CHAPTER 1

7 1 0
                                    

"ALAM kong mahal mo pa rin ako. Bumalik ka na sa akin, please."

"Mahal pa rin kita."

Niyakap ni Ricky si Pauline pagkasabi ng dalaga ng tunay na nilalaman ng puso nito.

Kasabay ng pagganti ni Pauline ng yakap sa binata, pumatak ang kanina pa nangingilid na mga luha ni Renzo habang nakatanaw siya sa mga ito mula sa di-kalayuan. Parang naririnig din niya ang tahimik na pag-iyak ng puso niya sa pagitan ng bawat malungkot na tibok niyon.

Tumalikod siya. Bumaba mula sa ikaapat at huling palapag ng gusali ng College of Engineering and Architecture. Ayaw na niyang makita pa ang susunod na mangyayari. Ngunit nakikita niya sa kaniyang imahinasyon ang paglapat ng mga labi ni Ricky sa mga labi ni Pauline o naunang inilapat ni Pauline ang mga labi nito sa mga labi ni Ricky. Walang tao sa palapag na iyon ng gusali kaya malaya ang mga ito sa anumang gustong gawin ng mga ito.

Sabado nang araw na iyon. Kahit walang klase, tumungo siya sa pinapasukang pamantasan, sa Benjamin Lazaro University, para mag-shoot ng short film bilang final project nila sa isang minor subject. Kukunan na sana nila ang huling eksena pero hindi nila makita ang lead actress. Nang mahanap niya, napahinto siya mula sa di-kalayuan at tahimik na tinanaw ito habang may kaeksenang iba, na dapat ay siya. Magaling ang mga ito. Nadala siya sa epektibong pagganap ng mga ito. Gusto niyang sumigaw ng "Cut!" pero hindi siya ang direktor. Higit sa lahat, alam niyang hindi iyon shooting. Totoo ang eksenang iyon, ang masakit na eksenang iyon.

Girlfriend niya si Pauline. At sa napanood na 'eksena' niya nalaman na ang kaklase at kagrupo nilang si Ricky ay ex-boyfriend nito, na boyfriend na ulit nito.

Kasimbigat ng nararamdaman niya ang kaniyang mga hakbang. Napahinto siya pagdating sa ikalawang baitang ng ikalawang set ng hagdan pababa sa ikalawang palapag ng gusali. Idinikit niya ang palad ng isang kamay niya sa pader samantalang ang isa ay nakahawak sa kaniyang sentido. Ikinuyom niya iyon kapagkuwan at marahang itinambol sa dibdib, kasabay ng sunod-sunod na pagbuga ng hangin. "Bakit?" sambit niya.

Patuloy sa pag-agos ang kaniyang mga luha. Hanggang sa napahagulgol siya. "Bakit?" muli niyang sambit. Paulit-ulit. Palakas nang palakas.

Nabigla siya nang inangat niya ang mukha. May isang binatang nakatingin sa kaniya. Seryoso ito. Hindi niya mabasa sa itsura nito kung naaawa, naiinis, masaya, o malungkot ito sa nasaksihan. Pokerfaced kasi ito. Pero may itsura. Oo na, magandang lalaki ito.

Pinunasan niya ang kaniyang mga luha. Kumalma. "K-Kanina ka pa riyan?"

"Ngayon lang. Ano'ng nangyari sa 'yo?"

Nilawakan niya ang pagngiti. "W-Wala. N-Nagpa-practice lang para sa ite-take naming eksena para sa short film." Tumawa siya.

Seryoso pa rin ito. "Ano'ng nakatatawa?"

Suplado naman nito! aniya sa isip.

"Teka, saan ka pupunta?" pigil niya rito nang maglakad ito patungo sa itaas.

"Hindi mo ba nakikitang paakyat ako?"

Suplado talaga!

"Ang ibig kong sabihin, ano'ng gagawin mo sa 'taas?"

"Ano ba'ng pakialam mo?"

"Bakit ba ang suplado mo?" Hindi na niya napigilan ang sariling sabihin ang kanina pa niya nababanggit sa isip na paglalarawan tungkol dito.

Walang lingon-lingong nagpatuloy ito sa paghakbang paakyat sa hagdan. Hinayaan na niya ito. Humakbang na rin siya paibaba.

"Mas mabuti ngang hindi ka sumagot. Dahil baka hindi ko pa magustuhan at makakatikim ka ng sapak." Isinuntok niya ang kamao sa palad.

Better TogetherTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon