Pinili ko ng gumising mula sa panaginip na aking kinahumalingan. Panaginip kung saan may tayong dalawa. Masaya at magkahawak ang kamay, pinagbigkis ng 'mahal kita' at mga matatamis na salita. Sa panaginip kong yon, ilang beses mo akong iniwang nakapikit. Pikit sa mga dahilan kung bakit dapat akong gumising. Pikit, upang di makita ang ilang beses mong paglisan maging ang iyong pagbabalik. Lumipas ang ilang araw, pinili kong pumikit. Pinili kita.
Pinili kita hanggang sa hindi ko na kaya.
Hindi ko na kaya, hindi ko na kayang maiwan at mag intay sa walang kasiguraduhan. Hindi ko na kayang sayangin ang aking mga luha, hindi ko na kayang masaktan sa walang kasiguraduhan. Kasi isa lang naman ang naging sigurado sa panaginip na ito, minahal kita.
Minahal kita, hanggang sa naubos na'ko.
Naubos ako, hindi ko na kayang pumikit. Napagod? Oo. Hindi sa lahat ng oras, kakayanin kong pumikit. Hindi ako tanga. Ayokong nagiging tanga. Nasanay ka atang narito ako lagi na sayo'y naghihintay. Nasanay ka, hanggang sa naging abusado ka na.
Gising na'ko, hindi na'ko tanga.
Pinili ko ng gumising, pinili ko ng bumitaw. Pinipili ko na yung sarili ko. Hindi na'ko tanga. Natauhan na'ko at di na nanaising managinip muli.