KABANATA III: Ang Pinag-ugatan Ng Lahat

41 8 0
                                    

KABANATA III: Ang Pinag-ugatan Ng Lahat

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

KABANATA III: Ang Pinag-ugatan Ng Lahat


Gayunpaman, sa gitna ng kanilang away mag-ina, may isang estranghero ang kanina pang nagmamasid at nakadungaw mula sa hindi kalayuan. Nasaksihan at narinig lahat ng misteryosong bisitang ito ang naging pagtatalo ng dalawa, ito ay nakasuot ng luma at gula-gulanit na kamiseta, mahaba at nakalugay na puting buhok, buto't balat ang pangangatawan at kapansin-pansin rin ang madumi at nakasusulasok na amoy nito.

Ang hindi inaasahang tagapakinig ay walang iba kung hindi ang siyang pinag-ugatan ng pagtatalo ni Karding at ng kaniyang Ina na si Kristina. 

Tahimik man itong nakikinig sa sulok, bakas sa kaniyang mukha ang labis na pagkalungkot sa kaniyang nasubaybayan, noong gabing iyon, hindi niya man narinig nang lubusan at tanging mga anino lamang ang kaniyang naaninag, naging malinaw sa kaniya ang lahat.

Hindi na nito napigilan ang sarili at kahit na hirap ito sa paglalakad, pinilit nitong i-abante man lang ang kaniyang mga paa at subukang pigilan ang sagutan na noo'y nagaganap. 

Sa kasamaang palad, hindi siya nagtagumpay na maabot man lang ang kahit sino sa dalawa at malakas na bumagsak ang matanda at kumalabog ang kaawa-awang katawan nito sa mismong paanan ng mag-ina na siyang nagpatigil at ikinagulat ng dalawa.

"Tama na away..., 'wag na away..," pagmamakaawa ng matanda habang tangan-tangan ang kaniyang tungkod at mahigpit na nakahawak sa mga paa ng kaniyang anak na si Kristina. Nabigla si Karding at maging ang kaniyang Ina sa biglang pagsulpot ng matanda.

"Susmaryosep, 'Tay ano bang ginagawa ninyo riyan?! Karding, tulungan mo nga akong itayo ang Lolo mo!" pag-aalalang sambit ni Kristina habang tinutulungan ang kaniyang Ama na tumayo mula sa pagkakabagsak.

Agad namang kumilos si Karding at tinulungan ang Ina at itinayo nang pa-unti-unti ang kaniyang Lolo na ngayo'y tulala at namumugto ang mga mata. Mabilis namang kumuha si Kristina ng tubig na maiinom at laking pasasalamat ng mag-ina na walang sugat na natamo ang matanda sa nangyaring trahedya.

"Ano ka ba naman, 'Tay? Diba lagi kitang pinapa-alahanan na kung lalabas ka man ng silid ay lagi kang magpatulong sa amin ni Karding? Alam mo naman na mahina na rin yang mga kasu-kasuan mo at baka mapano ka pa?.."

"Paano na lang kung hindi kami ang nadatnan mo at wala pong tumulong sa inyo?" ani ni Kristina

Walang imik na tumango ang matanda at inutusan naman si Karding na dalhin ito pabalik sa kaniyang silid upang magpahinga.

"'Lo, makinig ka na lang po kay Inay, 'wag na po matigas ang ulo" dagdag naman ni Karding habang akay-akay ang matanda pabalik sa kwarto nito.

Ngunit lingid sa kanilang kaalaman, maliban sa mga nakabibinging mga bulyaw, nakaririnding mga yapak at walang pakundangang pamimilit ng kaniyang apo gabi-gabi, halos gabi-gabi rin nito napakikinggan ang nagiging usapan at kung minsa'y nauuwi sa matinding sagutan ng mag-ina, at dahil dito halos gabi-gabi ring nadudurog ang kaniyang puso sa nasasagap ng kaniyang mga tainga.

Masakit at mahirap man lunukin, alam at batid niya sa kaniyang sarili na habang tumatagal, siya ay unti-unting nagiging palamunin at pabigat na lamang sa kaniyang pamilya.

Na ang dating takbuhan ng lahat ay ngayo'y hindi man lang kayang itayo ang kaniyang sarili mula sa pagkakabagsak, at ang lolo na tinitingala at iniidolo mismo ng kaniyang apong si Karding ay ngayo'y lantang gulay na nakahilata at nakabalandra ang mismong katawan nito sa harap ng kaniyang apo.

Habang dahan-dahang inaalalayan ni Karding ang bawat hakbang ng kaniyang Lolo Pilo pabalik sa silid nito, ang matandang gusgusin na kanina'y walang imik ay biglang nagpakawala ng mga impit at tunog ng pagtutol na siyang ikinabahala ng binata. 

Hindi ito mapakali at ang mga mata nito ay nanlalaki sa takot at nakatitig lamang sa mismong pinto ng kaniyang silid. Bagama't kinabahan ang kaniyang apo sa kaniyang inaasal, nanatili itong kalmado at hindi inintindi ang kakaibang kilos ng kaniyang Lolo. 

At nang sila ay nasa mismong harap na ng pinto, biglang nanigas at napahinto sa kinatatayuan nito ang matanda, saksi si Karding sa kung paano nabalutan ng matinding takot ang kaniyang Lolo noong mga oras na iyon.

"A-aayoko rito, 'di ligtas lolo rito...andito na sila.." ani ng matanda na noo'y naliligo na sa sariling pawis habang takot na takot na nakakapit kay Karding.

ipagpapatuloy...


Hango sa mga sulat at titik ni:

M.A. Yazar


Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jul 05, 2021 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

'Lo, Kain NaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon