Sa Pagitan

17 5 2
                                    

"Huy!" Saka lang ako nakabalik sa reyalidad nang tapikin ako ni Chiny. "Ano na namang iniisip mo?" Tanong niya habang nagbabalot ng mga paninda namin. Ako na kasi ang namamahala ng business namin ngayon dahil sakitin na sina mama at papa, dapat ngayon nagpapahinga na lang sila. At bilang panganay, ako ang unang gagawa nito. Ayoko namang iasa sa mga kapatid ko. Gusto ko maramdaman nilang malaya sila.

"'Wag kang mag-alala. Tutulungan kitang magtinda. Saka may orders naman 'yong officemates ko. 'Wag ka nang mag-alala sa kita niyo."

Nginitian ko lang si Chiny. Laking pasalamat ko na rin na tinutulungan niya ako. Ang tagal na rin kasi ng business namin. Naka-graduate na ako't lahat, pare-pareho lang ang tinda at kita namin. Wala naman sanang kaso, pero nagmamahal na kasi ang mga bilihin. Hindi p'wedeng ganito na lang palagi. Kahit may trabaho na 'yong dalawa kong kapatid, may sarili silang buhay na binubuo. Ayaw ko silang hadlangan.

"Saka makakahanap ka rin ng trabaho. Tiwala lang. Magaling ka kaya!" Pilit pinapalakas ni Chiny ang loob ko.

Isa pang problem ang trabaho na 'yan. Ewan ko ba kung anong hinahanap nila. Apat na taon kong pinag-aralan sa kolehiyo pero ngayon, halos tatlong taon na akong naghahanap, wala pa rin. May tatlong beses siguro, pero tinatanggal agad ako dahil may nakuha raw silang mas magaling. May favoritism talaga ang buhay. Kailan ko ba mararanasan na wala akong dapat patunayan? Buong buhay ko, palagi ko na lang pinapatunayan na malakas ako, na makakaya ko, kahit 'yong mga desisyon na alam kong pagsisisihan ko, pinapatunayan ko na kaya kong panindigan.

Lumipas ang mga araw na pare-pareho lang ang nangyayari maliban sa araw na 'to. Uuwi na raw si Justin mula sa New Zealand. Iniimbitahan ako ng mama niya para sa welcoming party sa isang beach malapit dito. Hindi ko alam kung pupunta ako. Hindi ko maiiwan 'tong store at sina mama. 'Wag na lang siguro.

"Anak, pumunta ka na."

Sabi ni mama nang nasa kusina ako para ihanda ang hapunan namin. Umiling ako sa sinabi niya.

"Wala kayong kasama, ma. Saka paano 'yong store?" Pumunta ako sa kalan para magsalang ng kawali.

"Sabado't Linggo naman, anak. Nandito ang mga kapatid mo. Kaya na nila kaming tulungan ni papa mo." Hindi ako sumagot o lumingon man lang kay mama.

"Anak," lumapit si mama at kumapit sa balikat ko. Hinintay ko lang kung anong sasabihin niya. "Hayaan mo naman ang sarili mong magsaya. 'Wag kang mag-alala sa amin. Kaya namin ng mga kapatid mo 'yong dalawang araw na 'yon." Tinapik-tapik niya ang balikat ko bago umalis at nagtungo sa sala. Napabuntong-hininga ako.

Bakit nga ba pinipigilan ko masyado ang sarili ko? Alam kong nandiyan naman ang mga kapatid ko. May trabaho na rin naman 'yong dalawang sumunod sa akin at ga-graduate na 'yong bunso. Masyado akong nag-aalala. Pero baka natatakot lang akong makita si Justin kaya gumagawa ako ng maraming dahilan para hindi pumunta.

"Psst, ate!" Napalingon ako sa pagtawag ng bunso namin. "Tama si mama. Go na! Tsk! Hina naman namin sa'yo, akala mo ba pabaya kami? Pinalaki niyo kaya kami nang tama." Kumindat pa siya bago umalis. Nakangiti akong naiiling.

Kung ganito ang suporta nila, talagang pupunta na ako. Kaya naman nang dumating ang araw ng Sabado, sinundo ako ni Chiny at sabay nagpunta sa beach. Nandoon ang mga pamilya niya at ilan sa malapit na kapitbahay namin.

"Ayen! Mabuti naman dumating ka. Akala ko talaga hindi ka mapipilit ng mama mo." Niyakap ako ng mama ni Justin.

"Kinausap niyo po si mama?" Nagtatakang tanong ko.

"Ay oo. Nabalitaan ko kasi rito kay Chiny na ayaw mo raw. Kaya ipinadaan ko sa mama mo. O, siya, pasok na kayo." Iniwan niya rin kami para mag-asikaso sa party.

Tiningnan ko naman si Chiny na mukhang naiilang dahil sa nalaman ko. "Sorry, gusto ko lang talaga na nandito ka. Saka kababata natin si Justin, grabe naman kung wala tayo rito." Tumango lang ako. May point naman siya.

Nang dumating ang oras ng pagdating ni Justin, para akong nauubusan ng oxygen sa katawan. Nanlalamig ang mga kamay ko. Hindi ko alam kung anong magiging reaksyon niya kapag nakita niya ako rito. Baka kasi mamaya, ayaw niya pa rin akong makita. Matapos kasi ng araw na 'yon, iniiwasan na niya ako. Kahit no'ng umalis siya papuntang New Zealand, hindi man lang nagpaalam. Magtatampo sana ako pero wala, tinanggap ko na lang. Nasaktan ko siya eh. Pero hindi lang naman kasi siya 'yong nasaktan. Gusto kong sabihin na nasasaktan pa rin ako ngayon.

Nang sumigaw ng "Welcome home, Justin!" ang lahat, ako natuod lang sa kinatatayuan ko. Nakatingin lang ako sa kaniya. 'Yong puso ko hindi magkamayaw sa pagtibok. Hindi ko nga alam kung humihinga pa ba ako. Ngayon na lang ulit. Ngayon ko na lang nakita 'yong mukha niya, 'yong pagngiti niya, ngayon ko na lang ulit naramdaman 'yong presensya niya. Ganito pala ang pakiramdam kapag ngayon mo na lang ulit nakita 'yong taong matagal mong hinanap-hanap. Gusto mo lang siyang titigan at siguraduhin kung totoo bang nandito na siya.

Nang magtama ang paningin namin, hinihintay kong may magbago sa emosyon ng mukha niya pero wala. Bahagya lang siyang tumango tapos niyakap na 'yong pamilya niya. Mukhang okay na siya. Mukhang wala siyang galit o hinanakit sa akin.

Mukhang sa huli, ako nga 'yong magmamakaawa para sa pagmamahal na wala na. Siguro, kung isusulat ko ulit ang istorya namin, doon mas matapang at totoo ako. Doon, ipaglalaban ko kung ano ba talaga 'yong gusto ko sa buhay at hindi ikakahon ang sarili sa mga bagay na hindi naman talaga hadlang. 'Yong masasabi ko na mahal ko rin siya, 'yong hindi ako maduduwag. Kung p'wede ko lang isulat muli. . .

---

Kung IsusulatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon