Endings are not always bad. Most times they're just beginnings in disguise.
- Kim Harrison
Masaya ang pagtatapos sa pag-aaral. Bawat pagtatapos sa iyong pag-aaral ay sumisimbolo ng isang panibagong pagkakataon at maaliwalas na bukas, ngunit minsan sa pagtatapos ay kalakip ang mga luha sapagkat sa pagkatapos ng isang yugto sa ating buhay, ay kaakibat nito ang pagwawalay ng landas ng mga taong naging parte na rin ng iyong paglalakbay.
Masaklap mawalay sa mga kaibigan mo sa eskwela. Sila kasi yung mga taong kasama mo sa bawat tagumpay at sakit na dumating sa iyo habang kayo'y magkasama sa loob ng paaralan. Sila ang mga saksi sa paghubog mo ng iyong sarili. Kasama mo sila noong unang tumibok ang iyong puso, at kasama mo rin sila sa unang pagkadurog ng iyong damdamin.
Bawat asaran at kalokohan ay nakakintal pa rin sa aking isipan kahit isang dekada na ang nakakaraan. Bawat pagmamaktol, bawat tsismisan, bawat halakhakan ay sariwa pa sa aking alaala na tila ba'y nangyari lamang ang lahat kahapon.
Ika nga ni Kim Harrison, "Endings are not always bad. Most times they're just beginnings in disguise." Bawat pagtatapos ay isang pasimula – isang simula ng mga bagong bagay sa ating buhay.
+++++++++
January 10, 2021.
Isang petsang kailanman ay tatatak sa aking buhay. Isang petsa na sana'y di na dumating pa. Isang petsang aking kinasusuklaman.
Araw yaon ng kamatayan ng aking abuelo. Sa dalawampu't pitong taon ng aking buhay ay lagi siyang naririyan upang alalayan kaming kanyang mga inapo sa pagtahak namin sa landas na aming pinili. Lagi siyang naririyan upang magkwento tungkol sa mga aswang, kapre, tikbalang, duwende, at mga pangyayari sa kanyang buhay noong siya'y malakas at bata pa.
Isa sa bonding naming noon ako'y maliit pa lamang (P.S. di po ako lumaki) ay ang pagsampa ko sa duyan tuwing siya ay nagpapahinga upang magpakwento tungkol kina pagong at matsing o dili kaya ay ang karerahan nina pagong at kuneho. Minsan kanyang kinukwento ang alamat ng makahiya, ng pinya, ng lansones, o ng mga kwento ukol kay Mariang Sinukuan at Bernardo Caprio. Sa murang edad ay ibinukas niya ang aking imahinasyon sa malawak na literatura ng ating bayan.
Sa kanya ko natutuhan ang pagiging makabayan. Sa kanya ko rin natutuhan ang pagluluto ng pinakbet. At higit sa lahat sa kanya ko natutuhan na maging mapagsumikap upang maabot ko ang aking mga mithiin sa buhay.
Sa kanyang pagpanaw ay maraming luha ang pumatak. Maraming puso ang nadurog. Marami ang nangulila. Ngunit sa kabila ng pighati at lambong ng kalungkutan, ay isang ngiti ang sumilay sa aming puso't isipan sapagkat sa wakas ay natapos na rin niya ang kanyang takbuhin at pagdurusa.
Sa paglisan niya ay sumibol ang panibagong yugto sa aming buhay. Isang panibagong pagbibigkis ng mga layunin ng bawat miyembro ng aming pamilya. At sa isang linggong pagkakaburol ay doon ko nasaksihan ang kabutihang kanyang ginawa noong siya'y malakas at bata pa.
Sa gabi-gabing paglalamay ay napakaraming tao ang dumagsa --- lahat sila ay iisa ang bukambibig --- mabait at matulungin ang aking abuelo sa kanyang kapwa. Ito ay isang bahagi ng kanyang pagkatao na di namin nasaksihan noong siya'y kapiling pa namin.
Madalas, ang galit at aborido niyang anyo ang pumapaibabaw sa aking alaala sa tuwing sumisiksik sa aking balintataw ang mahal kong abuelo. Hirap at pasakit ang naranasan niya sa dapit-hapon ng kaniyang buhay. Naging isa siyang inutil na maski ang paglakad ay nangangailangan na ng tungkod upang di matumba sa kanyang paghakbang.
Nakakaawa.
Sayang.
Ang kanyang lakas at kakisigan ay matagal ng nawala sa kanyang katawan, tanging buto't balat na lamang ang itinira ng panahon --- isang uri ng pangangatawan na madaling kapitan ng sakit. Sa kanyang pagtanda, ay unti-unting nauunawaan na ang dinaranas niya ay amin ring sasapitin pagdating ng araw.
Ang maitim at kulubot niyang balat ang siyang paalala sa amin na siya'y di natakot na magbatak ng dugo't pawis upang itaguyod ang pamilyang kanyang binuo. Di niya alintana ang init ng araw, ang lamig ng gabi, at ang mga walang-tulugang pagbibyahe sa iba't ibang lugar sapagkat nais niya na ang kanyang mga inakay ay makatapos ng kanilang pag-aaral. Katuwang ng aming abuela, iginapang nila ang pag-aaral ng tatlo nilang supling...
Naigapang nga nila...
...ngunit...
...ngunit...
..NGUNIT...
...kaginhawaang inaasam na maibigay ng kanyang mga anak ay di nakamit sapagkat sa pag-aasawa ng tatlo ay ang pagsasarili nila at pag-uumpisa ng isang takbuhing tulad sa pinagdaanan ng kanilang mga magulang...
Malalim na ang gabi. Samu't saring nilalang ng dilim ang nagsisilabasan upang maghasik ng takot at pangamba sa puso ng bawat isa ngunit sa aming tahanan, ang hiwaga ay matagal nang namayapa kasama ng pagkalagot ng KANIYANG hininga...
BINABASA MO ANG
Malediction: Hudyat ng Pagtatapos
HorrorLahat ay may umpisa at lahat ay mayroong pagtatapos. Tayo'y ipinanganak upang mabuhay, at tayo rin ay nabubuhay upang sa bandang huli'y tayo ay mamamatay. Ang bawat nakikita sa daigdig na ating ginagalawan ay may umpisa at pagtatapos gaya ng nobelan...