"Shekinah"

26 1 0
                                    

“Shekinah”

            “Mahal na mahal kita.” Sinserong sabi ni Reiley sa akin habang puno ng pagmamahal na nakatitig sa aking mga mata.

            Hindi maiwasang matunaw ang aking puso dahil sa pinararamdam n’ya sa akin.

“Mahal na mahal din kita.” Tugon ko sa kanya, ‘tsaka yumakap ng mahigpit kay Reiley. Tinanaw ko naman ang papalubog ng araw habang ninanamnam ang sitwasyon.

            Alam kong mali at  hindi ko dapat nararamdaman ang emosyong ito, bilang isang Arkanghel na nagsisilbi kay Ama. Ngunit hindi mapigilan sa aking puso na sumibol ang nararamdaman ko para kay Reiley, lalo na’t sa t’wing lalapit ako sa kanya ay s’ya ang nagiging sentro ng mundo ko.

Maling mali dahil pagsuway sa kautusan ni Ama ito, pero hindi ko napigilan. At alam ko ding kasabay nito ay mayroon itong kaakibat na kahihinatnan.  

-

            Halos makalimutan ko na din ang aking tungkulin, ang panatilihing balanse ang lahat gamit ang kapangyarihan ng pag-ibig at ang maging koneksyon ng langit at lupa. Kaya nang muli kong gampanan ang aking tungkulin ay ganoon nalang ang aking gulat, hindi gumagana ang aking kakayahan. Hindi ko ma-kontrol ito, nagiging magulo ang lahat. Napupuno ng kasamaan ang mundo, kaya naman hindi ko alam kung ano na ba ang aking gagawin.

            Paulit-ulit kong sinusubukang ayusin ang lahat, ngunit sa t’wing gagawin ko iyon ay nagiging malala lang ang lahat. Hindi ko na mapalaganap ang pag-ibig na susi upang maging maayos ang lahat. Hindi katulad noon… noong hindi ko pa sinusuway ang kautusan ni Ama. Siguro nga ito ang naging kabayaran, ang naging kahinatnan nang pagsuway ko kay Ama.

-

            Walang araw o gabing hindi ko naiisip, tama ba ang naging desisyon kong pagpatuloy ang pagmamahal ko kay Reiley. Ngunit gayunpaman, hindi ko ito pinagsisisihan.

            “Anak, Shekinah.” Ani nang isang tinig sa kung saan, na siyang nakapagpabalik sa akin sa reyalidad mula sa pagiisip-isip. Hindi ko napigilan ang luha ko na maglandas sa aking mga pisngi.

            “Ama, patawad.” Garalgal na boses kong sabi sa kanya. Hindi ko lubos maisip na si Ama pa ang unang lalapit sa akin, gayong ilang beses ko Siyang binaliwala noon. Sad’yang napakabait talaga Niya.

            “Ama, anong gagawin ko. Nagiging magulo na ang lahat? Nawawala na rin ang aking kakayahan? Ama.” Sunod-sunod kong tanong na patuloy parin sa pagluha.

            “Bumalik ka na Anak.” Tanging sagot Niya na mababakasan ng kalungkutan ang boses. Alam kong nasasaktan din si Ama dahil sa nangyayari. Lalo na’t alam kong mahal Niya ako, lahat kaming mga anak Niya.

            “P-pero paano si Reiley? Mahal ko siya, Ama. Hindi ko siya kayang iwan.” Nanghihinang sagot ko sa kaniya na may takot. Hindi ko kayang iwan si Reiley.

            “Tanging iyon lang ang kasagutan, Anak.”

-

            Hindi ko alam kung ano na ang gagawin ko ngayon, hindi ko kayang iwanan nalang si Reiley, ngunit hindi ko naman p’wedeng pabayaan sila Ama.

--

            “Alam kong nahihirapan ka na, ayos lang sa akin kung pipiliin mo sila.” Biglang basag ni Reiley sa katahimikang bumabalot sa amin. Matapos ang pag-uusap namin ni Ama napag-desisyunan kong kausapin si Reiley, hindi rin naman lingid sa kaniyang kaalaman ang lahat.

            “Re-reiley,” hindi ko maiwasang hindi masaktan at mapaiyak sa kaniyang harapan, hindi ko lubos maisip na kaya n’ya pa akong bigyan ng isang totoong ngiti gayong alam ko naman na nasasaktan din siya.

            “Mas mahalaga ang tungkulin mo, Shekinah. Maiintindihan ko.” Pangungumbinsi nito, ngunit kita sa mga mata nito ang totoong nararamdaman. Hindi ko mapigilang hindi tumayo sa aking kina-uupuan upang yakapin siya.

            “Basta tandaan mo, mahal na mahal kita ha.” Bulong nito, hindi na niya napigilan ang pagluha habang sinusuklian ng mahigpit ang yakap ko. Tumango lang ako bilang tugon. Inilayo naman niya akong bahagya sa kaniya, upang tignan sa mukha at punasan ang aking pisngi.

            “’Wag mong kakalimutang lagi kang nandito.” Sabay turo sa bandang dibdib niya. “Walang makakapantay sayo rito, Shekinah.” Wika niya at biglang niyakap akong muli. Tango-tango lang ang tanging naisagot ko, walang salitang gustong lumabas sa aking bibig.

            Ayaw ko mang iwanan sya ngunit kailangan, lalo na ngayong magulo ang lahat. Kailangan nila ako, ang kakayahan ko. Ang pag-ibig ang susi sa lahat. Pero hindi maaayos ang lahat kung hindi ako babalik sa kaharian ni Ama, na s’yang tanging sagot upang mabalik ang aking kakayahan. Kung may ibang paraan lang sana.

            “Oh sige na, baka hindi na kita pakawalan pa.” Sabi nito nang humiwalay na sa yakap.

            “Mahal na mahal kita, Reiley.” Naluluhang pahayag ko, bago unti unting lumalayo sa kanya upang lumipad pabalik sa kaharian ni Ama.

--

Masakit man pakawalan, ngunit kailangan. Hindi kailanman kami magiging para sa isa’t isa. Magkaiba kami ng mundong ginagalawan ni Reiley. Isa akong Arkanghel  habang s’ya ay isang mortal. Kami’y mahahalintulad sa tubig at langis. Kumbaga magkalapit at magkasama man, sa bandang huli ay magkakahiwalay din.

Pero isa lang masisiguro ko hindi man kami magkapiling, nananatiling iisa ang aming puso.

-wakas-

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jul 13, 2019 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Compilation (A part of me)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon