PROLOGUE

1 0 0
                                    

Nagmulat siya ng mata ng marinig ang ingay ng mga batang kararating lang sa ibaba. Hindi niya namalayang nakaidlip na siya sa sobrang pagod sa paglilinis ng buong bahay gawa ng pagdating ng kanyang mga anak at apo. Ilang buwan na rin simula nang magkaroon ng ingay ang bahay nila kaya kagulat gulat na lang bigla ang ingay. Tumayo na siya sa kanyang tumba tumba't magiliw na naglakad pababa.

Singkwenta'y syete anyos na siya ngunit malakas pa rin naman ang pangagatawan niya. Bakas pa rin ang saya ng kahapon sa kanyang mga mata. Medyo nirarayuma man ng paminsan minsan ay nagagawa pa rin niyang makapag-zumba tuwing umaga ng Lunes hanggang Sabado. Maliit lang siya na babae, mga nasa 5'0 flat lang. Maikli ang kanyang namumuti na ring buhok pero di nito nababago ang ngiti niyang nakakagaan ng kalooban.

“Lola!”, magiliw na bati sa kanya ng kanyang mga apo nang masilayan nila ang laylayan ng bestida nito sa hagdan.

Agad na nagtakbuhan ang mga apo niya papunta sa hagdan upang lapitan siya ngunit agad niya itong sinuway at baka madisgrasya pa. Pasaway pa naman ang mga ito.

“Dyan na lamang kayo. Baka kung ano pang mangyari sa inyo kung susubukin niyo pang umakyat dito”, nakangiti niyang saway.

Lumaki ang ngiti sa labi niya ng mailapat niya ang dalawang paa sa malamig na sahig ng unang palapag ng bahay nila. Halos di na makita ang kanyang mga mata ng pagkuwa'y mag-agawan ang mga apo niyang kunin ang kamay niya't magmano.

“Kayo talaga! Napakakulit niyo! Kiss muna sa lola”, aniya sabay naupo sa harap nila upang magkatapat lang sila. Ginawaran siya ng halik ng kanyang mga apo. Giliw na giliw talaga siya sa mga ito.

Kaybilis nga naman ng panahon...

Parang kailan lang ay mga anak niya pa lang ang nagkukumayaw na humalik sa kanyang pisngi, ngunit ngayon ay mga anak na ng anak niya.

Nahagip ng paningin niya ang larawan na nasa tabi ng luma niyang TV. Kaisa isa niyang class picture noong high school iyon na siyang niluma na rin ng panahon. Nakadikit na nga ito sa babasaging cover frame nito kaya't hindi na niya ito magawang ilipat ng ibang lalagyanan at baka masira. Mawala pa ang kaisa-isang alala niya ng kabataan niya.

“Ma! Tara po rito at nagdala kami ng pagkain ni Ate”, ani ni Bianca, ang bunso niyang anak na siyam na buwan ng buntis sa ikalawang anak.

Inakay niya ang kanyang mga apo papunta sa hapag. Kumpleto ang tatlo niyang anak na abala sa paghahain ng pagkain sa lamesa. Nandoon din ang mga nagbibinata't nagdadalagang mga apo niya at maging mga pamangkin.

“Lola!”, magiliw na sigaw ng mga ito ng makita siya. Mabilis pa sa alas kwatrong nagsitayo ang mga ito upang lapitan siya at magmano. Tuwang tuwa ang mga itong makita siya at ganun din siya. Hindi niya mapaliwanag ang sayang nadarama niya habang tinitignan ang mga taong kasama niya ngayon sa kwartong iyon.

Marahil ay itinakda talaga ng Panginoon ang lahat...

“Naku! Bilisan niyo na ang pagmamano sa lola niyo para makakain na siya. Kahit kailan talaga kayo oo”, saway ni Jacob sa mga bata. Ginawaran ng masamang tingin ng ina ang kanyang panganay na anak. Natawa lamang itong lumapit sa kanya. Inakbayan siya nito saka ginawaran ng halik sa pisngi. “Magtatampo na talaga ako Ma! Di mo kami ini-spoiled pero ginagawa mo sa mga apo mo't pamangkin”.

“Bakit hindi ka ba na-spoiled noon? Lagi ngang nagwawala ang kakambal mo dahil laging napupunta sayo ang dalawang pakpak ng manok”, pagbibiro ng ina sa kanya.

“Pinaalala mo pa Ma nagsisimula na naman ata akong mainis dyan sa pangit na yan”, reklamo ni James na kababa lang ng tawag sa cellphone.

“Edi pangit ka rin! Magkamukha tayo e”.

“Aba! Di hawak naman na mas gwapo ako sayo no! At isa pa, lamang mo lang sakin ay nauna kang lumabas”.

“Tsk! Tsk!”, masamang tingin ang pinukol ng ina sa dalawang anak. “May mga anak na kayo't lahat lahat ganyan pa rin kayo. Paano na lang kung---”

“Wala na kayo?”, sabay sabay na putol sa kanya ng mga anak niya.

Lumapit naman si Bianca sa kanya at yumakap sa kanya. “Ano ba Ma? Di pa mangyayari yun no. Di pa pwede! Di ko papayagan”, parang batang ani nito.

Agad ding lumapit sa kanya si James at yumakap mula sa likod ni Bianca. “Oo nga po Ma! Saka lambingan na namin ni Jacob yun no. Hindi ba kapatid?”.

“Oo naman kapatid”, ani naman ni Jacob na yumakap na rin sa ina't mga kapatid.

Nakakagalak ng kalooban na makasama niya ang tatlong anghel niya. Hindi man niya mapaliwanag ang sayang naidudulot nito sa kanya, malinaw naman sa kanyang isip ang nangyayari ngayon na habang buhay niyang dala dala.

“Picture!”, ani ng unang apo niya. Nagsisunod naman ang mga kasama nila sa hapag na kinuhanan sila ng litratong magpapamilya.

“Sana nandito si Papa”, mahinang bulong ni Bianca na di naman nakaligtas sa pandinig ng ina. Malungkot siyang napangiti sa alaalang pumasok sa isip niya. Ang kamatayan ng kanyang asawa.

“Kahit kailan ka Biang, napaka-kill joy mo!”, sermon ni James sa kapatid na pinitik pa ang tainga nito.

“Naku! Kung di ka lang talaga buntis, nabatukan ka na namin”, segunda naman ni Jacob.

Napatingin silang tatlong sa ina na masaya lang silang pinapanood. “I love you Ma!”, malambing na ani ni Bianca. Gumaya naman ang dalawang kuya nito.

“Hay kayo talaga. Hala sige na maupo na kayo. Magsimula na tayong kumain at ako'y nagugutom na rin”.

LUMIPAS ang oras at nandito na sila ngayon sa labas ng bahay. Malawak ang bakuran nila na may mga nakatayo pang swing, iba't ibang bulaklak at halaman, at isang malaking kubo na ginawa ng kanyang yumaong asawa upang mapagtambayan. Nasa mataas sila na lugar kaya nakikita ang buong lugar sa kinaroroonan nila. Presko ang hangin na talaga namang nakakawala ng kahit na anong alalahanin.

“Hindi pa po ba kayo papasok Ma? Maggagabi na”, aya sa kanya ni Jacob.

“Maya maya na't masarap pa ang hangin dito”.

“Sige ho, mauna na kami sa loob. Tulungan ko lang silang mag-asikaso ng kakainin natin”, nakangiti nitong pagpapaalam at napatingin sa mga anak at pamangkin. “Pumasok na rin kayo maya maya ha? Wag niyo rin istressin ang lola niyo”.

“Opo Tito/Papa”, sabay sabay na ani ng mga ito.

Pinasadahan niya ng tingin ang mga apo't pamangkin. Naagaw niya ang atensyon ng mga itong abala sa pagseselpon.

“Lola”, tawag sa kanya ng pamangkin na disi sais anyos na. “sino po crush niyo nung high school kayo?”.

Nagulat siya sa tanong nito. Hindi niya inaasahan yun dahil di rin naman natatanong iyon ng mga anak niya noon. Napatingin din sa kanya ang iba pa nilang kasama.

Agad siyang napangiti sa alaalang bigla na lang rumehistro sa isip niya saka isa isang tinignan ang mga apo't pamangkin niyang tutok na tutok sa kanya na para bang sabik na sabik na marinig ang kwento niya.

“Hm. Sabihin na lang natin na ang hanggang tingin lang ako nung panahon na iyon...”, panimula niya at napangiti siya ng malungkot. “Sa iisang tao lang umikot ang mundo ko noong hayskul ako”.

“Sino po? Ano pong pangalan?”, excited ang pamangkin niyang tanong.

Ngumiti siya sa kanyang pamangkin.

“Jerome. Jerome Angquico”.

PagtinginTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon