ika-anim

47 8 8
                                    

Napag-alaman kong ang kanyang buong pangalan ay Orlando Beltran. Andoy kung tawagin siya ng mga tao. Isa siya sa mahigit tatlong-daang sundalong nagmula pa sa Luzon. Sa tingin ko ay isa lamang siyang baguhan dahil sa itsura niya ay mahihinuha ng kahit sino na ang kanyang edad ay nasa labing-walo hanggang bente-tres anyos lamang. Isa sa pinaka batang sundalo na naitalaga sa lugar namin.

Tahimik man ang pamumuhay sa araw-araw, hindi naman lingid sa kaalaman ng mga tao sa aming bayan na maraming rebelde ang umaali-aligid. Kung minsan pa nga ay nakikitira ang ilan sa kanilang mga miyembro sa kabayanan, nagmamanman sa bawat kilos ng pwersang militar.

Gayunpaman, pakiramdam ko ay ligtas kami palagi dahil araw-araw kung mag-ikot ang mga sundalo. Sinisuguro ang kapayapaan.

At kapag nagpapatrol na sina kuya Andoy at tumitigil sila sa amin ay labis-labis ang aking kasiyahan. Ewan ko ba, pero sa tuwing nakikita ko siya at nginingitian niya ako ay palagi kong naririnig ang malalakas na tambol at nag-iinit ang aking mukha.

Kung minsan ay nakikipaglaro si kuya Andoy sa aking mga kapatid na lalake. Tinuturuan niya ang mga ito kunwari ng basic training ng isang sundalo. Syempre hindi kasali ang pag-hawak ng armas. Minsan ay nilalaro rin niya kung anong nilalaro ng mga bata, basta lang may mapaglibangan siya at napapasaya niya ang mga ito.

Kahit nakamasid lang ako sa kanila ay naaliw parin ako. At hinding-hindi ako nagsasawang pagmasdan siya.

Kahit sina Ima at Papang ay naaaliw sa kanyang masayahin at medyo may pagka-isip bata na personalidad. Gayunpaman, matalino, masipag at napakamatulungin din nito sa kapwa. Napakagaan ng loob ng aming buong mag-anak sa kanya. Sa maikling panahon ay natutunan namin na ituring siyang parte na ng aming pamilya.

Hindi rin lingid sa kaalaman ng aking mga magulang ang labis na pagkagiliw ni kuya Andoy sa akin. Lantaran kung ipahayag ni kuya Andoy na nais niya akong maging kabiyak balang-araw.

Minsan nang tumigil ang kanyang tropa sa aming bahay upang maghapunan ay napag-usapan nila ang pamilya at minamahal ng bawat isa.

"Ikaw Beltran, may naiwan ka bang sinisinta doon sa inyong probinsya?" nakangising tanong ng kanyang kasama. Lumipat na ang lahat sa aming salas upang doon uminom ng bahalina. Habang ako naman ay nakapwesto sa isang sulok na may mesa at upuan at gumagawa ng aking aralin.

"Ay sigurado 'yan. Baka nga marami pa. Sa galing ba namang mambola ng batang iyan, imposibleng wala. Siguradong ang daming pinaiyak niyan nang umalis," sabad ni Ima na umupo sa tabi ni Papang.

"Nay! Hindi ho totoo iyan. Magaling lang akong mambola pero wala ho akong mga babaeng iniwan doon at pinaiyak," depensa naman ni kuya Andoy. Sinundan iyon ng mas malakas na kantiyaw at halakhakan. "Totoo ho ang sinabi ko. Sa katunayan ay dito lang sa Guintawan ko natagpuan 'yong babaeng gusto kong mapangasawa," pagmamalaking pang dagdag nito.

"At sino naman ang maswerting dilag na iyan, ha?" usisa ng isa niyang kasamahan.

"Baka si Pining, 'yong sunod ng sunod sa kanya doon sa bayan," sagot naman ng isa.

"Sira! Sunod ng sunod 'yon kasi nanghihingi ng kwarta pambili ng bahalina." At napahalakhak ang lahat.

"Kung gano'n ay sino nga?"

Kanya-kanya ng hula ang bawat isa hanggang sa tumayo si kuya Andoy sa kanyang inuupuan at naglakad patungo sa aking direksyon. Biglang natahimik ang lahat. Napatigil naman ako sa aking sinusulat nang umupo siya sa katapat na upuan.

"Ayen, bilisan mong lumaki. Hihintayin kita," sabi nito sa akin ng nakangiti. Lalong tumahimik ang buong paligid na tila ba ang tanging naririnig ko lamang ay ang mga kuliglig at ang napakalakas na tambol na nagmumula mismo sa aking dibdib.

Hindi ako nakasagot.

Mali.

Hindi ko alam ang isasagot. Sa mga panahong iyon ay talagang hindi alam ng aking murang kaisipan kung ano ang ibig-sabihin no'n. Pero tila ba ang lalong lumalakas na dagundong ng aking dibdib ay nagpapatunay na ang aking puso ay alam kung ano ang ibig-sabihin ng mga katagang binitawan ni kuya Andoy.

Napakurap-kurap na lamang ako at maya-maya ay nakabawi naman sa pagkabigla ang mga kasama namin sa bahay. "Ay naku, Andoy. Sigurado ka ba riyan sa sinasabi mo? Tingnan mo nga o, neneng-nene pa iyang gusto mong mapangasawa. Abay, naglalaro pa nga iyan ng manika," natatawang sabi ni Ima habang umiiling-iling.

"Andoy, baka pumuti na 'yang buhok mo kakaantay na magdalaga iyang si Ayen," sagot naman ni Papang pagkatapos ay humalakhak.

Napakamot sa kanyang ulo si kuya Andoy bago nagsalita. "Kumander naman. Hindi naman ganoon kalayo ang agwat ng edad naming ng anak nyo a."

At sinundan iyon ng malakas na tawanan ng lahat ng taong nakapaligid sa amin.

Hindi ko matantiya kung seryoso o dala lamang ng kanilang iniinum na alak kaya nasabi iyon ni kuya Andoy. Subalit sa mga sandali ding iyon ay tila may kakaiba akong naririnig. Hindi ang mga tambol at kuliglig sa paligid, kundi isang maliit na boses sa likod ng aking isipan na nagsasabing 'maniwala ka'.

Sa aking murang kaisipan, mali ba ang maniwala at panghawakan ang mga katagang nanggaling mismo sa taong aking lubos na tinitingala at hinahangaan?

Hindi ko alam. Pero sa mga panahong iyon ay lihim kong hiniling na sana ay hindi na lang siya italaga sa ibang bayan. Gusto ko dito lang sa amin para araw-araw ko parin siyang nakikita pagdating ko mula sa paaralan. At kahit hindi ko maamin, hiling din ng puso ko na sana nga balang-araw ay siya ang lalakeng aking mapangasawa at makasama habang-buhay.

Subalit ang mga kahilingan kong iyon ay tila nilipad lamang ng hangin dahil nang mga sumunod na araw ang mapayapang pamumuhay ng mga tao sa Guintawan ay nabalot ng takot at pagkagimbal.

LUMBAKAY Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon