Jose kamusta ka na? Ako 'to si Maria. Naalala mo pa ba nung mga bata pa tayo sabay pa tayong naglalaro ng paborito nating tagu-taguan at langit lupa. Hindi rin tayo nagpapahuli kayla Juanito sa pagalingan manghuli ng mga tipaklong. Napakasayang balikan hindi ba? Napakasayang muling ikwento ang umpisa nating dalawa, sa kung papano nagsimula.
Naalala mo pa ba nung tayo'y nagkasal kasalan. Sinuot ko ang paborito mong bestidang puti, dala ang bugkos ng santan at ang aking manika bilang saksi ng ating pagiisa. Kahit bungi pinilit kong ngumiti nang pagkalakilaki habang naglalakad patungo sa munting altar.
Dahil noong panahon na yun hindi pa importante ang mukha o suot 'ko ang mahalaga andon ka't naghihintay sa dulo.
Nakangiti na tila ako ang pinakamagandang babae na nasilayan mo.
Kahit ilang beses pang na-hanger ni nanay kakasuot ng bestidang puti inaalala ko ang sumpaan natin sa hangin habang papalubog ang araw. Na sa ating paglaki pagtingin mo'y di magbabago. Na sa dulo pipiliin mo paring hintayin ako sa altar.
Lumipas ang araw, nagkolehiyo't nagkatrabaho at ngayon usapang pagpakasal.
Sinalubong ako ng tingin mo habang naglalakad sa altar. Hindi ko napigilang lumuha nang makita kitang emosyonal.
Natupad nga ang pangako mo na sa dulo ng altar ika'y maghihintay.
Habang papalapit ako ng papalit sa wakas, wala akong ibang nasa isip kundi, salamat mahal.
Salamat Mahal at nakikita kitang masaya.
Salamat Mahal sa pagtupad mo sa sinumpaang pangako.
Sumilay ang ngiti mo't pinasalamatan ako. Tumugon din ako na masaya ako.
Pag-alis ko sa gitna sumalubong ang babaeng papakasalan mo.Mahal, hindi ako.
Hindi ako ang babaeng hinarap mo sa altar pero masaya ako. Dahil kahit hindi man ako ang babaeng pinakasalan mo ikaw parin ang batang Jose na nangako na sa dulo ng altar ako'y sasalubungin mo.
Mahal pa din kita, Jose ko.
Nagmamahal,
Maria.