"Kape"

22 0 0
                                    

Araw-araw, sa tuwing sumasapit ang hapon, gamit ang iyong maamong mukha, ako'y lagi mong inaaya upang pumunta sa karihan, hindi para magka-oras tayong dalawa, kundi upang hindi ka lamang magmukhang malungkot habang pinagmamasdan ang babaeng iyong napupusuan na nakaupo sa bangko nang parke sa hindi kalayuan.

Kumikislap ang iyong mga mata at napakalaki ng iyong ngiti sa tuwing siya ay nakikita, nagpapahiwatig na siya ay gusto mong tunay.

Araw-araw, hawak ang kapeng pinili ko, pagtatawanan ko ang ekspresyon mo bago balingan nang tingin ang babaeng gusto mo, na halata namang gusto ka rin dahil sa nakaw nitong mga pagtingin na maaaring akala mo ay nagbabasa lamang ito nang paborito nitong libro.

Tunay na ako'y napapangiti sa mga nakakatuwang kilos na inyong ipinapakita, ngunit agad din naman itong nawawala sa aking pagyuko.

Kagat ang pang-ibabang labi upang pigilan ang luhang nagbabadiyang tumulo, hindi ko magawang hindi mapaisip na ako'y tunay na masaya para sa iyo, ngunit hindi ba pwedeng ako na lang ang gustuhin mo?

Hindi ba pwedeng para sa akin na lang ang iyong kumikislap na mga mata habang inaalala siya? Ang iyong malaking pagngiti habang pinagmamasdan siya? Hindi ba pwedeng sa akin na lang ituon ang atensyon at nararamdaman na para sa kaniya?

Araw-araw, habang nakayuko at tinititigan ang aking kape, hindi ko magawang hindi itanong sa aking sarili na ako naman ang iyong laging kasama at katuwang, ngunit bakit siya ang napusuan?

Mapait, gaya ng lasa ng kape na araw-araw kong pinipili akong napapangiti at napapabuntong hininga sabay bitaw sa isip ko ng mga katagang,

"Pare, mahal kita."

Ngunit kailangan kong tanggapin na wala akong laban sa kaniya. Kailangan tanggapin ang katotohanan na hindi mo ako matitignan sa paraang gusto ko.

Kailangan tanggapin ang lahat upang kahit hindi man ako ang gusto mo...

Ay makakapanatili pa rin sa tabi mo.

Mapait,

Ang aking nararamdaman katulad ng kapeng pinipili ko sa bawat araw.

KapeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon