"Happy birthday, Kiara!" Inabot sa'kin ni Trixie ang cake na hawak nya bago umupo sa kama ko. Birthday ko nanaman pala, tumatanda na talaga ako. Ngumiti lang ako bago i-blow yung kandila. Pumalakpak naman si Natalie pagkatapos non at tsaka sila lumabas nang mahipan ko na.
Ibinaling ko ang tingin ko sa picture frame na nasa side table ko. Ngumiti ako nang makita ang picture namin ni lola, naka halik ako sa pisngi niya habang siya ay naka peace sign sa harap ng camera. "Birthday ko na ulit, Lola." Ngumiti ako tsaka pinunasan ang luha na namuo sa mata ko.
Inayos ko muna ang buhok ko bago tumayo at pumunta ng banyo. Dahil sabado ngayon ay kailangan kong maglaba ng mga damit ko. Agad akong dumiretso sa labas nang makuha ko ang basket ng marurumi kong damit. Nakita ko pa sila Trixie na may inaayos sa lamesa pero hindi ko ito pinansin.
"Maglalaba ka birthday na birthday mo? Ano ba 'yan, Kiara!" Kinuha ni Natalie yung basket bago ito inilayo sa'kin. Kailan pa nagkaron ng batas na bawal maglaba kapag birthday? Mayroon na bang gano'n ngayon?
Lumapit ako sakanya para agawin ulit 'yon, pero lumayo siya at pumunta sa gilid ni Trixie para magtago. "Bigay mo na sa'kin yan, Natalie! Meron bang batas na bawal maglaba kapag birthday? Tsaka, kaunti lang yan." Humakbang pa ako ng kaunti para makuha 'yon.
Ibinigay na rin naman niya ito nang tignan ko siya nang masama. Parang bata pa ito na umakbay sa braso ni Trixie. Umiling nalang ako at pumunta na sa CR para don maglaba.
"Tumawag nga pala si Miggi kanina. Hindi mo raw sinasagot ang tawag niya." Napahinto ako saglit nang marinig ko ang sigaw ni Trixie mula sa kusina.
Hindi ko na 'yon pinansin at pinagpatuloy nalang ang paglalaba. Alam ko naman na aayain lang ako ni Miggi kumain sa labas dahil birthday ko. Hindi naman na rin kasali sa budget ko ang mga basta-bastang gala, napakarami kong kailangang bayaran at bilhin na gamit sa school. Ayoko naman na humingi kay ate dahil nakakahiya sa asawa niya.
Pagkatapos kong maglaba ay nagluto lang ako ng umagahan naming tatlo. Syempre, nandito pa rin sila. Hindi ko alam kung bakit nandito pa sila eh, wala namang ganap ngayong araw.
"Hindi ba tayo aalis? Kahit kumain manlang tayo sa labas. Sige na Kiara, please!" Hinatak ni Natalie ang laylayan ng damit ko habang nag-aayos ako ng mga gamit ko. Kakatapos lang kumain tapos gusto kumain nanaman kami.
"Wala akong pera, Natalie. Kailangan ko mag-ipon para pang tuition ko next school year." Ngumiti ako sakaniya nang harapin ko sya. Hindi kasi talaga madali para sa'kin ang bigla nalang umalis at mag waldas ng pera. Wala naman akong ibang aasahan kundi sarili ko lang kaya kailangan ko mag-tipid.
Nakita ko pang umupo ito sa tabi ni Trixie. Napahawak ako sa sentido ko dahil sa reaksyon nilang dalawa. "Dito na lang tayo sa bahay. May lulutuing spaghetti riyan, oh. 'Yon nalang ang kainin natin."
"Ayos lang naman Kiara. Kaya mo pa ba? Dala-dalawang trabaho na 'yang ginagawa mo. Tapos idagdag mo pa yung mga ginagawa natin sa school." Hinawakan ni Trixie ang balikat ko nang maupo ako sa tabi nila.
Kahit naman sabihin kong hindi ko na kaya ay may magagawa ba 'yon? Matagal na kasi nilang sinasabi na itigil ko na raw yung mga trabahong ginagawa ko kagaya nung pag-aalaga ko sa nanay ng kapitbahay namin. Matanda na 'yon at hindi nila nagagawang alagaan dahil may mga trabaho sa opisina. Kaya naman binabayaran nila ako para bantayan ito sa gabi. 'Yon lang ang magagawa ko para magkaroon ako ng pera.
"Happy birthday, Mauree! Hindi mo nanaman sinasagot ang mga tawag ko. Galit ka ba?!" Sabay-sabay kaming napatingin sa pinto ng bahay dahil sa sigaw ni Miggi. Napa-irap ako nang lumapit siya sa'kin tsaka ako niyakap. "Ayusin mo nga ang mukha mo, para ka namang batang hindi nabigyan ng candy, eh."
"Hinaan mo naman ang boses mo." Bahagya ko itong tinulak kaya nagtaka ito. "Busy ako. Ano 'yang dala mo?" Tumingin ako sa paper bag na bitbit niya. Dalawa pa ito, isang malaki at maliit.
Itinaas niya ang isa tsaka ngumiti bago inilapag sa lamesa. "Regalo ko 'yan! Mamaya mo na buksan kapag naka-uwi na ako." Saad nya bago itaas ang isang nasa kamay niya. "Bumili ako ng pagkain kasi alam ko namang hindi ka mag-aaya kumain sa labas."
Lumawak naman ang ngiti nila Natalie nang marinig 'yon. "Hulog ka ng langit, Miggi! Tama yung sinabi mo. Ayaw niya kumain sa labas." Kaagad namang kinuha nung dalawa yung paper bag tsaka dinala sa kusina para sila na ang mag-ayos.
"Salamat, ah? Hindi ka na dapat bumili pa. Sayang lang sa pera 'yon, eh." Saad ko nang umupo siya sa tabi ko. Palagi niya naman 'tong ginagawa pero sabi ko ay 'wag siyang bili nang bili basta-basta.
Pagkatapos naming magsi-kain ay umuwi rin sila kaagad. At si Miggi naman ay nanatili pa sa bahay para tumulong ayusin yung sirang ilaw sa kusina bago umuwi. Maya-maya rin kasi ay lilipat na ako sa kabila para mag alaga. Hanggang 12 AM ako don dahil gano'ng oras sila umuuwi.
Nang makita ko ang paper bag na dala ni Miggi kanina ay agad ko itong binuksan. Kahon ito na naglalaman ng kwintas na nakalagay ang second name ko 'Mauree'. Napahinto naman ako sa pagtingin ko rito nang mapansin ko ang isang papel. Sulat 'yon.
Kiara Mauree,
Happy birthday sa pinaka maganda kong bestfriend! Tumanda ka nanaman, ah. Masaya ka ba? Ingatan mo 'tong gift ko hmm? Alam kong hindi na espesyal sa'yo ang birthday mo. Pero para sa'kin oo, ito kasi yung araw na dumating ka dito... Kung hindi nangyari 'yon edi wala akong bestfriend. Hindi ka nag-iisa, Mauree. Nandito ako! Forever bestfriend kita! Ako ang pamilya mo.
- Miggi
Nang mabasa ko ang sulat na 'yon ay kaagad na nag unahan ang luha ko sa pag patak. Simula kasi nung maghiwalay ang magulang ko at nagkaroon ng sari-sariling pamilya ay naiwan na kami ng Lola at Ate ko, kami lang. Mas naging mag-isa ako nung namatay si Lola at nag asawa na si Ate. Natuto akong dumiskarte para sa sarili ko dahil walang magulang ang gagawa ng gano'n para sa'kin. Ni hindi ko magawang mag reklamo dahil nandito na, eh. Si Miggi, siya yung nag-iisang naka-alam ng lahat-lahat.
Hindi na rin ako naniniwala sa love. Dahil sarili kong magulang hindi nagkaroon ng happy ending.
YOU ARE READING
Keeping the Distance ( ONGOING )
Romance"Hanggang kailan mo itatanggi ang nararamdaman mo? hindi ka ba nasasaktan para sa sarili mo?" Hinaplos nya ang mga pisngi ko, kitang-kita ko kaagad ang mga namuong luha sa mga mata nya. Bumigat lalo ang nararamdaman ko. "Hanggang kailan, Kiara?"