Nandito Ka Na Naman

14 1 0
                                    

Tahimik lang akong nakatayo sa gilid, pinapanood ka habang tinatahak mo ang daan papunta sa iyong study desk. Parang ilang minuto lang noong ikaw ay umalis, tapos ngayon ay babalik ka kaagad.

Gusto kitang tanungin kung ano ang iyong ginawa sa loob ng maikling sandali na ika'y lumabas sa apat na sulok ng iyong silid. Kumain ka na ba? Uminom ka ba ng tubig o kahit anong inumin na makakapagpagaan ng iyong loob? Nagliwaliw ka ba?

Humikbi ka. Hindi na ako nasurpresa na makita ang mga luha na pumapatak mula sa iyong mga mata. Halos araw-araw kitang pinagmamasdan at pinakikinggan. Ni hindi ko na mabilang kung ilang beses ka nang umiyak sa harapan ko, maski sa harapan ng laptop mo habang tinitingnan ang mga patung-patong na gawaing ibinigay ng mga propesor mo.

Isa, dalawa, tatlo...

... limampu, limampu't isa, limampu't dalawa...

... isang daan?

Ilang beses ka na nga bang umiyak dahil sa dami ng mga gawain mong nakatambak na halos araw-araw mo na silang ginagawang almusal, tanghalian, at hapunan? Pati pagtulog mo ay nakakaligtaan mo na. Puro kape na ang dumadaloy sa iyong sistema para ikaw ay magising---magising sa katotohanan na kahit gaano ka pa kabilis matapos diyan ay hindi sila mauubos.

"Ayaw ko na..." bulong mo habang patuloy lang sa pagpatak ang mga luha mo na kahit anong gawin mong pagpunas ay hindi pa rin natutuyo.

Hindi ka naman ganyan dati, noong normal pa ang lahat. Noon, umaalis ka dito sa silid mo para pumasok sa paaralan mo.

Noon, umuuwi ka nang may ngiti sa labi.

Noon, lagi kang excited na gumising para pumasok sa paaralan at makita ang mga kaibigan mo.

Noon, tuwing nakaharap ka sa cellphone at laptop mo ay may ngiti sa iyong labi.

Hindi tulad ngayon. Bumabangon ka para buksan ang laptop mo, para um-attend ng virtual classes mo. Kahit hindi ka pa kumakain at nagsisipilyo ay wala kang pakialam basta maka-attend ka lang.

Hindi tulad ngayon na imbis na ngiti ang nakapaskil diyan sa iyong mukha ay luha na ang dumadaloy.

Gaano ka ba sinira ng kasalukuyan mong pag-aaral kung saan iyon na lang ang dahilan mo para bumangon araw-araw?

"Convenience my ass," pagpapatuloy mo. "Convenient nga kasi nag-aaral ako sa bahay pero grabe naman 'yong tambak na mga gawain na binibigay ninyo. Hindi naman porke't home school kami ay wala na kaming sariling buhay maliban sa pag-aaral."

Sige lang. Kung gagaan ang loob mo kapag nag-rant ka, sige lang. Makikinig lang ako.

"Lutung-luto na ang utak ko. Halos hindi na ako makatulog sa kakaisip kasi ilang araw na lang ang deadline niyo na. Kaya pa ng katawan kong magpuyat pero 'yong utak ko, malapit nang bumigay. Ang daming bagay na tumatakbo sa isip ko, hindi ko na alam kung anong uunahin.

"Kaya ko naman kayong gawin lahat e. Pero sana naman bigyan nila kaming ng consideration. Kapag hindi ko kayo naipasa on time, singko na agad ako?

"Bawal um-absent kahit may sakit kasi hindi valid ang excuse na 'yon? Kasi nasa bahay lang ako kaya may kakayahan kong um-attend ng klase kahit nahihirapan na ako kung ano ang dapat kong unahin: Ang pag-aaral ko o ang demonyo sa utak ko?

"Convenient pero 'yong mental health ko ang nakasalalay. Kung pwede lang tumigil muna, nagawa ko na. Kung pwede lang iwan ang lahat ng ito nang hindi ko maririnig sa bibig ng mga magulang ko na nag-iinarte lang ako.

"Kahit anong gawin ko, wala namang makakaintindi."

"Ako. Naiintindihan kita," Gusto kong pagaanin ang loob mo, "Kaya mo 'yan. Nakaya mo nga ang ilang semestre ng iyong unang taon na hindi ka sumusuko e. Alam kong kaya mo at kakayanin mo pa."

Gusto kong sabihin ang mga katagang iyan sa'yo pero hindi ko kaya. Wala akong kakayahan na sabihin ang lahat ng mga gusto ko.

Naririnig kita.

Pinapakinggan kita.

Saksi ako sa lahat ng mga pinagdaanan mo. Ang kaya ko lang ay manatili sa iyong tabi, pakinggan ka, at maging sandigan mo. Nandito lang ako, sumandal ka lang sa akin habang pinipilit mong labanan ang demonyo sa isip mo.

Nandito lang ako, sumandal ka lang sa akin habang patuloy kang umiiyak para kahit papaano ay mabawasan ang bigat na dinaramdam mo.

Nandito lang ako, papanuorin ka na bumangon tuwing ika'y bumabagsak. Tahimik akong mananalangin---kahit na walang makaririnig sa akin, na sana bigyan ka Niya ng lakas para lumaban pa at para manalo ka sa mga tahimik na digmaan na iyong kinahaharap.

Nandito lang ako. Nandito ako lagi sa tabi mo. Hindi mo ako kaibigan pero lagi akong nandito.

Iyon lang ang kaya kong ibigay. Maliban sa maging iyong sandigan, ano nga ba ang kayang ibigay ng tulad kong isang upuan?

Nandito Ka Na NamanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon