Aybol

202 33 23
                                    

PAAKYAT NA ang elevator sa lumang motel na iyon sa Cubao nang biglang balutin si Gelli ng mga pangamba, parang may mga kamay na pumipigil sa kanyang mga paa. Kung kahapon ay tila sigurado na siya sa kanyang desisyon, ngayon  ay batbat na siya ng pag-aalinlangan.

Ito ang unang pagkakataon na magkikita sila ni Freddie, pagkatapos ng dalawang buwang relasyon sa internet at palitan ng texts. Nagsimula sila bilang textmates na nauwi sa cyber romance o iyong relasyon sa internet. Halos gabi-gabi silang magkaulayaw sa chat at minsan ay sa video call.

May hagikhik siyang narinig na akala mo'y kinikiliti. Napasulyap siya sa babae na lulan din ng elevator. May kasama itong lalaki at magkahawak kamay ng dalawa at nagbubulungan simula pa noong sumakay sila sa elevator. Mag-asawa o magnobyo? Hindi na niya pinangahasang bigyan iyon ng kasagutan.

Gaya ng dalawang kasama niya sa elevator, alam niya kung ano ang maaaring kahantungan ng unang pagkikita nilang ito ni Freddie.

Sa motel? Bakit kailangang sa motel agad? Iyon din ang tanong niya sa sarili noong una. Ngunit hindi na niya kailangang itanong sa lalaki kung bakit. Maliwanag pa sa sikat ng araw ang kasagutan.

Hindi naman na sila mga bata. Disiotso anyos na siya at si Freddie ay mas matanda sa kanya ng 2 taon kung totoo ang pakilala nito sa kanya. Sa dalawang buwang palitan nila ng mensahe sa texts at pag-uusap sa telepono, hindi rin miminsang napag-usapan nila ang tungkol sa sex. Ngunit mas madalas, ang lalaki ang nagkukwento ng mga karanasan nito. Dahil ang totoo, wala pa siyang karanasan. Bagamat hindi niya ito maamin sa lalaki.

Bantulot man, nagpasya na siyang iakyat ang relasyon nila ni Freddie sa ibang antas. Level up, ika nga. Gusto na rin naman niyang may totoong boyfriend siyang matatawag na nahahawakan at naipapakilala sa ibang tao. Hindi iyong nakikita lang at nakakausap sa text. Hindi rin naman tatagal ang relasyon nila ni Freddie kung hindi niya nakagaangan ng loob ang lalaki.

Dumating sa buhay niya si Freddie sa panahong napakalungkot niya. Kahihiwalay lang ng kanyang ama at ina at ang kapatid niyang babae na sobrang malapit sa kanya ay kinailangang mangibang bansa. Dumagdag pa ang mga problema niya sa kanyang pag-aaral. Sa mga panahong ito ay nakilala niya si Freddie.

Isang mensahe sa Facebook mula sa lalaki ang nagsimula ng lahat. Kaibigan daw ito ng isa niyang kakilala na naka-add sa kanyang friends list. Kung ano ang nag-udyok sa kanya upang tumugon sa mensahe ng lalaki ay hindi na niya matukoy ngayon. Ang alam niya malungkot siya noon at kailangan niya ng kaibigan.

Simula nga noon ay si Freddie na ang naging hingahan niya ng sama ng loob at mga hinanakit sa buhay. Lagi itong handang makinig, laging may nakahandang encouraging words. Hindi  humuhusga at nanunumbat kahit na batid niyang minsan ay mali ang kanyang mga desisyon.

San ka na?

Text message iyon mula kay Freddie.

Lapit na.

Tugon niya. 

Room 418 ang pakay niya, sa fourth floor ng lumang gusaling iyon. Ewan niya kung bakit kung kelan gusto niyang pabagalin ang oras upang makapag-isip ay tila naman lalo itong nagmamadali.

Huminto ang elevator sa fourth floor. Napabuntung hininga siya, napansin niyang nakatingin sa kanya ang dalawang pares ng mga matang lulan din ng elevator. Tila naiinip na ang mga ito.

“Sandali lang, puwede ba.” Gusto niyang sabihin. Sa tinginan kasi ng dalawa ay tila hindi na ang mga ito makapaghintay na hubaran ang isa’t isa.

Ilang saglit ang nagdaan bago niya naihakbang ang mabibigat na paa palabas sa makipot na pasilyo ng motel. Nagsimula siyang tumingin sa mga numerong nakapaskil sa mga pinto. 402, 404, 404. Sa tapat ng room 406 ay may dalawang taong naghahalikan. Ni hindi nga siya napansin ng mga ito. Nagpatuloy siya sa paglakad, 408, 410, 412, 414, 416.

Tumatambol ang kanyang dibdib. Matagal niyang tinitigan ang numerong nakatitik sa huling pinto.

418

Lucky number sa kanya ang mga ito. April 18 ang araw ng kanyang kapanganakan. Isa ba itong sign? Tutuloy ba siya o hindi?

Alam niyang sa oras na katukin niya ang pintong ito, hindi na siya makakaatras pa.

Ano nga ba ang big deal sa gagawin niya? Makabago na ang panahon ngayon, ang bilang ng mga kabataang nagsasagawa ng premarital sex ay mas mataas pa yata sa literacy rate ng bansa.

Naalala niya ang madalas na sabihin ng kanyang ina.

“Irespeto mo ang iyong sarili kung gusto mong irespeto ka ng iba. “

“Kahit nagkahiwalay kami ng tatay mo, naniniwala pa rin ako na sagrado ang kasal. Ang  pinakamagandang regalo na maihahandog mo sa lalaking magdadala sayo sa altar ay ang kalinisan ng iyong pagkababae."

"Hindi mo kailangang magmadali. Kung hindi kayang maghintay ng lalaki na kayo ay maikasal muna, kung hindi ka niya kayang pakasalan muna, hindi siya karapatdapat sa’yo.”

Naputol ang kanyang pagmumuni-muni nang makarinig siya ng pagkalabog sa loob ng kuwarto. Nag-panic na siya. Mabilis siyang tumakbong palayo, pabalik sa elevator. Nang makita niyang nasa ground floor pa iyon ay pinili nya ang hagdanan. Tila may naulinigan siyang tinig na tumawag sa kanyang pangalan ngunit hindi niya iyon pinansin.

Nang tuluyan siyang makalabas ng gusali ay saka lamang siya nakahinga ng maluwag.

San ka na ba?

Last chance na natin na magkita ito.

Ilang sandali pa ay tumatawag na ito. Ngunit di magkandatutong pinatay ni Gelli ang kanyang celphone.

Buo na ang kanyang pasya.

KINABUKASAN ay halos panawan si Gelli ng ulirat nang makita ang balita sa  telebisyon.

Isang lalaki ang natimbog ng mga otoridad matapos maaktuhan na nakikipagtalik sa isang menor de edad sa isang motel sa Cubao. Modus operandi umano ng lalaki ang makipag textmate sa mga babae at pagkatapos ay makikipagkita at doon ay pagsasamantalahan at pagnanakawan ang biktima.

Lalo siyang nanghina nang makita ang mugshot ng suspek at ang pamilyar na itsura ng motel kung saan nahuli ang lalaki. Ito ang mismong motel na pinuntahan niya kahapon at pagkatapos niyang ilang beses titigan ang mukha ng suspek sa TV, nakumpirma niyang ito ay walang iba kung hindi ang lalaking kilala niya sa pangalang Freddie.

Random Text Stories (A Collection of One-Shots)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon