1Minsan ay sumapit nang 'di inaasahan,
Hagupit ng bagyo'y nanalasa na lamang,
Sa lupang malayo, bansang Silanganan,
Patag na lupa'y inapawan ng walang tigil na pag-ulan.
2
Pawid na bahay ay agad bumagsak,
Hangin at tubig ang siyang nangwasak,
"Dios ko, Dios ko," ang sigaw at iyak
Ng bawat tahanang buhay ay payak.
3
Liwanag ay sumilay mula sa kalangitan,
Ang ulang nagngangalit, KANIYANG pinatahan,
Pagkat yaong dalangin ay mula sa Silanganan,
Agad na dininig ng DIOS na makapangyarihan.
4
Wala na ang ulan, humupa ang pag-apaw,
Ngunit mga kabuhayan ay tila nalusaw,
Ang karamihan pa, mahal sa buhay ay naagaw
Ng trahedyang kaylupit, pumatay sa tanglaw.
5
Subalit sadyang likas ang tatag ng kalooban,
Kailanma'y 'di matitinag mga tubong Silanganan,
Lalo pang tumitibay sa gitna ng kawalan,
Dahil sa pananampalataya, nakapaninindigan.
6
Sa muling pagbangon, lahat magkakatuwang,
Lahing kayumanggi, handang magsanggalang,
Ang kapakanan ng kapuwa, isinaalang-alang,
Bayanihan ay binuhay, pusong Pinoy ay nagdiwang.
7
LuzViMinda'y nagsanib-puwersa,
Kusang tulong ay pinagpasa-pasa,
Upang makabuo ng isang laksa
Na magdurugtong ng bagong pag-asa.
8
Mga mata'y nakatuon sa asul na kalangitan,
Nakatayong magiting sa gitna ng kahirapan,
Pananalig sa AMA, ang sandatang tangan,
Sa mabigat na dalahi'y agad nagpagaan.
9
Panibagong unos man ay biglang dumating,
Lahing kayumanggi ay muling hihiling,
Sa pinaghuhugutan ng lakas, Doon lamang babaling
Maninikluhod sa KANIYA, dadalangin nang maigting.
10
Tanong ng mga dayuhan, "Juan, bakit lagi kang ganyan?
Sa gitna ng kalumbayan nakuha pang maghalakhakan."
Ang tanging kasagutan, kaysimple lang naman,
"Ang araw ay sisikat sa Silanganan."
---
Footnote:
---
Silanganan - ang ibig sabihin ay malayong silangan.
Connotation: Silanganan - Pilipinas
-Sa heograpiya, ang bansang Pilipinas ay matatagpuan sa malayong silangan o silanganan.
Ukol sa Tula:
-Sa tulang "Ang Araw ay Sisikat sa Silanganan", sinasalamin ang tatlong katutubong kaugalian at kultura ng mga Pilipino: una, ang pagkakaisa o bayanihan, at ikalawa, ang pagiging maka-Dios. Ang mga kaugaliang ito ang dahilan kung bakit ang mga tunay na Pilipino ay matatag at muling nakakabangon sa harap ng pagsubok sa buhay, na siya namang dahilan ng ikatlo, ang pagiging likas na masayahin kahit pa nasa gitna na ng kahirapan.

BINABASA MO ANG
Ang Araw ay Sisikat sa Silanganan atbp. (TULA)
PoezieKoleksyon ng mga tula [cover: baybayin script "tu-la"]