Paano nga kaya?
Liwanag ng araw, malamig na hangin na siyang dumadampi sa aking balat at maaliwalas na panahon, gayon din ang magandang tanawin. Ilang araw, linggo at buwan na ang nagdaan ngunit ang mga ito parin ang laging nabubungaran ng aking mga mata pagmulat palang. Magandang panimula sa araw kung tutuosin, ngunit mayro'n paring kulang na hinahanap-hanap ko. Kayo iyon, Ma, Pa.
Hindi ko tuloy maiwasang hindi hilingin na sana kahit minsan, ang nabubungaran kong liwanag sa t’wing imumulat ko ang aking mga mata ay mapalitan ng matingkad n’yong ngiti. Ang dampi naman ng hangin sa aking balat ay mapalitan ng inyong haplos na may kasamang pagmamahal. At kayo naman ang hahalili sa magagandang tanawin na aking napagmamasdan. Ang ganda sanang isipin kung lahat ng mga ito ay magkakatotoo.
Isa lang naman ang hiling ko eh, ngunit hindi niyo 'ko mapagbigyan. Kayo, Ma Pa. Kayo ang hiling ko, hindi ng kahit na anong bagay na mga ibinibigay niyo. Pagmamahal niyo ang gusto kong maramdaman. Gusto ko kayong makasama.
Pero sa t'wing iisipin ko ang mga bagay na iyon, hindi ko maiwasang hindi mapatawa ng pagak. Bakit ba kasi mas gusto niyong mas malayo sa akin? Ano? Dahil ba para sa akin? Sa kinabukasan ko? Aanhin ko iyan ngayon? Kung konti nalang ang oras ko sa mundo? Mapapahaba ba niyan ang buhay ko dito sa mundong ibabaw? Hindi naman di ba? Kalinga niyo ang kailangan ko.
Tama Ma, Pa. May sakit ako, hindi ko lang sinabi sa inyo. Para ano? Umuwi kayo dito? Hah! mas gugustuhin ko pang mawala nalang na hindi niyo nalalaman kaysa sa nandito nga kayo ngunit hindi naman bukal sa loob niyo. Mas gusto kong umuwi kayo dito dahil sa ginusto niyo, hindi dahil sa responsibilidad. Ang responsibilidad na alagaan ako, dahil anak ninyo ako. Alam niyo gusto ko lang naman na magkusa kayo eh. Sawa na ako sa ganito. Sobrang bigat na ng nararamdaman ko. Hindi dahil sa sakit ko, kundi sa pangungulila. Na sana hindi lang ako ang nakakaramdam kundi pati kayo.
Hindi ko maiwasan hindi mainggit kapag nakakakita ako ng buong pamilya. Paano nga kaya ang pakiramdam non? Sigurado akong masaya, mababakas naman sa mukha nila ang kasiyahan.
Gusto ko ding maranasan iyon kahit minsan. Dahil magsimula nang magkaisip ako hindi ko pa yata kayo nakasama ng matagal. Nasa Manila kayo habang ako nandito sa probinsya.
Si yaya lang ang kasama ko, pati narin ang buong pamilya niya. Oo, pinaparamdam nilang mahal nila ako, pero iba parin kung kayo iyong mga nagpaparamdam no’n. Sigurado akong kumpleto na ako, wala ng hihilingin kung nagkagayon.
Mahirap lang kasing isipin na sa t’wing kakain ako kasama sila, laging sumasagi sa isip ko, paano kaya kung kayo iyon? At sa twing aalagaan nila ako, paano kaya kung kayo iyon? Sa t’wing tutulungan ko si yaya magluto, pano kaya kung ikaw iyon Ma? At sa panahon ngayon na kailangan ko ng isang magulang na sila ang pumupuna, paano nga kaya kung kayo iyon?
Di ba puro nalang 'paano' ang lahat? Kakatawa lang isipin na isang katulad ko na nakukuha ang lahat ng gusto ay hindi masaya, dahil tanging pangarap ko lang ay ang makasama ang mga magulang ko, makasama kayo, kahit man lang sa panandalian. Kahit man lang ngayon.
--
Halos mag-iisang taon na rin pala noong madiskubre kong may sakit ako. Isang pangkaraniwang araw lang iyon, nasa school ako. Bigla ko nalang naramdaman na sumasakit ang ulo ko, para iyong binibiyak sa dalawa, hindi! higit pa doon dahil sa sobrang sakit ng nararamdaman ko. Mabuti nalang nang mga oras na iyon ay kasama ko ang aking dalawang kaibigan.