KABANATA LABING LIMA

722 76 11
                                    

"Kuya, babalik pa ba yung mga manong?" Pagtukoy ni Keith sa mga lalaking linggo-linggong naniningil sa kanilang yumaong na ama, na ngayon ay tinutustusan na ng Kuya Brandon niya.

Tahimik siyang gumagawa ng kanyang takdang aralin sa kanilang maliit na sala. Ang Kuya Brandon naman niya ay naghahanda ng kanilang gabihan. Napasamyo siya nang simulang gisahin ng Kuya Brandon niya ang paborito nilang sugpo na ginisa sa margarine.

Nilingon siya ng Kuya Brandon niya, at kumibit balikat. "Wala tayong magagawa, eh. Bukod sa kailangan na'ting ibenta 'yong dalawang kabayo para makabayad, kailangan rin isama iyong maliit na taniman na'tin." Pagpapaliwanag nito, na lubos niyang ikinalungkot. Muli itong bumalik sa kanyang niluluto.

Unti-unting nawalan ng gana si Keith gumawa ng takdang aralin niya dahil sa sinabi nito. "'Wag kang mag alala, Bunso. Hindi ko ibebenta 'yong mga bibe mo." Dagdag pa ng Kuya Brandon niya, habang maingat na hinahanda ang gabihan nila.

Ngumiti na lamang siya nang matipid, at pilit inintindi ang sitwasyon nila. Magmula noong iwan sila ng kanilang mga magulang, siya at ang Kuya Brandon na lamang niya ang gumagawa ng paraan para magkabuhay ang tahanang naiwan sa kanila. Nakapagtapos naman ang Kuya Brandon niya ng senior high, kaya kahit papaano, ay natatanggap ito sa mga maliliit na restawrant bilang trabahador.

Ilang buwan silang nagluksa matapos silang tuluyang iwan ng ama. Hindi na sila umasang may dadalaw pa sa libing nito dahil wala din namang pumunta nong libing ng kanilang Mama. Ganon na lamang siguro kapag malaki ang galit ng pamilya mo sa iyo. Kahit sa araw ng libing, hindi man lang magawang dumalaw o magparamdam.

"Tara, Bunso. Kain na. Niluto ko paborito mo." Nagyayayang anunsyo ng Kuya Brandon niya habang dala-dala ang ulam na paborito niya.

Otomatiko siyang ngumiti, at nagmamadaling itinabi ang kanyang gamit. Matapos ay maingat siyang kumuha ng dalawang plato at dalawang pares ng kutsara't tinidor. Kitang-kita ang kabataan sa Kanyang masayang pigura dahil sa ngiting namumutawi. Akala mo nga ay nakalimutan na niyang kanina lamang ay malungkot siya.

Inosente, makulay, at umuusbong pa lamang siya. Ganoon na lamang ka-bilib ang Kuya Brandon niya sa kanya. Nagagawa pa din nitong ngumiti sa kabila ng mga masasamang nangyayari sa kanila. Sinasabayan na lamang niya ito para hindi na lumala pa.

"Oh, pakabusog ka, ah..." Masiglang wika ng Kuya Brandon niya. "Bukas dadating ulit 'yong mga manong. Kapag sinabi kong sa kwarto ka lang, sa kwarto ka lang, ah?" Pagtango lamang ang tugon niya dahil naglalaway na siya sa ulam nila.

ILALIMTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon