"HANGGANG ngayon ba naman ay nag-aaral ka pa rin? Baka ma-perfect mo na ang exams natin n'yan, ah," tudyo ni Reeco kay Sharmelle nang matigil ito sa pagguhit ng kung anu-ano sa xerox copy nito.
Abala si Sharmelle sa pag-aaral ng isang partikular na paksa na hindi niya naintindihan noong huling turo sa kanila. Magkakaroon pa naman sila ng pagsusulit ngayon. Masyado kasing mabilis ang pagtuturo noon ng kanilang propesor kaya minabuti niyang pag-aralan nalang muli ito sa bahay. Ngunit hindi naman niya ito nagawa dahil nakatulog siya agad sa sobrang pagod nang nagdaang araw kaya ngayon ay sa library niya ipanagpatuloy ang pagbabasa na kanina pa niya ginagawa.
"Tapos na ako. Binabalikan ko nalang yung mga naka-highlight," tugon niya kay Reeco. "Ikaw ba, nag-aral ka na? Petiks ka nalang kasi riyan, eh."
"Oo naman!" may sumita rito nang bigla nitong napalakas ang boses. "Medyo lang," pabulong na habol nito sabay ngisi.
"Ang Xerox copy kasi ay ginagamit para basahin, hindi para drawing-an ng kung anu-anong malalaki ang mata," sabi ni Roanne na ang tinutukoy ay ang mga nakaguhit na nilalang sa Xerox nito.
"Anime 'to kaya ganyan talaga ang mata nila. 'Di ba, Cerene?" inilahad nito kay Cerene ang ginawa. Mataman naman nitong tiningnan ang nakaguhit sa papel na wari ay kinikilatis talaga kung totoo ang sinasabi ni Reeco.
"Mukha siyang alien na may hydrocephalus para sa akin," seryosong sabi ni Cerene na agad naman nitong binawi. "Joke!"
"Kasi nga chibi sila. They are supposed to be big-headed that will make them even cuter. Akala ko pa naman mage-gets mo kasi Otaku ka rin," napabusangot ito. Mayamaya'y kinalabit naman nito si Marylaine. "Marylaine, inaaway nila ako."
Nagaayos naman ito ng mga gamit. "Malapit nang mag-time. Umakyat na tayo sa room natin," sabi nito na hindi man lang pinansin ang pasaring ni Reeco. Sabay-sabay silang tumayo at naghanda para lumabas ng library nang bigla ulit maglitanya si Reeco.
"Sige ganyan kayo. Wala kayong flowers sa akin sa Valentines Day," pagbabanta ni Reeco.
"May cookies ba?" tanong ni Marylaine.
"Mayroon sana kaya lang-"
"Kayo talaga. Bakit ninyo inaaway si Reeco? Wala tuloy kayong cookies-este, flowers sa Valentine's day," sabi ni Marylaine na agad namang ginatungan ni Roanne.
"Sus! Wala ka ngang binigay sa amin last year."
"Wala kang cookies!"
"'Eto naman, hindi na mabiro," bawi nito. Nagtawanan naman silang magkakaibigan nang makalabas sila ng library at ngayon ay paakyat na sila ng hagdan. Simula noong pumasok si Sharmelle sa kolehiyo ay ito na ang mga nakasama niya. Noong una ay si Roanne lang ang lagi niyang kasama. Naging ka-close niya ito noong maging seatmate niya ito sa isang subject. Free section kasi sila noong unang semester nila sa kolehiyo at ito lang ang nagtangkang kumausap sa kanya nang manghiram ito ng ballpen sa kanya. Simula noon ay patuloy na silang nagkakausap at naghihiraman ng mga gamit hanggang sa naging magkaibigan na sila. Hindi kasi siya palakaibigan noon dahil nahihiya siyang makipag-usap. Pero dahil sa consistent na kadaldalan ni Roanne ay natutunan niya na rin na makisabay rito.
Nang pumasok ang sumunod na semester ay naging block section na sila. Nagkasama-sama na ang mga estudyante ng Accountancy na kurso na kanilang kinuha. Dito naman niya nakilala sina Reeco, Marylaine at Cerene na ayon sa mga ito ay magkakaibigan na noong high school pa lang. Naging malapit naman siya sa mga ito dahil kay Roanne na napag-alaman niya na kapareho pala ng mga ito noon ng High School na pinasukan. Natutuwa naman siya na nakilala niya ang mga ito dahil masasabi niyang nagkaroon siya ng circle of friends na wala siya noon. Kahit na nga minsan, o madalas, ay may pagka-kalog ang mga ito lalo na si Reeco. Ngayon nga at kahit na malapit na silang magsipagtapos sa kolehiyo ay magkakasama pa rin sila.
BINABASA MO ANG
The SRMRC Series 1: Sharmelle [ON-HOLD]
RomanceHindi maikaila sa sarili ni Sharmelle Nevilla ang lihim na paghanga niya kay Donovon Gutierrez nang minsang tumingin ito sa kanya at ngumiti. Hindi mawala sa isip niya ang ginawi ng binata hanggang sa makauwi siya sa kanilang tahanan. Ngunit nagulo...