa ko.
"Bakit?" Tanong ko. Mukhang may kailangan eh.
"Wala naman. Gusto lang kitang samahan." Simpleng sagot niya. Tumango lang ako. Palagi naman niyang ginagawa 'to. Saka simula rin naman pagkabata, palagi rin kaming magkakasama, kaming tatlo ni Chiny. Kaya lang, habang lumalaki, may nagbabago talaga. Kaya 'tong mga kilos niya ngayon, hindi ako sanay. Alam ko rin naman ang dahilan. Pero hindi mawawala 'yong pagkailang.
"Wala ka bang ibang gagawin?" Nilingon ko siya nang hindi siya sumagot. Saka lang siya umiling nang makita niyang nakatingin na ako sa kaniya. Ibinalik ko ang atensyon sa ginagawa ko. "Kaya ko naman na rito. Sana nagpahinga ka na lang." May part time job kasi siya after ng klase niya sa hapon.
Isinalin ko sa lagayan ang ibang nagawa ko.
"Alam mo naman kung bakit eh." Mahinang sabi niya.
Napabuntong-hininga ako. Narinig niya yata kaya pati siya napabuga ng malakas na hangin.
"Umuwi ka na, Justin. Wala ako sa mood mang-reject ngayon."
Binabanggit ko pa lang 'yong salitang reject, may kung anong sumasakit agad sa dibdib ko.
"Ayen," pagtawag niya. Heto na naman at magsisimula na naman siya. Ilang beses ba akong masasaktan pagkatapos niyang banggitin ang pangalan ko? Tumayo siya at lumapit sa akin. "Ayen."
Tiningnan ko siya saglit bago nagpatuloy sa ginagawa ko. "Justin naman---"
"Wala ba talaga?" Tanong niya habang hinuhuli ang atensyon ko. Patuloy lang ako sa aking ginagawa. "Ayen," tawag niya sa akin at mas seryoso na tono ang boses. Doon ko lang siya nilingon ulit. Nakita ko kung paanong may inis sa mga mata niya.
Buntong-hininga.
"Ilang beses na ba kitang pinapatigil?" Tanong ko gamit ang inis na boses. Hindi naman talaga ako naiinis pero gusto ko siyang magalit sa akin. Mas matatanggap ko na lang na isipin niyang masama akong tao para mawala na 'yong nararamdaman niya para sa akin.
"Maraming beses. . ." Halos pabulong niyang sabi.
"Ilang beses mo pa bang kailangan marinig?" Kahit sumusikip na ang dibdib ko sa bawat salitang binibitawan ko, kailangan kong ipagpatuloy.
"Ayen. . ." Namumula na ang mga mata niya. "Bakit--- pero iba 'yong nararamdaman ko tuwing kasama kita. Iba 'yong mga kilos mo kaysa sa mga sinasabi mo. Hindi ako manhid! Masakit man 'yong bawat salitang binibitawan mo tuwing sinasabi mong hindi mo ako gusto, pero 'yong mga pinaparamdam mo sa akin, 'yon 'yong pinanghahawakan ko. Ayen,"
Humakbang siya palapit sa akin at inabot ang kamay ko. Hinawakan nang mahigpit. "Maging totoo ka naman." Halos nagmamakaawa na ang boses niya. Sana nga kaya kong magpakatotoo.
Sa puntong 'to, alam kong hindi ko kakayaning magpigil kung hindi pa siya aalis. Kaya tinanggal ko ang pagkakahawak niya sa kamay ko at umatras. Ito lang ang kaya ko ngayon, ang umatras.
"'Yong pinaparamdam ko sa'yo, bilang kaibigan 'yon. Malamang espesyal ka pa rin sa akin! Alangan namang alisin talaga kita sa buhay ko at hindi na pansinin? Anong tingin mo sa akin? Kakalimutan na lang 'yong pagkakaibigan natin dahil sa gusto mo ako? Malinawan ka nga!" Halos sumisigaw na ako dahil naiinis na rin ako sa sarili ko. Bakit ko ba ginagawa 'to?
Tahimik lang kami pagkatapos. Yumuko ako. Kaunti na lang, alam kong iiyak na ako. Ayaw kong ipakita. Humugot ako ng lakas para magsalita ulit.
"Ito na 'yong huling beses na sasabihin ko sa'yo 'to. Hindi kita gusto. Tumigil ka na." Mariin kong sabi kahit alam ko sa sarili kong hindi naman totoo. "Napakarami ko ring responsibilidad sa buhay para bigyan ka ng pagkakataon. Wala akong oras sa gano'n. At saka para saan pa? Para lang ma-realize mo na kahit anong gawin mo, wala talaga? Ayoko nang dagdagan pa 'yong mga iniisip ko, Justin. At isa pa, hindi talaga magbabago ang isip ko. Kilala mo ako. Kapag ayaw ko, hindi talaga mangyayari." Ang hirap magsinungaling pero totoo namang wala akong oras sa ganitong bagay. Kailangan kong unahin ang pamilya at pag-aaral ko. Ayaw ko namang maghintay siya sa akin. Wala naman kasing kasiguraduhan ang lahat. Mas masasaktan ko lang siya kung wala palang mangyayari sa huli.Nakita ko kung paanong nasaktan at nadismaya siya sa mga sinabi ko.
"Bakit? Sinabi ko ba na magiging responsibilidad mo ako? Sinabi ko bang i-prioritize mo ako? Gusto ko lang ng chance para malaman mo na totoo 'yong nararamdaman ko para sa'yo. Para iparamdam 'yong pagmamahal ko. Hindi ako naghahangad ng malaking bagay. Hindi ko hinihingi na ibuhos mo sa akin lahat ng oras mo. Hindi ako gano'ng tao, hindi ako makasarili dahil alam kong hindi kita pag-aari at may sarili kang buhay---"
"Well, I am! Selfish ako!" Sigaw ko dahil gusto ko nang mapag-isa at umiyak na lang.
Natigilan siya. Halos hindi makahinga mula sa pagsasalita. Halatang pinipigilan niyang mawasak ngayon. Ako rin naman, pero hindi ko p'wedeng ipakita.
"Mas gugustuhin ko pang sarili ko na lang at mga responsibilidad ang mayro'n sa buhay ko kaysa pumasok sa isang relasyon o pagtuunan ng pansin 'yang nararamdaman mo. Ayokong hatiin 'yong atensyon na ibinibigay ko sa mga mahalaga sa buhay ko ngayon. Mahirap bang intindihin 'yon?""Ayen. . . hindi ba ako mahalaga?"
Natigilan ako sa tanong niya. Tinitigan ko siya. Unti-unting may namumuong luha sa mga mata niya na pilit nagpapasakit ng dibdib ko. Bakit ba kasi ngayon pa nangyayari 'to? Ba't hindi na lang sa future? Kung tutuusin, p'wede ko namang padaliin na lang ang lahat. P'wedeng umamin na lang din ako na gusto ko siya, na liligawan niya ako hanggang sa maging handa na ako. P'wede naman pero duwag ako. Isa pa, ni hindi nga ako sigurado. Baka kasi nasanay lang ako sa kaniya kaya hindi ko na alam kung natutuwa lang ba ako sa pagkakaibigan namin o gusto ko na talaga siya. Basta. Magulo. Kaya hindi pa p'wede kung pati ako naguguluhan sa sarili at nararamdaman ko. Hindi niya deserve ng taong hindi sigurado sa kaniya.
Nang hindi ako sumagot sa tanong niya, doon ko nakita na susuko na siya. 'Yong namumuong luha sa mga mata niya, namumuong galit naman para sa sarili ko.
"Fine. I guess this will be the last time." Nagpunas siya ng luhang tumakas sa mata niya. "I just hope that someday, you will not beg for the love that was already gone."
Tinitigan niya ako sa huling beses bago tumalikod. Iyon na rin ang huling beses na nakita ko siya. Huling beses na pinagsisisihan ko.
---
BINABASA MO ANG
Kung Isusulat
Short Story"Kung p'wede ko lang isulat muli. . ." Cover photo: Credits to forsimplicityssake.(https://forsimplicityssake.tumblr.com/post/157101264771/i-took-this-picture-today-and-i-actually-love-how)